0

What a Girl wants πŸ’•πŸ₯° 🍬 CHAPTER SEVEN


Report

What a Girl wants πŸ’•πŸ₯°
🍬 CHAPTER SEVEN 🍬
“SAGUTIN mo na kasi ako para hindi ka na bitter, Miss Pastillas,” sabi ng isa sa mga “admirers” ni Claribelle na nakaabang sa kanya sa gate ng university. Sinasadya talagang abangan ang paglabas niya. May dala pa itong bulaklak at chocolates para sa kanya. “Just give me a chance to date you.”
Isa ang lalaki sa masisipag at matitiyagang nagme-message sa kanya hindi lang sa YouTube kundi maging sa iba pa niyang social media account. Na kesyo in love daw ito sa kanya at ito ang lalaking magpapagaling sa sugatan niyang puso.
Kasabay ng pagsikat ng kanyang video na umabot na sa three millions views sa loob ng tatlong linggo, dumami rin ang mga admirer ni Claribelle. Mga lalaki na nagpapakita ng interes at may nakakadiring proposal pa. Kinailangan niyang gawing private ang account niya dahil nagugulo na siyang masyado. Hindi niya pinagpapapansin ang mga ito pero sadyang nate-trace pa rin siya ng iba dahil may mga nakakakilala sa kanya na nagbibigay ng impormasyon. Hindi na niya alam kung anong iwas ang gagawin.
“I am sorry. Nagsasayang ka lang ng panahon. Yang ipinambili mo ng bulaklak at chocolates, ipinambaon mo na lang sana sa school at ipanggawa mo ng project,” magalang na sabi ni Claribelle. “Priority ko ang pag-aaral ko ngayon.”
“Nakapag-boyfriend ka nga dati pa, bakit hindi pwede ngayon?” reklamo ng lalaki.
“Kasi, hindi ka naman kasingguwapo ng ex ni Claribelle. Reymart Ferrer ka ba para sagutin niya?” sabad ni Edmark at hinawakan pa ang baba ng lalaki.
Sinibat ni Claribelle ng matalim na tingin ang kaibigan. “Edmark!” saway niya. Sa dinami-dami ng sasabihin nito, bakit iyon pa? Gusto ba nitong kuyugin at pagpiyestahan siya ng mga fans ng lalaki?
Mababangis ang fans ni Reymart. Kaunting kibot nga lang ay nang-aaway na ang mga ito kahit ordinaryong fans lang na may interes sa binata. Para sa mga ito, si Darling lang ang karapat-dapat sa lalaki sa harap at likod ng camera.
“Ex-boyfriend mo si Reymart Ferrer? Totoo?” bulalas ng lalaki at maang na tinignan si Claribelle. Hindi naman kasi kaila na galing sa university nila si Reymart.
“Ganoon ang type ni Claribelle,” maagap na salo ni Marie. “Huwag mo na siyang pilitin kung ayaw niya.”
“Ang choosy mo. Kaya ka siguro iniwan ng ex mo dahil gusto mo maging kamukha siya ni Reymart Ferrer. Masyadong mataas ang ambisyon mo, Miss Pastillas. Di ka pa naman artista. Magiging habambuhay kang bitter at hindi ka sasaya dahil hindi mo ako pinili. Diyan na nga kayo,” sabi ng manliligaw ni Claribelle at nagdadabog nang naglakad palayo.
Isa na namang bigong manliligaw.
“Hoy! Iwan mo muna kahit yang chocolate. Sayang din iyan,” pahabol pa ni Edmark pero hindi ito pinansin ng lalaki. “Tse! Di ka naman ganoon ka-yummy.”
Hinampas ni Claribelle si Edmark sa balikat. “Bruha ka! Huwag mo ngang mabanggit-banggit si Reymart.”
“Eh, ano naman ngayon? Para naman malaman nila kung ano ang tipo mong lalaki. Siyempre, ganoon dapat kataas ang standard mo. Di ka naman pwedeng mag-downgrade, hindi ba?”
“Wag mo na nga kasing banggitin si Reymart. Mapapahugot na naman itong friend natin, eh,” sabi naman ni Marie.
