1

Misoto and Ranielle


Report

“Masungit sobra, istrikta sobra. Pero paano nga ba ako nabihag ng babaeng ito? Her name is Ranielle, and I love her kahit kakaiba siyang magalit,” himutok ni Misoto. Lasing na ito.

Gf
Uminom ka na naman ano? Kaya pala wala kang reply kagabi.

“Ha? Paano niya nalaman?” ang bulalas ng binata nang mabasa ang text message ng nobya.

Maaga akong nakatulog mahal…

Ok.

“Patay! Ito ang pinakaayaw kong reply niya. Malamang nagkikimkim na naman siya ng sama ng loob,” aniya sa sarili at muling nagtipa ng sasabihin.

Mahal, pupunta ako diyan mamaya sa work mo.

Matapos niyon, inayos na ang sarili. Kailangan bumawi.

Nasa tapat na ng may kaliitang coffee shop si Misoto. Nagdadalawang-isip kung papasok dahil sa nakikita niyang busy sa counter ang nobya niya. Ang kaya niyang gawin sa ngayon ay tanawin ito mula sa labas.
”Paano kaya ako makakabawi nito?”
Napakamot siya sa ulo at akma nang aalis pero napahinto dahil sa pagtunog ng message tone ng selpon niya.

Gf
Wala kang balak pumasok?

Napatingin ang lalaki sa nobya at napaisip kung paano ito nakapagtext gayong ni hindi ata siya tinapunan ng tingin man lang. Busy pa rin ito sa counter, nakikipagngitian sa mga customer.
Bumalik siya ng tingin sa selpon para magreply pero muling may nagpop-up na text.

Gf
Sino bang inaantay mo diyan? May babae ka ano?

Shit naman! Pinuntahan na nga niya, pinag-iisipan pa ng masama, maktol nito sa isipan kaya inis siyang nag-reply.

Magkita tayo sa katabing fast food. Wala akong babae.

“Kailan pa niya natutong pagdudahan ako?”

Halos isang oras nakaupo si Misoto sa may tabi ng fast food bago nagpakita ang busangot na si Ranielle.
”Dinalhan kita ng pagkain, half day lang ako,” walang lambing nitong pagkakasabi sabay abot sa nobyo ng isang styro.
”Hindi ako nagugutom, ang gusto ko ngumiti ka ngayon.”
Ngumiti nga naman ang babae pero nang ma-realize na may atraso pa ang nobyo niya ay bumusangot ulit.
”Sorry na kagabi.”
Umirap si Ranielle na parang sinasabing tama siya ng hinala. Napayuko na lang si Misoto tapos hinuli ang kamay ng babae na papalag pa sana. Sa pag-angat niya ng tingin, nagtama ang mata nila, na nangangahulugang okay na naman.

