0

LET YOUR HEART DECIDE


Report

Kailangan ba na magwakas
itong pag-ibig
Bukas kaya’y wala ka na sa
‘king isip

Buwisit! Ano bang ingay ‘yon? Ang lakas yata ng music hindi ako makatulog.

Hindi mo ba naalala ang
mga kahapon
Na dati ay anong saya’t
Anong tamis

Bumangon ako at hinanap ‘yong music. Marahil nanggagaling sa kuwarto ng kapatid kong si Harold.

Sadyang pag-big natin ay
Nakakapanghinayang
Ngunit sa ‘ting mga mata
Ito’y kalabisan lamang
Patuloy na masasaktan
ang mga puso
O bakit kaysakit pa rin
ang paglayo

Napahinto ako sa paghakbang. Ang sakit sa dibdib ng kanta. Natatamaan ako.

Wala ka man ngayon sa aking
piling
Nasasaktan man ang puso’t
damdamin
Muli’t muli sayo na aamining
Ika’y mahal pa rin

Naaalala ko siya. Ang sakit lang wala na kami. By the way, I’m Reymark at may girlfriend ako dati for seven years pero wala e. Walang forever dahil naghiwalay din kami. Nagsawa siya. Naging cold. ‘Yong silent goodbye na bigla ko lang naramdaman, na nagbago na siya. Hindi na makulit. Hindi na rin sweet.

At kung sakali na muling
magkita
At madama na mayro’n
pang pag-asa
Hindi na dapat natin pang
dayain
Puso ang magpapasya.

Sana nga. Sana ganoon kadali. Pero mukhang di na maibabalik ang dating kami. Tsk! Patama talaga ang kanta na ‘to.
“Harold, patayin mo na nga ‘yan!!” sigaw ko sa third year highschool kong kapatid pagkapasok ko ng kuwarto niya.
“Alin Kuya? Ang ganda nga ng kanta at saka kinakabisado ko para sa competition sa school,” rason niya.
Kinakabisado? Ibig sabihin araw-araw kong maririnig?
“Pumili ka na lang ng ibang kanta basta huwag lang yan!”
“Ano? Kuya naman, ito yong nagustuhan ko e.”
Napakamot pa sa ulo ang kapatid ko.
“Reymark, Harold ang iingay ninyo, gabi na a. Bakit di pa kayo magsipagtulog? Hindi ko matapos-tapos ang lesson plan dahil sa inyo e,” saway ni Papa sa amin. High school teacher nga pala siya kung saan nag-aaral si Harold.
“E, si Kuya kasi Pa…”
“Ikaw Reymark, kung may sarili kang problema, huwag mong idamay si bunso.”
Nasermunan tuloy ako. Makatulog na nga. May trabaho pa ako bukas.
Isa akong nurse at ganoon din ang ex- girlfriend ko. Pareho ang ospital na pinapasukan namin kaya hindi ganoon kadali ang moving on. Ang hirap na makasalubong siya at hindi na ako ang dahilan ng mga ngiti niya.
“Nurse, patulong naman o…”
Tinulungan ko naman ‘yong ginang na sinusubukang tumayo mula sa wheel chair. On duty ako ngayon at isa siya sa binabantayan kong pasyente.
“Salamat, ‘Nak…” aniya.
Naalala ko tuloy si Mama na nasa Dubai bilang caregiver. Hindi na siya umuuwi apat na taon na rin ang nakakaraan kaya minsan mainit ang ulo ni Papa. Mabuti pa sila kahit mahirap hindi bumibitiw.
“Ang lungkot mo naman, ‘Nak..” sabi ng ginang.
Napansin niya pala kaya ngumiti ako. Isang mapait na ngiti. Di na siya muling nagsalita.
“Oy pare, sasama ka ba mag-volunteer?” tanong ni Troy isa sa mga barkada ko na nurse rin. Nasa hallway ako nang abutan niya.
“Volunteer saan?”
“Sa Nueva Ecija. Kailangan daw ng kahit isang nurse para sa medical mission at ikaw ang naisip kong pasamahin alam mo na, way din yan para makakita ka na ng ibang mamahalin at makalimutan mo na si Carmella,” aniyang nakatawa
Aba lokong to! Hindi naman ‘yon basta-basta na lang.
“Hoy Pare, hindi ko gusto ang naiisip mo.”
“Ikaw rin tatanda kang binata, tignan mo kami ni Audette, going strong pa rin.”
“Ininggit mo pa ako.”
“Sama ka na! Agree kami sa sinabi ni Troy…”
Ayan na ‘yong tatlo na sina Vhins, Marby at Zenon. Pinagkaisahan na naman ako.
“Oo, sasama na. Kailan ba ‘yan?”
“Bukas!” sabay-sabay na sabi nila.
“Bukas? Agad?”
Tumawa lang sila.
Nasa bus na ako mula Quezon City biyaheng papuntang Nueva Ecija. Naalala ko na naman siya kung paano siya sumandal sa balikat ko at makakatulog, tapos pag nagising ngiti niya agad ang masisilayan ko. Kasa-kasama ko pa siya dati pag may tour noon ang school namin. Hay. Ang bigat na naman ng dibdib ko. Di ko naman magawang umiyak kasi matapang ako e.
“A, Sir, nandito na po tayo,” panggigising sa akin ng konduktor. Napahaba yata ang pag-iisip ko at nakatulugan na.
Bumaba na ako para hanapin ang resthouse na matutuluyan ko. Kinatok ko na ang pintuan nito nang masigurong tama ang address na pinuntahan ko.
“Surprise!”
“Andito rin kayo?” tanong ko dahil kumpleto ang barkada with partners pa. Ako lang ang wala.
Tumango sila. Pumasok na ako.
“Pare, na-broken hearted ka lang di mo na agad nahalatang kung bakit mag-isa ka lang namin pinabiyahe,” ani Vhins
Napakunoot-noo ako.
“Walang medical mission…” dagdag ni Zenon.
“E, anong gagawin natin dito?” tanong ko na medyo naiinis. Akalain ninyo ‘yon napasakay ako sa kalokohan ng mga ‘to.
“Gusto ka lang namin, makapagrelax,” sabad ni Troy.
“Makapagrelax?” ulit ko.
Tumango na naman sila.
“Matatanggal tayo sa trabaho nito, umayos kayo!”
“Pare, hahanapan ka lang naman namin ng chicks e,” sabi naman ni Marby.
Lumabas ako ng pinto. Hindi sila nakakatulong sa...