“Eh, di mabuti. Para lalong tumaas ang views natin,” sabi ni Edmark na may kasamang ngiti ng tagumpay.
Umirap si Claribelle. “Ayoko na, okay? Gusto ko nang maka-move on. Last na yong ginisang ampalaya na yon.”
“Nag-enjoy ka namang gawin, ah! Point of view ng isang bitter.”
Dahil sa pagsikat ng video ni Claribelle kasabay ng paghihinagpis niya kay Reymart ay hindi makapag-focus nang maayos sa paggawa ng nakakakilig na script sa recipe. Ang bagsak tuloy ay napilitan siyang basahin ang script na gawa ng mga kaibigan tungkol sa ginisang ampalaya. Wala siyang choice kundi sundin ang mga ito dahil hindi rin naman maganda ang mood niya nang mga oras na iyon.
Patuloy na tumaas ang views nila dahil sa bagong video ni Claribelle. Pero sa nakuhang atensiyon, gusto na niyang bumalik sa dati. Sa pagiging masayahin. Ganoon naman ang isang professional, hindi ba? Pwedeng maging masaya sa harap ng camera kahit nasasaktan. Gusto niyang ituloy ang dating concept ng “Cooking with Love.”
Hindi niya alam kung ganoon din si Reymart. Hindi niya alam kung naiisip din siya nito. Kung nagpapanggap lang ito na masaya pero nasasaktan din gaya niya. Busy pa rin ito sa trabaho pero updated ang account sa mga picture kasama ang leading lady. Nasasanay na rin si Claribelle. Nasasanay na siyang ipaalala sa sarili na hindi na niya kailangang masaktan dahil hindi na niya ito boyfriend.
Wala na siyang karapatan na magselos. Wala na siyang karapatan. Period.
Nawalan nga ng nobyo si Claribelle pero mas malaking problema ang kinakaharap niya. Bukod sa wala nang privacy, hindi niya alam kung paanong bubuwagin ang mga langaw na umaali-aligid sa kanya. Naiirita na siya sa kanyang mga manliligaw. Kailan ba maiintindihan ng mga ito na hindi niya kailangan ng love life?
“Uuwi na lang ako. May bisita daw ako sabi ni Nanay,” sabi niya.
Sana naman ay hindi kung sinong Poncio Pilato na manliligaw na naman ang pumunta sa bahay nila o kaya ay kapitbahay na nangungutang dahil iniisip na dahil may viral video na siya at nai-feature sa telebisyon nang ilang segundo ay mayaman na silang mag-ina.
“Sasama na kami at kailangan naming makuha ang recipe ng kamias candy,” sabi ni Edmark.
“Na bitter?” nakataas ang kilay na tanong ni Claribelle. “Magseryoso nga kayo. Hindi naman tayo Cooking with Bitterness.”
“Friend, uso ang mga bitter ngayon. Iyon ang gusto ng mga tao. Uso ang walang forever. Strike while the iron is hot,” katwiran ni Marie. “You know? Para sa grades at para sa pagiging cum laude…. Or magna cum laude.” At kumindat ito sa kanya.
Oras na matapos ang semester na iyon at nakuha ni Claribelle ang class cards at tatanggalin na talaga niya ang bitter pastillas video na iyon. Hindi na niya kailangang makonsensiya kung may grades na madadamay. Tapos na ang obligasyon niya sa mga kagrupo. Matatahimik na siya. Pero may dalawang buwan pa bago mangyari iyon. Kaunting tiis pa.
🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬
PAGDATING sa bahay ay nadatnan ni Claribelle ang isang van na may tatak ng isang TV station na nakaparada sa labas. Nandoon din pati ang mga usyosero nilang kapitbahay. “Anong meron?” tanong niya.
“Mag-aartista na yata ang nanay mo. Kanina pa ini-interview,” sagot ni Aling Fina na may karga pang umiiyak na apo.
“Aba! Kabogera si Mother,” sabi ni Edmark.
Pagpasok sa bahay, isang babae at isang lalaki ang nandoon at pinagme-merienda ng nanay niya ng ensaymada.
“Magandang hapon po,” bati ni Claribelle.
