0

𝚈𝚘𝚞 π™±πšŽπš•πš˜πš—πš πš πš’πšπš‘ π™ΌπšŽ CHAPTER TWELVE


Report

PASADO alas-diyes na ng gabi at nasa kuwarto na ang lahat pero nagpasya si Aica na hintayin ang pagdating ni Sam. Nakaupo siya sa itaas na baitang ng balkonahe nang pumarada ang isang taxi sa tapat at bumaba ito. Siya ang nagbukas ng gate na daanang-tao para makapasok ito.
“Hi! Bakit gising ka pa?”
“Hinihintay talaga kita, Sam,” sabi niya. “Gusto sana kitang makausap….”
Hinawakan nito ang braso niya at iginaya siya sa gilid ng bahay patungo sa lanai. Nang magkadaiti sila ay naamoy niya ang alak sa hininga nito. Nakainom ito pero hindi naman ito lasing.
Naupo sila sa bench na nasa gilid ng pond kung saan lumalangoy ang makukulay na isda. Carpa raw ang mga iyon sabi ni Sam.
“Naisip ko na….. tama naman si Roselyn. Hindi ako karapat-dapat maging modelo. Hindi ko nga maintindihan kung bakit mo ako nagustuhan. Siguro’y mas mabuting bumalik na lang kami sa amin. Humanap ka na lang ng iba.”
“And why would I do that? Dahil lang sa mga sinabi ni Roselyn? I don’t care about her opinion, Aica. Kaya hindi mo rin siya dapat pansinin. Siya lang ang nagsabing pangit ka. Hindi ka ba naniniwala sa akin, kay Kylie at kay Mommy? What about Jeric? Hindi ba sinabi rin niyang maganda ka? Bakit paniniwalaan mo ang sinabi ni Roselyn? She’s just jealous. Gusto lang niyang ngayon pa lang ay sirain ka na.”
“Bakit naman niya gagawin iyon? Sino ba naman ako sa kanya? Kapag pinagkompara mo kami, para lang akong langaw. At siya……. isa siyang magandang paruparo———-”
“Narinig mo ba ang sinasabi mo?” natatawang sabi ni Sam. “Huwag mong ikompara ang sarili mo sa isang langaw, Aica,” Ginagap nito ang kamay niya at sa pagkagulat niya ay hinalikan nito iyon. “You know what you are like? Isa kang caterpillar sa ngayon, waiting to become a beautiful butterfly. Hintayin mo ang tamang pagkakataon at mailalabas mo nang buo ang iyong natatagong kagandahan.”
Hindi niya alam kung paano siya magre-react sa sinabi nito.
“Damn me!” bulalas nito at tinawanan ang sarili. “Kailan pa ako naging makata? Alam mo bang sa iyo lang ako nagkaganito?”
“Hindi ko alam ang sinasabi mo, Sam…..” Pasimpleng binawi niya ang kamay niya mula sa pagkakahawak nito.
“Malalaman mo rin, Aica,” nakangiting sabi nito at hinaplos ang ulo niya. “Just trust me. Magkaroon ka rin ng tiwala sa sarili mo. Huwag kang makikinig kay Roselyn. Hindi iyon ang una at huli ninyong pagkikita kaya ihanda mo na ang sarili mo. Kung papatulan mo siya ay lalo ka lang niyang aasarin. Huwag mo na lang siya pansinin, okay?”
Tanging isang buntong-hininga ang naging sagot niya.
“Mangako ka sa akin na hindi ka paaapekto sa kanya.”
“Ewan ko, Sam….”
“Please……?” Tumitig ito sa mga mata niya. “Gawin mo iyon para sa akin.”
Iniiwas niya ang paningin niya dahil pakiramdam niya ay naglalagos sa kaluluwa niya ang mga titig nito. Nalilito siya sa isang bagong damdamin na pinupukaw nito sa kanya.
“Mangako ka……” ulit nito.
“Oo,” sagot niya. Mabuti na iyon para wala na silang pagtalunan.
“Magpahinga ka na. Isasama ka raw ni Mommy sa salon bukas.”
“Ikaw?”
“Susunod na ako. Gusto ko munang magpahangin.”
“Sige, goodnight, Sam,” sabi niya at tumayo na.
“Goodnight…..”
πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨
KINABUKASAN ay masaya si Kylie nang malaman na nagkausap na sila ni Sam. Ipinaalam din niya sa dalagita na itutuloy niya ang pagmomodelo para sa Garden of Eden. At sa susunod na araw ay nakahanda na siyang pirmahan ang kontrata.
Alas-diyes ng umaga nang umalis sila ni Mrs. Tessa para magtungo sa beauty salon. Kilalang-kilala roon ang ginang at agad silang inasikaso. Ipina-rebond nito ang buhok niya at ipinagupit sa isang bagong hairstyle. Bumagay sa kanya ang layered haircut. At nang lagyan siya ng makeup ay hindi siya makapaniwalang siya ang magandang babaeng tinitignan niya sa salamin.
Natawa pa si Mrs. Tessa sa naging reaksiyon niya.
Sa unang pagkakataon din ay nakaranas siya ng manicure at pedicure kaya naman namimilantik ang mga daliri niya sa pangamba niyang baka masira ang nail polish na inilagay sa mga kuko niya.
Pakiramdam niya ay isa na siyang bagong tao nang lumabas sila ng salon. Mas marami ngayon ang lumilingon kapag dumaraan siya. Hindi pa man ay nalulula na siya sa generosity ng mama ni Sam.
Kumain muna sila sa isang Italian restaurant bago siya dinala nito sa department store. Pinagsukat siya nito nang pinagsukat ng mga damit at ang magustuhan nito para sa kanya ay walang pag-aatubiling binili nito. Ganoon din sa sapatos. Kaya naman nang lumabas sila roon ay kung ilang paper bag ng damit at sapatos ang bitbit niya.
“Ma’am, napakarami nitong binili ninyo. Nakakahiya na po,” sabi niya nang pabalik na sila sa sasakyan.
“Hija, si Sam ang magbabayad ng lahat ng iyan, hindi ako,” nakatawang sagot nito sa kanya. “At saka pwede bang ‘Tita Tessa’ na lang ang itawag mo sa akin? Huwag na ang ‘ma’am’, hindi naman ako teacher,” biro pa nito.
“Sige po, Tita……”
“Good. Alam mo, magkakasundo tayong dalawa.”
Pagdating nila sa bahay ay hindi makapaniwala si Kylie sa resulta ng makeover na ginawa sa kanya. Gandang-ganda ito sa kanya. Si Ipe na palagay na ang loob doon ay nagbalik na rin ang kakulitan. Ang sabi pa nito, kung kanina raw ay mukha lang siyang tao, ngayon daw ay mukhang diyosa na siya.
“Tumigil ka nga! Kukutusan kita!” biro niya sa kanyang kapatid dahil dinadagdagan pa nito ang kabang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.
“Bakit naman? Nagsasabi siya ng totoo. Mukha kang diyosa,” sabi ni Sam na lumabas ng study nang marinig na naroon na sila. Hinagod siya nito ng tingin. Nasa mga mata nito ang approval. “Very good. Wala na sigurong masasabi si Roselyn kapag nakita ka sa ayos mong iyan.”
“Baka si Roselyn ang magmukhang alalay kapag tumabi siya sa iyo,” sabi naman ni Kylie.
Sinang-ayunan nina Ipe at Lola Bening ang sinabi nito.
“Huwag ka na munang magbihis, may pupuntahan tayo,” sabi ni Sam nang akmang papanhik siya...