pinagdadaanan ko. Saktong paglabas ko nakasalubong ko si Carmella.
“Andito ka rin pala, nagvolunteer ka rin?”
Hindi ko alam kung bakit niya ako kinakausap pero isa lang ang sigurado kagagawan ‘to ng mga barkada ko kung bakit nandito rin siya. Lagot talaga sila sa akin. Makakatikim sila ng kamao ko.
Tinanguan ko na lang siya bilang tugon.
Nilagpasan na niya ako pagkatapos niyon at tumuloy na rin sa loob ng resthouse. Sinundan ko siya siyempre. Nadaanan ko pa ang barkada na nakakasiyahan sa sala. Tiningnan ko sila nang masama.
“Para sa ‘yo naman ‘to a…” sabi nila.
“Puwes mali ang ginawa ninyo!”
Napatingin si Carmella sa puwesto namin na nagtataka pero tumalikod din dahil niyaya na siya ng mga girls papunta sa kabilang kuwarto. Bale dalawa kasi ang kuwarto. Mabuti naman para may privacy kami ng mga barkada ko.
“May alam ba ‘yong mga gf ninyo?” mahinang tanong ko.
Tumango na naman sila.
“Tangina!” Napamura ako.
“Pare, easy, gagawa kami ng paraan para magkabalikan kayo…” pag-awat ni Troy.
Ayaw ko talaga ng plano nila na paglapitin kami ulit ni Carmella. Hay. Paano kung hindi na magwork? Naiinis ako. Kami lang ang magsyota na nagkahiwalay sa buong barkada na ikinalungkot nila nang labis. Alam kong nahirapan din sila kasi sampu kami dati pero ngayon awkward na.
“Pahangin lang kami,” sabi nila.
Sumunod mga partners nila kaya bale kami na lang ni Carmella ang naiwan. Lumakas ang kabog ng dibdib ko.
May narinig akong nabasag sa kuwarto ng mga babae kaya tinakbo ko iyon.
“A-anong nangyari?”
“Nasagi ko ‘yong vase…” sagot ni Carmella na putlang-putla. Kilala ko siya sa ganyang bagay. Alam kong ninenerbiyos siya.
“Hindi ko naman sinasadya,” sabi pa niya tapos akma nang pupulutin ang mga nabasag pero inunahan ko na.
“Ako na rito,” sabi ko.
Habang abala saka naman humangin nang malakas kasabay niyon sumara ang pinto ng kuwarto na ikinagulat pa namin.
Tinakbo ko iyon para buksan, naging mainit kasi sa loob. Laking pagkadismaya nang hindi iyon mabuksan. Napatingin na lang ako kay Carmella.
“Bakit?”
“Hindi ko mabuksan, na-lock yata tayo.”
“Paano ‘yan? Tawagan ko si Audette.”
“Sige, tawagan ko naman si Troy.”
Nagdial nga si Carmella, kitang-kita ko iyon.
Ako naman ay nagkunwaring nagkakalikot ng selpon pero sa gilid ng mata ko nakikita ko siyang hindi mapakali.
“Sagutin mo naman… please…” narinig kong sabi niya.
Sa totoo lang wala naman tinatawagan ni isa sa mga barkada ko.
Sorry na lang Carmella pero mas gugustuhin ko na ‘tong ma-locked tayo sa isang kuwarto para naman makasama ka kahit ilang saglit, sa isip ko habang pinagmamasdan siyang palakad-lakad.