“Ang anak kong si Claribelle. Anak, taga-Star Network sila.”
“Hello, Pastillas Girl. I am Abegail from Now Trending at ang cameraman kong si Lito,” sabi ng babae at kinamayan siya.
“Hello po. Mga kaklase ko po, sina Marie at Edmark,” sabi ni Claribelle at ipinakilala ang dalawa pang kaibigan. “Sila po ang kagrupo ko sa “Cooking with Love”.
“Good. Gusto ko sana naming ma-interview tungkol sa trending video.”
“Uhm……. Hindi po kasi ako komportable na pag-usapan yon. Masyado po kasing personal.” Ayaw ni Claribelle na mai-TV dahil baka kung ano pa ang isipin ni Reymart o ng nanay ng lalaki. Baka sabihin pang ginagamit niya ang mga ito para sumikat.
“Kung ayaw mong magkwento, naikwento naman ng kaibigan mong si Edmark sa amin ang nangyari,” masayang sabi ni Abegail.
“Ano?” bulalas ni Claribelle at nilingon ang kaibigan.
“Kinontak kasi nila ako tungkol sa pag-feature sa iyo kaya ako na ang nauna nilang na-interview. Hindi ko naman sinabi ang impormasyon tungkol sa boyfriend mo.”
“Ex-boyfriend,” pagtatama ni Claribelle. Oras na sabihin ni Edmark sa madla ang tungkol sa relasyon nila ni Reymart, ibibitin niya ito nang patiwarik at ipapapapak sa mga alakdan. “Ma’am, despite the video, gusto ko po sana ng privacy,” paglilinaw niya.
“Pumayag naman kayong magpa-feature kay Korina Sanchez,” nagtatampong sabi nito.
“Iba po yon. Di naman po kailangang ibigay ko ang personal kong kwento. Sa video lang po naka-focus,” katwiran niya. Wala pa ngang thirty seconds na ipinakita sa programang iyon ang video niya.
Biglang namomoroblema si Abegail. “Hindi ka magpapa-interview? Naku! Paano ba to? Ang interview mo na lang ang kulang. Kailangan na kasi namin itong ipasa...


mayamaya para ma-edit. Kapag wala kaming dalang materials, wala kaming ipapalabas. Baguhan pa lang ako pero parang mawawalan na ako ng trabaho.”
“Anak, pagbigyan mo na si Abegail. Importante ito sa trabaho niya. Nag-iipon siya ng pampakasal nila ng boyfriend niya,” pangongonsensiya ng nanay ni Claribelle.
Pastillas de leche talaga! Pati ba iyon ay nakasalalay sa mga kamay niya?
Pumalakpak ang researcher na biglang nagkaroon ng pag-asa. “Nakuhanan na nga namin ng video pati ang mga itinitinda ninyong pastillas. Makakatulong sana ito sa pag-unlad ng negosyo ninyo. Malay mo, magkaroon pa kayo ng mas magandang tindahan at maging household name kayo. Ayaw mo ba yon? Hindi lang ikaw ang sikat kundi pati ang negosyo ng nanay mo.”
Nakita ni Claribelle ang nagmamakaawang hitsura ng kanyang ina at ng researcher. Ang ayaw niya sa lahat ay iyong may responsibilidad sa mga kamay niya. Pero dahil alam niya kung gaano kahirap kumita ng pera ay napilitan siyang tumango.
“Sige. Basta wala kayong itatanong tungkol sa ex-boyfriend ko.”
“Sure,” sang-ayon agad ni Abegail.
“At gusto ko ring ipakita na hindi naman kailangang maging bitter sa paggawa ng pastillas.”
🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬
πŸ“² ANG GALING mo siguro sa puzzle, Claribelle. Kasi, umaga pa lang binuo mo na ang araw ko. πŸ“²
Hindi naiwasang mapangiti ni Claribelle nang mabasa ang pick-up line na padala sa kanya. (Nice. Thank you, Totoy Biloy. ☺️) Sinagot niya ang private message ng isa sa admirer at napangiti. Nawala na ang atensiyong naramdaman niya. Nasa labas siya ng opisina ng programang “Now Trending” at hinihintay ang pagtawag sa kanya para sa interview. Kasama niya sina Edmark at Marie na nagpasa ng resume at request para maging intern. First choice nila ang naturang network dahil iyon ang pinakamalaki sa lahat. Pakiramdam niya ay marami siyang matutunan doon.
