0

Fathers and son Part 19


Report

” Bakit ganyan ka kung makatingin sakin?” Nainis man si Yssa pero hindi na lamang niya pinahalata kay Rodney. Baka kasi akalain nito na hindi totoo ang lahat ng sinabi niya sa huli noong isang araw. Kinalimutan na nga raw niya ito.
” Bigla ko lang naisip.”
” Ang alin?”
” Na kung ok pa sana tayo ngayon,hindi malabong masundan ang anak natin.”
” Sira ulo ka!” Pero hindi rin niya napigilan ang damdamin. Nagalit siya ng bahagya sa lalaking kasama nya ngayon nang magkahiwa hiwalay sila. Kung sana si Larry ang nakasama niya,komportable sana siya.
” Yssabel. Pinaalala mo sakin kagabi ang nangyari sa atin noon. ” Hayag ni Rodney.
” Tigilan mo ko,Jr. ” Ito ang tawag ni Yssa sa kanya.
” Ganoon na ganoon ka rin noon kung natutulog. Maamo ang mukha. Natukso tuloy akong halikan ka kagabi.” Pag amin ni Rodney. Hindi niya kasi napigilan ang sariling damdamin kagabi nang isinandal niya sa kanyang balikat ang ulo ni Yssa upang alalayan sa pagtulog.
” Ano?! Ginawa mo yon nang hindi ko alam?! Sira ulo ka talaga!” Kumilos si Yssa. Pinaghahampas hampas niya si Rodney gamit ang kanyang mga kamay.” Walang hiya ka! Sa kabila ng mga ginawa mo sakin,nagagawa mo pa rin akong paglaruan!”
” Aray!! Ano ba?! Sandali naman! Aray!” Panay sangga naman si Rodney sa mga kamay ni Yssa na para walang balak na tigilan siya sa paghampas.
” Walang hiya!”
” Teka lang!” Nahawakan ni Rodney ang magkabilang braso ni Yssa. ” Kung sinabi ko sayo,papayagan mo ba ako?! Alam kong mali ang ginawa kong paghalik sayo kagabi,Yssabel. Pero patawarin mo ko kung hindi ko nagawang pigilan ang sarili ko. Mahal kita. Mahal kita noon at hanggang ngayon. Ikaw pa rin ang laman ng puso ko kahit na alam kong abot langit ang galit mo sakin dahil iniwan kita sa ere. Iniwan kita sa mga panahong nahihirapan ka. Pero Yssabel..nahirapan rin ako. Alam kong buntis ka noon pero mas nangibabaw sakin yung pagkaduwag ko at takot. ”
Unti unti nang ibinaba ni Yssabel ang kanyang mga braso at kamay. Umiwas ng tingin kay Rodney.
” Yssabel. Kahit naman iniwan kita,sinigurado ko pa rin na may malaman man lang tungkol sayo. Pero kahit na si Leslie,hindi niya alam kung nasaan ka. Hindi kita masisisi kung kamuhian mo ko. Pero sana…sana man lang…ipakilala mo sakin ang anak natin. Kahit na…kahit na makita ko lang siya buhat sa malayo. Kahit na..kahit na…hindi na kita maaaring mabawi pa.”
Panay ang pagsasalita ni Rodney. Pero panay rin ang pagluha ni Yssa. Bumalik yata ang lahat ng sakit na naramdaman niya noon sa mga sandaling iyon.
” Yssabel …..” Mahinang sambit ni Rodney. ” Ayusin natin to. Pakiusap…”
Tiningnan ni Yssa si Rodney. Nakikita niyang nagsisisi na nga naman ito sa lahat ng ginawa niya.
” Yssabel..hindi ko pinagsisihan na hinalikan kita kagabi. Na miss kita. Hindi ko nga akalain na magkita pa tayong muli gayong napakatagal na ng panahong nakalipas. ”
” Mahal mo pa ba ako?” Diretsong tanong ni Yssa sa kanya.
” Kasasabi ko lang,Yssabel. Oo. Mahal pa kita. Mahal na mahal kita.”
” Pwes….hayaan mo na ako,Jr. Ayokong masaktan mo pa ako ulit. Tama ng binigo mo ko noon. Ayoko ng maulit pa iyon.” Pakiusap ni Yssa na nag uunahan sa pagtulo ang kanyang mga luha sa mga mata.
” Yssabel….” Pagsusumamo naman ni Rodney.
” Masaya nako na wala ka sa tabi ng anak natin. Ayokong isumbat sayo ang lahat ng sakripisyo ko sa anak ko. Bilang ina niya,obligasyon kong palakihin siya ng tama. Hindi mo na kailangan ipagpilitan ang sarili mo sa anak natin.”
” Hindi! ” Kinuyom ni Rodney ang kanyang mga kamao. ” Hindi ako papayag na hindi niya ko makilala. Yssabel naman. Pakiusap…kung kailangan kong lumuhod sa harapan mo,gagawin ko. Mali ako,alam ko yon! At pinagsisihan ko na iyon ng buong buhay ko!”
” Ayoko! Ayokong makilala ka niya....