“Ano, nakontak mo ba?”
Umiling ako.
“Sana naman maisipan na nilang bumalik,” sabi niya tapos umupo na sa kama. Umupo rin ako. Wala ng choice. Sinadya kong magkalapit kami nang konti. Naaamoy ko ang paborito niyang pabango. Napapikit ako.
“Anong ginagawa mo?”
Nagmulat ako.
“W-wala.”
Tumayo siya. Alam kong nagdial siya ulit.
“Pick up your phone…”
Umupo siya ulit sa gilid ng kama pero na-out balance mabuti mabilis kong nahawakan ang kamay niya. Ngayon, sobrang magkalapit na kami. Pinagmasdan ko ang mukha niya papunta sa labi niya. Natutukso ako. Gusto ko iyong muling mahagkan.
”Bitiwan mo nga ako, Rey!” aniya sabay tulak sa akin.
Nagkamali siya sa ginawang iyon dahil nabuwal kami pareho sa kama at di sinasadyang magkadikit ang labi namin.
Mariin siyang napapikit. Pagkakataon ko na. Niyakap ko siya. Lumalim ang mga halik.
“Rey…” mahinang usal niya.
Hindi niya ako inawat sa bawat halik. Namiss ko ang ganito. I really miss her.
“Let your heart decide kasi mahal pa rin kita,” bulong ko.
Umiiyak na siya.
“Reymark, hindi ko alam pero this time I need you back to me.”
Napangiti ako. Gusto niyang magkabalikan kami.
“Sure ka?”
Ngumiti siya pabalik tapos kinagat ‘yong labi niya. Shit! ‘Yon ang kahinaan ko pag ginagawa na niya ‘yan. Diyan niya ako napaibig, e.
“Sinadya ko talagang basagin ‘yong vase.” Nakangiti pa rin siya.
“Mabuti naagaw mo atensiyon ko.” nanunukso kong sabi saka malokong ngumiti.
Umalis siya sa pagkakadagan sa akin.
“Bumangon ka na, baka may iba pa akong gawin sa ‘yo e,” sabi niya sabay tawa.
“Sige nga,” hamon ko sa kanya.
Binato niya ako ng unan.
“I love you, Reymark!” aniya tapos biglang nakalabas na pala ng pinto. May susi pala siya. Naisahan ako. Pero ang ikinasaya ng puso ko ang, I love you niya. Mahabol nga.
Asan na ‘yon? Nawala bigla. Naku pag nakita talaga kita.
“Carmella, asan ka! Ayoko nang ganitong biro, nagagalit na ako…”
Pumunta ako ng dining pero wala.
“Carmella please naman…”
Isang yakap mula sa likuran ang nagpahinto sa akin. Kasabay nito ang pagpasok ng mga barkada namin.
“O, anong nangyari?”
“Kami na ulit!” duet namin ni Carmella.
Nakauwi na sa trabaho ang barkada pero kami ni Carmella nagpaiwan muna para magkaroon ng bonding moments na halos isang taon din ipinagkait.
Minsan talaga nagiging cold ang isang relasyon pero ang masasabi ko lang hanggat puwede pa, let your heart decide.

Wakas…

@she_losa

1

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.