sa hagdan.
“Saan tayo pupunta?”
“Malalaman mo rin pagdating natin doon.”
“Uy, may date sila! Ang sweet naman!” biro ni Kylie.
“Aalis muna kami ng apo ninyo, Lola Bening,” paalam ni Sam sa lola niya. Hindi nito pinansin ang panunukso ng kapatid.
“Sige, mag-iingat kayo.”
“We will. Mom, we’re going,” anito nang bumaling sa ina.
“Okay. Dito ba kayo maghahapunan?”
“Huwag na ninyo kaming hintayin. Sa labas na kami maghahapunan.”
“Okay, drive safely.”
“You don’t have to remind me, Mom. Maingat akong magmaneho kapag magandang babae ang kasama ko.”
Nagtawanan ang mga ito sa sinabi ni Sam.
“I see, hindi ako nagkamali sa pagpili sa iyo,” sabi ng binata nang nasa kotse na sila at palabas ng bakuran. “You are lovely.”
“Tama na nga. Kanina mo pa sinasabi iyan, ha? Nahihiya na ako. Baka maniwala ako, sige ka.”
“Bakit? Hindi ka ba naniniwala?”
“Huwag mo na akong bolahin, pwede po ba? Sabihin mo na lang sa akin kung saan mo ako dadalhin.”
“Sa bachelor’s pad ko. Then we’ll dine at my favorite restaurant.”
“Bakit hindi pa natin isinama sina Lola. Doon naman pala tayo pupunta?”
“Natatakot ka ba sa akin, Aica?” natatawang tanong nito sa naging reaksiyon niya. “Nag-aalala ka na tayong dalawa lang ang pupunta sa pad ko?”
“Ha? Eh……” Hinawi niya ang ilang hibla ng buhok na tumakip sa mukha niya. “Hindi. Bakit naman ako matatakot sa iyo? Empleyado mo na ako ngayon at amo kita. May dapat ba akong ikatakot doon?”
Sa halip na sumagot ay makahulugan ang ngiting ipinagkaloob nito sa kanya. Pinatugtog nito ang CD player at pumailanlang ang awiting “You Are So Beautiful.” Pakiramdam niya ay inihahandog nito sa kanya ang awiting iyon. Sinadya nitong patugtugin para iparating sa kanya na napakaganda niya sa paningin nito.
Malamig ang hanging ibinubuga ng aircon ng sasakyan pero hindi niya alam kung bakit nag-iinit ang pakiramdam niya. Ang malakas na kabog ng dibdib niya ay lalong sumasasal tuwing susulyapan niya si Sam. At tuwing mapapasulyap ito sa kanya.
Pagkalipas ng mahigit isang oras ay narating nila ang bachelor’s pad nito sa isang high-rise condominium building sa Makati. Nasa fifteenth floor iyon kaya tanaw mula roon ang mga karatig-lugar. Halos malula siya nang sumilip siya sa bintanang salamin.
“Hey, easy…..” sabi ni Sam at inalalayan siya nang pakiramdam niya ay mahihilo siya sa taas ng kanilang kinaroroonan.
“Naku, makatagal kaya ako rito, Sam? Takot ako sa matataas na lugar. Takot din ako sa elevator.”
“Hindi ko alam. Mabuti at sinabi mo. Okay lang na sa bahay ka tumira habang naghahanap tayo ng ibang lugar.”
“Naku, nakakahiya naman sa iyo, Sam. Baka magkagastos ka pa. Pasensiya ka na, hindi talaga ako komportable sa ganitong lugar. Hindi ako masasanay kahit dito pa ako tumira.”
“Sige, walang problema iyon. Sa bahay ka na muna tutuloy hanggang gusto mo. Tatlo lang naman kami roon.”
“Salamat…… pwede mo nang tanggalin ang pagkakayakap mo sa baywang ko….”
“Oh, sorry! Hindi ko namalayan.”