Natatakot ako na baka ilayo mo siya sakin! Jr please…huwag mo na kaming guluhin…nakikiusap rin ako sayo.” Halos mapaupo na si Yssa sa lupa sa kakaiyak at hagulgol.
Lumapit si Rodney sa kanya na hindi na rin nakayanan pa ang maiyak at mahabag sa babaeng kanyang minahal.
” Yssabel..patawarin mo ko…” Saad niya at tuluyang niyakap si Yssa. ” Patawarin mo ko. Please naman,ayusin natin to. Makilala ko lang anak ko,hahayaan na kitang lumigaya sa piling ng iba. Hindi ako makikialam sa inyo. Bastat makilala ko lang anak ko. Kahit na..ako lang ang makakakilala sa kanya. Tama na iyon.”
Napuno ng iyakan ang lugar na iyon. Dalawang puso ang nagsusumamo sa bawat isa. Hanggang kelan nga ba nila hindi pagbibigyan ang isat isa.
” Yssabel…buong buhay nakong masama,sana naman huwag mo kong gawing masama sa mata ng anak ko…” Tuloy tuloy pa rin ang pagluha ni Rodney. Kahit na naturingan siyang walang puso dahil sa trabaho niya, tao pa rin naman siya at handang magbago para sa mga minamahal.
Kumalma si Yssa sa pag iyak. Si Rodney naman ay marahang bumibitaw sa pagkakayap sa babae. Tinitigan ng mabuti. Nakikita niyang nangingilid pa rin ang mga luha nito. Basang basa ang mukha. Marahan niyang pinunasan gamit ang mga kamay.
Habang pinupunasan ni Rodney ang mukha ni Yssa,hindi niya napigilan na matigilan at pagmasdan ito. At saka,tuluyan nang natukso. Inilapit niya ang kanyang mukha sa babae at walang pigil sa sariling hinalikan si Yssa sa labi. Mariin hanggang sa dahan dahang gumalaw ang kanyang labi. Nandoon pa rin ang pagnanasa niya sa babae noon at tila sumabog na ngayon.
Ang tagpong iyon ay unang nakita ni Larry. Nangunguna kasi siya sa paglakad kaya siya ang unang nakasaksi. Tila hindi niya nakayanan kaya tumalikod siya pero nanatili sa iisang lugar.
Nagtaka si Lee sa tinuran ni Larry. Tumingin siya sa harapan at nalaman niya kung bakit ginawa ni Larry iyon. Bigla niyang naalala,hawak nga pala niya ang anak na si Viel kaya kumilos ang kanyang isang libreng kamay at tinakpan ang mga mata nito para hindi makita ang ginagawa nina Rodney at Yssa.
” Papa..wala akong makita.”
” Sandali lang anak…” Sagot ni Lee sa nagtatanong na si Viel.
Hindi rin nakaligtas sa paningin ni Leslie iyon.
” Kuya….” Tanging sambit niya na siya lang ang nakarinig. ” Yssabel??”
Matapos mahalikan muli ni Rodney si Yssa,isang malutong na sampal naman ang iginawad ng huli sa kanya nang matauhan ito.
” Huwag mo nang uulitin iyon!” Mariing wika ni Yssa sa kanya. Napayuko na lamang si Rodney.
” Kuya….” Tawag ni Leslie mula sa di kalayuan sa kanila.
Sabay na napalingon sina Rodney at Yssa kay Leslie. Nakita nilang kasama nito sina Lee at Viel. Hinagilap agad ni Yssa si Larry. At nakita niyang nasa hulihan ito ng iba. Tumayo siya at saka patakbong sinalubong si Viel.
” Viel…” Niyakap niya agad ang bata.
” Titser Yssa. ” Masayang tinugunan ni Viel ang yakap ni Yssa sa kanya.
” Mabuti at ligtas ka.”
” Kayo rin po.”
Tiningnan ni Yssa si Larry. Nagtama ang kanilang mga mata. Nagaalinlangan si Yssa na lapitan si Larry dahil baka nakita nito ang ginawa ni Rodney sa kanya. Pero si Larry ang unang nagsalita.
” Yssa…..” Pilit na ngiti nito sa kabila ng nasaksihan niya. Wala naman syang karapatang magalit dahil sa hindi niya pag aari si Yssa. ” Mabuti at ligtas ka. ”
” Larry…..” Ilang hakbang ang ginawa niya upang makalapit kay Larry at saka niyakap ang huli. ” Masaya akong makita kang ligtas.” Sabi niya.
Nag aalinlangan ring yumakap si Larry sa kanya pero napayakap na rin. Gusto niya si Yssa. Sapat na dahilan iyon para yakapin niya ito ng walang pag aalinlangan.
” Kuya….”
” Leslie..”
Nagyakapan rin ang magkapatid.
” Huwag na tayong magsayang ng oras. Kailangan na nating hanapin ang daan palabas ng gubat. ” Agaw pansin ni Lee sa kanila.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.