0

𝚈𝚘𝚞 π™±πšŽπš•πš˜πš—πš πš πš’πšπš‘ π™ΌπšŽ CHAPTER FOUR


Report

“KUMUSTA ka na, Ipe?” narinig niyang tanong ni Sam sa Kapatid niya. “Kumusta na ang pakiramdam mo?”
“Masakit po ang likod at baywang ko pero ayos naman.”
“May mga bisita ba tayo, Aica?” tanong ni Lola Bening na sumilip sa bintana na nakatunghay sa paminggalan. “Sino ang mga iyon?”
“Napadaan lang po, Lola. Nakikiinom,” sabi niya at lumabas na dala ang dalawang basong tubig. Ayaw na niyang humaba ang usapan dahil pagkatapos uminom ng dalawa ay itataboy na niya ang mga ito.
“Thanks. Ibang klase ang tubig ninyo rito, ah. Manamis-namis,” sabi ni Sam. “This is better tasting than mineral water.”
“I guess nakalagay ang inumin ninyo sa tapayan, tama ba ako?” sabi naman ni Jeric. “Ganito rin ang lasa ng tubig kina Auntie Lily dahil nakaimbak sa tapayan. Minana pa niya kay Lolo Igme iyon.”
“Si Aling Lily ba na may tahian sa bayan ang tinutukoy mong tiya?”
“Oo. Kilala mo siya? Pamangkin niya ako.”
“Sa akin siya um-order ng manok kahapon dahil darating daw ang pamangkin niya.”
Ngumiti si Jeric. Nag-relax ito pagkatapos malamang magkakilala sila ng tiyahin nito. “Dito pala nanggaling ang inulam namin kahapon.”
“Dito nga,” sabad naman ni Ipe. “Ako pa nga ang humuli niyon, eh.”
“Since magkakilala naman pala kayo ni Auntie Lily, baka pwede mo na kaming patawarin sa nangyari kahapon?”
“Siyanga naman, tutal, walang may gustong mangyari iyon,” segunda ni Sam.
“Kayo pala ang tinutukoy nitong mga apo ko na muntik makasagasa kay Ipe kahapon?” sabi ni Lola Bening na lumabas mula sa pintong kanugnog ng paminggalan.
“Humihingi po kami ng pasensiya, Lola. Sabihin lang ninyo sa amin kung ano ang kailangan ni Ipe at nakahanda kaming tumulong.”
Inirapan niya ang pagmamagandang-loob ni Sam sa lola nila. Napakagalang nito para sa isang tila lumaki sa karangyaan. At ang mas nakakainis ay nararamdaman niya ang sinseridad nito.
“Naku, wala namang masamang nangyari kay Ipe kaya wala na kayong dapat alalahanin. Nahilot na siya kagabi at gagaling na iyan. Nabugbog lang siguro ang likod at balakang sa pagkakasadlak sa kalsada.”
“Maraming salamat po, Lola. Makakahinga na kami nang maluwag nitong kaibigan ko,” sabi ni Jeric na sumulyap sa kanya. Animo’y sinasabi nitong wala na siyang magagawa dahil napatawad na ang mga ito ng lola nila.
“Walang anuman. Narinig kong pamangkin ka ni Lily. Kilala ko ang Lolo Igme mo. Kababata ko siya noon at naging kaklase sa mababang paaralan. Sabihin mo lang na nakilala mo si Benigna Dequiros at alam na niyang ako ang tinutukoy mo.”
“Ganoon po ba? Hayaan ninyo at ikukumusta ko kayo sa kanya.”
“Halina muna kayo sa balkonahe at makapag-minidal. Nagmamadali ba kayo?”
“Hindi naman po, Lola. Nanggaling kami sa pagha-hunting at pauwi na rin kami. Marami kaming oras para makipagkwentuhan.”
“Ganoon naman pala, eh. Halina kayo.” Pagkasabi niyon ay binalingan siya ni Lola Bening. “Aica, ilabas mo ang minatamis na saging at kamote para sa mga bisita natin.”
“Bakit ba kailangan pang imbitahan ang dalawang ito? Mapipilitan pa tuloy akong pagsilbihan sila, hmp!” bulong niya sa kanyang sarili. Kung hindi lang siya magiging bastos sa paningin ni Lola Bening ay dinabugan na niya ang mga ito.
“May sinasabi ka, Aica?” tanong nito nang mapansin marahil na kikibut-kibot ang mga labi niya.
“Oho, isusunod ko na lang,” sabi niya upang huwag nang humaba ang usapan. Nang sulyapan niya si Ipe ay pangiti-ngiti ito. Alam ng kapatid niyang napipilitan lang siyang pakiharapan ang dalawa pero alam din nitong hindi niya maaaring kontrahin ang kanilang lola.
“Ang guguwapo nila, ano, Ate?” sabi pa ng kapatid niya nang sumunod ito sa kanya pagpasok niya sa paminggalan. “Lalo na iyong Sam. Mestizo. At saka, napansin mo ba kanina? Ang lagkit ng titig niya sa iyo! Parang may gusto, eh!”
“Tigilan mo ako, Ipe. Dai ka nakakangisi!” pabulong na...