NAGLALAKAD silang dalawa pauwi sa boarding house ng dalaga. Magkaholding hands. Walang imikin. Pero iba ang nasa isip ni Misoto. Gusto niyang itulak sa may pader ang nobya at halikan doon ng halikan kaya lang walang pader. Public place, maraming tao sa paligid. Nag-iba na na naman ang takbo ng isip niya, gusto niya talagang bumawi. Alam niyang madami siyang pagkukulang kahit na puro pagmamaldita lang naman ang isinusukli ni Ranielle. Naalala pa niya nang una silang magkakilala. Customer lang siya noon ng sarili nitong coffee shop.
“Miss 3 in 1 nga.”
Nagtatawanan ang nasa paligid kasabay ng pagkunot-noo ng dalaga.
“Your order is not available sir, wala ka sa grocery store, naiiritang sagot nito.
“Puwedeng ikaw na lang orderin ko?” banat niya kahit sa totoo lang napahiya siya. Umugong ang hiyawan sa loob ng coffee shop.
“Im sorry to tell you pero wala akong balak makipagbiruan sa ‘yo, Sir.”
Ngumiti si Misoto nang matamis. “Okay babalik ako bukas baka pwede na.”
Nasapo ng babae ang noo.
Mula noon ay di na niya tinigilan pa ang dalaga. Bumabanat siya kung kinakailangan hanggang mapa-oo niya ito.
“Bakit ka nakangiti?” Nabalik sa realidad si Misoto nasa tapat na pala sila ng boarding house.
“Puwedeng tumambay muna ako?” tanong niya para ibahin ang usapan.
”Sure, pero saglit ka lang.”
Tumuloy na sila sa loob. Walang ibang tao. May kanya-kanyang kuwarto sa loob niyon.
“Nasaan sila?” tanong ni Misoto.
“Mga estudyante kasi ang iba kaya alam mo na pag bakasyon, bibihira lang akong may kasama dito.”
Pinigil ni Misoto ang mapangiti sa nalamang iyon. Kasalanan ang naiisip niya kahit two years na sila ay hindi pa umabot sa puntong masolo niya ang dalaga. Hindi niya itong kayang pagsamantalahan lalo na may ate siyang dalaga rin na laging nagpapaalala. “Misoto, magpigil sa sarili at igalang ang mga babae dahil pag nalaman ko, ako mismo puputol niyan!” Napakamot siya sa ulo nang maalala iyon.
“Sabi mo saglit ka lang, uwi na.” Pinagtulakan pa siya nito.
“Kiss mo muna ako.”
Pinitik ni Ranielle ang nguso niya.
“Aray naman mahal, masakit kaya.” Tumawa si Ranielle.
“Ikaw kasi dapat di ka na nagpapaalam, I want your surprise kiss.”
Napangiti si Misoto. Mabuti na ang malinaw. “Pero ‘wag abusuhin. Ayokong maadik sa ‘yo kaya layas na.”
Kinabig niya muna si Ranielle tapos hinagkan ang labi.
Napaigtad pa sila pareho nang may kumatok.
“Water bill po.”
Nahihiya silang nagkatinginan.
“Umuwi ka na, baka may makakita na nagpatuloy ako ng lalaki dito,” biglang sabi ni Ranielle.
“Sige text na lang...


tayo, mamaya,” bukal sa loob na sabi niya.

Gf
Nasaan ka? Nakauwi ka na ba? Hindi mo ako tinext.

Hindi ko malaman ni Misoto kung ano ang gagawin. Dumaan muna kasi siya sa barkada at nagkayayaan.

Nandito nakahiga na.

Alas siyete na rin kasi ng gabi baka naman maniwala ang nobya niya sa reply na iyon.

Ok, good night.

“Tagay na, Tsong… mamaya na yan,” sabi ni Marlo kaya itinabi ko na ang selpon at ipinatong sa ibabaw ng mesa.
Mayamaya nag-vibrate na ulit iyon.

Gf calling…

Nagdalawang-isip ang binata kung sasagutin ba iyon hanggang sa nagpop-up ang text sa taas.

Katext ko si Marlo, nag-iinuman daw kayo.

Napatingin siya sa kaibigan. Wala naman itong hawak na selpon mula pa kanina.

Mahal, konti lang 2.

Parang nakikita na niya kung ano ang mukha ng nobya.

Kung naghahanap ka ng trabaho matutuwa pa ako sa ‘yo, puro barkada na lang kasi inaatupag mo. Minsan naisip ko, bakit nga ba kita sinagot hmp!

“Lagi ko naman siyang sinusuyo.” Nilagok na lang niya ang alak sa nasa baso at hindi na nag-reply.
“Pare, easy lang,” sabi ni Marlo na nakahalata yatang may problema.

“Kasalanan ko bang hindi ako tumatagal sa trabaho kaya tambay na ako ng isang linggo?” Sa huli naisipan niyang mag-reply.

Grabe ka naman mahal…

Ganoon lang palagi, susuyuin ang dalaga at magiging okay na pero dumating sa puntong wala na talagang paramdam si Ranielle na halos magpabaliw kay Misoto.
“Pare, wala ba talagang nasabi sa ‘yo si Nyel?” Umiling si Marlo.
Pati sa coffee shop kasi ng dalaga ay walang nakakaalam.
“Sir, sorry po talaga hindi namin alam kung nasaan si Ma’m Ranielle. Matapos kasi niyang ibenta ito, wala kaming naging balita sa kanya,” sabi ng lalaking bagong may-ari niyon.