“Anong inginingiti-ngiti mo diyan?” tanong ni Edmark at nakisilip sa kanyang cellphone.
“Wala,” sabi ni Claribelle at pinindot ang Sleep button.
“Echosera! Patingin nga!” sabi ni Edmark at inagaw ang cellphone.
“Hoy! Akin na ang…….”
Nakangising binuksan ni Edmark ang cellphone at wala nang nagawa si Claribelle para bawiin pa. “What is this? Ang galing mo siguro sa puzzle, Claribelle. Kasi umaga pa lang, binuo mo na ang araw ko. From Totoy Biloy. Ito na ang nagpapangiti sayo?”
“Anong itsura? Anong itsura?” naiintrigang tanong ni Marie.
Nanlaki ang mga mata ni Edmark. “Si Reymart Ferrer!” sabi nito at ipinakita kay Marie ang message. “Kaya naman pala ang lapad ng ngiti ng lola mo. Kinikilig sa poser.”
“Sa dinami-dami ba naman ng kakikiligan mo sa mga manliligaw mo, sa poser pa ni Reymart ka nauwi. Ini-imagine mo ba na si Reymart ang isang yan?” tanong ni Marie. “Akala ko ba moving on ka na, friend?”
Itinaas ni Claribelle ang mukha. “Move on na talaga ako.”
Wala na silang communication ni Reymart at sa nakikita ni Claribelle ay patuloy lang ang magandang career ng lalaki. Pakiramdam tuloy niya ay isa na lang siya sa milyon-milyon nitong fan na nakasubaybay rito. Nakakalungkot pero kailangan niyang mag-focus sa sariling buhay. At kasama na roon ang sandamakmak na atensiyon dahil sa kanyang viral video. Ngayong bagong semestre na at inalis na nilang magkakaibigan ang kontrobersiyal na pastillas video, nananatili pa rin siyang sikat dahil kumalat na ang video na iyon sa iba’t ibang sites. Wala na silang nagawa para mapigilan pati na rin ang mga lalaking gustong maging Mr. Pastillas niya. Tanging pakonswelo na lang niya sa lahat ng nangyayari ay ang flat one na grade sa lahat ng subjects niya nang nagdaang sem. Pati ang professor niya na masusungit ay bumait sa kanya.
“Kung nag-move on ka na, bakit naman poser pa ni Reymart ang nakatuwaan mo?” tanong ni Marie. “Samantalang marami kang manliligaw na mas guwapo at may sinasabi naman pero binasted mo. For all you know, puro dimple lang yang si Totoy Biloy…. walang face value. Kung pipili ka naman ng kapalit ni Reymart……”
“Hindi naman ako naghahanap ng kapalit. Natutuwa lang ako kay Totoy Biloy dahil napapangiti niya ako. Di siya gaya ng ibang makukulit na pumoporma sa akin na gusto akong maging girlfriend. Parang nandiyan lang siya para pangitiin ako. Hindi niya ipinipilit ang sarili niya. Di ko alam ang hitsura niya pero napapasaya niya ako.”
Hindi alam ni Claribelle kung bakit magaan ang pakiramdam niya kay Totoy Biloy. Siguro, dahil napapasaya siya nito nang walang hinihinging kapalit. Sa loob ng mahabang panahon ng pag-intindi at pagbibigay, gusto naman niya ng isang taong magpapasaya sa kanya na walang hinihingi na kahit ano. Si Totoy Biloy, simpleng “thank you” lang ay nasisiyahan na. Kung magkakakilala siguro sila ay magiging mabuti silang magkaibigan.
“Hindi ba kayo kinakabahan sa interview? Bakit kasi kailangan pang may interview ang OJT? Di naman tayo papasok agad ng trabaho?” tanong ni Marie at ipinadyak pa ang mga paa.