Binawi nito ang pagkakayakap sa baywang niya at iginaya siya paupo sa sofa. Ikinuha siya nito ng tubig para inumin niya. Maski papaano ay guminhawa ang pakiramdam niya.
“Ilan pa kayang kagaya ni Roselyn ang magagalit at magseselos sa akin?” tanong niya mula sa kung saan. Maging siya ay nagulat na naisatinig niya ang nasa isip. Huli na para bawiin niya ang kanyang sinabi.
“Bakit mo tinatanong?” Ngumiti ito at nagpapungay ng mga mata. “Bakit interesado kang malaman?”
“Ha? W-wala, wala naman. Naisip ko lang kasi na baka maraming magalit sa akin, eh, kawawa naman ako.”
“There’ll be many,” sagot nito na ipinagkibit-balikat lamang. “I am thirty years old, sweetheart. You don’t expect na wala pang babaeng nagdaan sa buhay ko?”
“Ha? Eh, hindi naman iyon ang ibig kong sabihin.”
Nagkandaduling siya nang ilapit nito ang mukha nito sa mukha niya. Halos mag-abot na ang kanilang mga ilong at nalalanghap niya ang mabangong hininga nito.
“Huwag, Sam…..” sabi niya, malakas lang nang kaunti sa isang bulong.
“Wala pa akong ginagawa, sweetheart,” sabi nito. Pilyo ang ngiting naglalaro sa mga mata nito. “Gusto ko lang titigan ang mukha mo sa malapitan….”
“H-hindi ako makahinga,” reklamo niya. Kung hindi ito lalayo ay baka tuluyang mapugto ang kanyang hininga.
Hinaplos nito ang kanyang pisngi. “Aica…… what did you do to me? Bakit hindi ko makalimutan nang una akong tumingin sa mga mata mo?”
“Sam, anong sinasabi mo? Hindi ka naman lasing, diba?” tanong niya. Kinailangan niyang lumunok dahil tuyung-tuyo ang kanyang lalamunan. Halos mabingi siya sa malakas na kabog ng dibdib niya. Hindi pa niya naramdaman ang ganoon sa kahit sinong lalaki.
“Ayokong isipin mong nagsasamantala ako,” anito pagkatapos ay napabuntong-hininga. “Pero para akong sasabog kung hindi ko sasabihin. Gusto kita. Isang pagkagusto na hindi ko alam kung ano ang kahahantungan. Iyon lang ang alam ko. Nang una pa lang kitang makita ay hindi na kita makalimutan.”
“Sam…..” Hindi siya makapaniwala sa mga rebelasyon nito.
“I will do anything for you. I will give you everything you want.”
“At ano ang kapalit, Sam? Ang katawan ko?”
“No! No, huwag mong isipin iyan.”
“Ito lang ba ang dahilan kaya kinukuha mo akong modelo?”
“No. Kinukuha kitang modelo dahil karapat-dapat ka.”
“Kung ganoon, Sam, huwag mo akong pakitaan ng mga bagay na makapagpapalito sa akin. Tinatakot mo ako….”
Biglang natigilan ito pagkarinig sa sinabi niya. Kapagkuwa’y bumuntong-hininga ito at nagngalit ang mga bagang. Mayamaya ay tumayo ito at tumanaw sa labas ng bintana. Ilang sandaling namayani ang katahimikan sa pagitan nila.
“I’m sorry, I didn’t mean to scare you,” anito nang magbalik sa kinaroroonan niya. “Pasensiya ka na, marami lang akong iniisip nitong mga nakaraang araw. I———”
“Nakahanda akong intindihin ka, Sam.”
Ngumiti ito ngunit sa pagkakataong iyon ay may lungkot na naiwan sa mga mata. “Bata ka pa nga, Aica. Wala ka pang alam sa laro ng buhay….”
“Malalaman ko rin iyon, Sam, sa tamang panahon.”


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.