BUWAN pa ang lumipas, hanggang sa mapagod  na siya kakahanap. Parang nawalan na ng saysay ang buhay niya.
”Tanggapin mo na lang ‘yong trabaho sa ibang bansa para makalimot ka,” suhestiyon ng ate niya nang makasabay siya sa hapag-kainan.
“Para saan ate?” tanong niya na may hang over pa mula nagdaang gabing paglalasing.
“Baka mahanap mo roon ang kapalaran mo.”
Natawa nang mapait si Misoto.
“Babalik si Ranielle, baka hanapin niya ako. Hindi ako aalis, that’s final!” padabog niyang sabi at saka tumayo para kumuha na naman ng alak.
Mabilis iyong naagaw ni Mika.
“Ano ba Misoto? Gusto mo itakwil na kita? Ang sakit mo na sa ulo! Makinig ka naman sa akin! Ayokong masayang ang buhay mo sa walang kakuwenta-kuwentang dahilan.” Napahagulgol si Misoto at walang anu-anong yumakap sa ate niya. Tama nga naman ito. Bakit nga ba hindi niya ayusin ang buhay niya? Bakit hinayaan niyang malugmok dahil sa isang babae?
“Iniwan ako ni Ranielle. Iniwan niya akong walang pasabi.” Parang batang umiiyak sa balikat ng nakakatandang kapatid.

NATULOY siya sa ibang bansa at nagtrabaho bilang fruit packer sa Australia. Naging mahirap sa kanya ang mga araw, buwan at taon pero nasanay din. Hanggang isang araw naisipan na niyang umuwi ng Pinas. Pagkababa pa lang niya ng terminal ay may nahagip ang mga mata. Mabilis kumalabog ang puso niya dahil ang nakikitang iyon ay ang babaeng nang-iwan sa kanya noon.
“Ranielle?” Gumuhit ang kirot sa puso niya na akala niya ay naiwan na niya sa pangingibang-bansa. May karga kasi itong bata ay may kasamang lalaki na mukhang dayuhan. Pinigil niya ang sariling huwag lumapit pero hindi niya nagawa. Titig na titig siya rito hanggang sa may lumapit ditong babae at kinuha niyon ang bata.
“Malaking abala na kami sa ‘yo Ranielle pero salamat talaga ha.”
Naguguluhan na si Misoto at saglit nahinto.
“Ano ka ba, Ate! Sinisuwelduhan ninyo naman ako, e kaya ayos lang.” Humagalpak ito ng tawa. “O, sige na, Ate. May hahanapin pa ako, e.”
Natawa ang tinatawag nitong ate. “Sige, ikaw ang bahala.”
Humakbang na si Ranielle papunta sa gawi niya kaya bigla siyang nataranta lalo pa’t nagtama ang mga mata nila kasunod nang pagkagulat nito.
“Misoto?” naluluha nang wika ng babaeng iyon.
“H-hi…” nauutal niyang bati.
Lumapit na si Ranielle. Naroon sa mga mata nito ang pamilyar na kislap na hindi akalaing makikitang muli ng binata.
“Pasensiya na kung bigla akong nawala noon…”
“Kung sasabihin mong single ka pa rin hanggang ngayon, ay kakalimutan kong nangyari iyon,” ang nakangiti nang sabi ni Misoto.
Bumalatay ang kakaibang ngiti ni Ranielle. “Matagal nang in a relationship ang puso ko, e. Paano ba ‘yan?”
Noon napayuko si Misoto. Nawala ang kulay sa mukha nito at handa na itong umiyak pero inangat ni Ranielle ang mukha niya.
“Hey, hindi ba’t sa ‘yo? Huwag mong sabihing ipinagpalit mo na ako.”
Agad niyang niyakap ang dalaga.
“Hindi mangyayari iyon. You are my one and only.”
Humagikhik si Ranielle at yumakap na rin.

Wakas…

@she_losa


One Comment

  1. wow may forever cla at naging inspirasyon mo c girl para tumayo s sariling paa at ipagpatuloy Ang buhay 😍😍😍

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.