“Malaking station to. Natural lang na gusto nilang salain ang interns nila,” paliwanag ni Claribelle. Kahit siguro sinong Mass Communication student ay gustong magkaroon ng exposure sa isang sikat na diyaryo o network dahil maganda nga namang tignan sa resume at makakasama pa ang mga sikat sa industriya.
“Kalma ka lang, girl. Nasa atin si Pastillas Girl. Siguro naman iko-consider nila na na-interview na nila tayo dati,” sabi ni Edmark.
“Basta galingan natin,” giit ni Claribelle. Hindi siya komportable na gagamitin ang “kasikatan” niya para lang makapasok sa OJT. Pare-pareho silang estudyante kaya naniniwala sila na may equal opportunity ang lahat para matuto.
Umayos sila ng upo nang biglang bumukas ang pinto at lumabas ang galit na babae. Maigsi ang buhok nito at nasa late thirties na pero maganda pa rin.
“Si Kara Montenegro,” pasimpleng sabi ni Claribelle. Dating beauty queen host si Kara Montenegro pero sa pagkakaalam niya ay nagpo-produce na ngayon ng mga show. Lahat ng hinawakan nitong show ay pumatok. Nagka-award pa ang show nito sa Emmy’s at Asian TV Awards. Nakaka-starstruck si Kara Montenegro at nakatulala lang siya rito. Kasunod nito ang iba pang mga staff at parang galing sa meeting.
“This can’t be happening. Hindi pwedeng wala tayong maipalit kay Tori Montemayor para sa “You’re the One For Me”. Kung kailan mabubuhay na ang career niya, saka pa siya mabubuntis. Get me a replacement within twenty-four hours. Kung ayaw ninyong pare-pareho tayong pulutin sa kangkungan.”
Napangiwi si Claribelle. Namutla naman ang dalawang kasama at nanigas sa tabi niya. Gusto niyang maging intern sa department ni Kara Montenegro dahil magaganda ang program nito at pawang napapanahon. Pero hindi niya alam kung kakayanin ng kanyang puso ang matalas na dila ng babae. Bahala na. Kung gusto niyang tumagal sa propesyon na iyon, kailangan niyang ihanda ang sarili sa mga hamon.
(Kakayanin ko to. πŸ’ͺ Pangarap ko to. Di ako pwedeng mapigilan ng mga simpleng pagsubok lang. Fight!)
“Good morning, Miss Kara,” magalang na bati ni Claribelle.
Huminto sa paglalakad si Kara at nakataas ang kilay na tinignan siya. “Morning,” ganting bati nito at pinasadahan silang tatlo ng tingin. Saka binalingan ang researcher na si Abegail. “Why are they here?”
“Interview po for internship,” sagot ni Abegail. “Si Claribelle po pala, isa sa na-feature natin sa “Now Trending”. Yong may viral video.”
“What? Yong may sex scandal?”
“H-hindi po,” tutol agad ni Claribelle. “Yong video po ng pastillas.”
“Pastillas na bitter,” paglilinaw ni Abegail. “Ang dami nga pong tumawag sa atin at nag-message kung pwede raw siyang isali sa dating game. Para naman daw po makahanap siya ng magpapagaling sa puso niyang sugatan.”
“Kasama po kami sa nag-conceptualize,” sabad ni Edmark at itinaas pa ang isang kamay. “Willing po kaming magsikap at matuto basta tanggapin niyo lang po kami as intern ninyo, Ma’am.”
Hindi sumagot si Kara at nakatuon lang ang tingin kay Claribelle. “Sooooo, you are that bitter girl who created the pastillas recipe?”
“O-opo. D-di naman po iyon sinasadya,” sagot ni Claribelle at pilit na ngumiti. Kinabahan. Paano kung sa palagay ni Kara ay isang malaking ka-cheap-an ang video niya? Hindi kaya manganib ang internship niya?
“I want her resume and her files,” sabi ni Kara, nilingon ang assistant, saka sumenyas sa kanya. “Follow me to my office.”
Nanlamig ang mga kamay ni Claribelle na pinisil muna ng mga kaibigan bago siya sumunod sa babae.
“Kaya mo yan, girl,” pagpapalakas-loob ni Edmark.
“Galingan mo, ha?” sabi ni Marie.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.