saway niya rito. “Kapag narinig ka ng mga iyon, ipapalo ko sa ulo mo itong sandok. Makikita mo!”
“Talaga naman, eh! Baka may crush sa iyo!”
“Ipe, tutuktukan na kita!” Itinaas niya ang sandok at iniamba rito. “Doon ka na nga kung bubuwisitin mo lang ako!”
“Uy, namumula ka, Ate! Suklayin mo muna ang buhok mo bago ka lumabas doon, ha?” patuloy na pambubuska nito habang papalabas ng paminggalan.
“Wala akong pakialam! Alis!”
πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨πŸ‘©β€β€οΈβ€πŸ’‹β€πŸ‘¨
MASAYA nang nakikipagkuwentuhan si Lola Bening sa dalawang lalaki nang pumanhik si Aica sa balkonahe dala ang meryenda. Inalok siya ni Jeric na saluhan niya ang mga ito pero tumanggi siya. Mas ginusto niyang pumasok sa kuwarto at doon na lang makinig sa usapan ng mga ito kaysa makiharap pa.
Tama si Ipe, malagkit kung makatitig ang Sam na iyon. Nagkunwari lang siyang hindi iyon napapansin pero ang totoo ay pinagpapawisan na kanina ang ilong niya dala ng tensiyon. Pakiramdam niya ay hinuhubaran siya ng mga tingin nito. Manyak yata ang isang iyon.
Pero hindi niya itatangging guwapo nga ang mokong. Siguro ay may lahi itong Amerikano dahil hindi pangkaraniwan ang tangkad nito, kulay-mais ang buhok at abuhin ang mga mata. Kahapon pa niya napansin iyon nang bumaba ito mula sa sasakyan at daluhan si Ipe. Pero masyado siyang nagalit sa nangyari kaya ngayon lang niya lubusang napagtuunan ng pansin ang mga katangiang taglay nito.
“Gusto ko ring matutong mamaril. Pwede mo ba akong turuan, Kuya Jeric?” sabad ni Ipe sa usapan.
“Oo bah! Pero sa ibang araw na lang dahil pagod na ako. Kung gusto mo, babalik kami bukas dito.”
“Pwede ba silang bumalik para turuan akong mamaril ng ibon, Lola?”
Nahiling niyang sana ay tumutol ang lola nila pero kabaliktaran niyon ang narinig niya. Sumang-ayon ito at nag-anyaya pa na doon mananghalian ang dalawa. Napakamot siya sa ulo sa pagkainis niya. Ibig sabihin niyon ay makikita niyang muli si Sam at hindi niya ikinatutuwa iyon.
“Masarap ho itong minatamis na saging at kamote,” sabi ni Jeric. “Bihira ko itong matikman.”
“Me, too,” sang-ayon ni Sam. “Mas masarap ito kaysa sa nabibili sa restaurant sa Manila. I think I’ll come back for more.”
“Salamat naman at nagustuhan pala ninyo. Huwag ninyong kalimutang bumalik bukas dahil magpa-pahanda ako kay Aica ng pananghalian,” sabi ni Lola Bening.
“Hindi ho namin kakalimutan, Lola.”
Pagkaraan pa ng ilang minuto ay nagpaalam na ang dalawa. Napilitan siyang lumabas nang tawagin siya ni Lola Bening dahil aalis na nga raw ang mga ito. Tumango lang siya nang magpaalam sa kanya ang magkaibigan. Kung pwede lang niyang sabihing huwag nang babalik ang mga ito ay ginawa na niya. Pero nanatiling tikom ang bibig niya dahil tiyak na pagagalitan siya ng lola nila kahit pabiro pa niyang sabihin iyon.
“Mabuot naman pala ang mga batang iyon,” sabi ni Lola Bening nang wala na ang mga ito. “Bakit hindi mo man lang pinakiharapan?”
“Para ano, Lola? Hindi ko naman sila kakilala para makipagkwentuhan ako.”
“Kaya nga dapat ay pinakiharapan mo para nakilala mo sila.”
“Nahiya si Ate, Lola. Ngayon lang kasi nakakita ng guwapo,” biro ni Ipe sa kanya. Kahit kailan ay wala na itong ginawa kundi ang buskahin siya.
“Gusto mong pilayan kita, ha?” pananakot niya rito. “Ikaw talaga….!”
“Babalik sila bukas at dito sila manananghalian. Magkatay ka ng dalawang manok bukas. Iyon ang ipapaulam natin sa kanila.”
“Hindi na sana ninyo sila inimbita, Lola. Marami akong gawain bukas. Maaabala pa tuloy ako.”
“Pwede namang ipagpaliban ang mga gawain mo. Mabuti iyong magkaroon tayo ng mga kaibigan na taga-Maynila. Para makita na rin nila na tayong mga Bicolano ay mapagpatuloy sa ating tahanan. Ano ba ang tawag doon? Hospital….?”
“Hospitality po, Lola, hindi ‘hospital’,” pagtatama ni Ipe sa hindi masabi ng matanda.
“Iyon na nga. Nasabit lang sa dila ko.”


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.