0

Tuloy pa rin ang pag-ibig Chapter 4


Report

Kanina pa napapansin ni Darvin ang dalawang babae na patingin-tingin sa kanya. Pasimple lang niyang sinulyapan ang mga iyon habang nakatungo siya sa hanay ng mga DVD sa isang Music Store. Naiiling habang nangingiti siya dahil panay pa ang bulungan ng dalawa na tila mga teenager pa at kasunod ay magtatawanan. Alam niyang siya ang pinag-uusapan ng mga ito.
Naglalakad-lakad siya at lumipat ng rack. Hawak na niya ang bibilhin ngunit may balak siya. Gumilid siya nang marating ang dulong section. Hindi na siya nakikita ng mga babae. Sinilip niya ang dalawa sa siwang sa pagitan ng mga CD. Nakita niyang sinundan siya ng isa. Mabilis na pasimple siyang kumilos at umikot. Huhulihin niya ang babae. Nasa likuran na siya nito.
“Hindi mo yata makita ang hinahanap mo.”
“Oh, shoot.” Gulat na gulat ang babae nang humarap sa kanya.
Napangiti si Darvin. “I’m sorry. Hindi ko sinasadyang gulatin ka.” Naglalaro ang kakaibang ngiti sa kanyang mga labi. Nakita niya ang pasimpleng paglunok ng babae. At habang pinagmamasdan niya ang kaharap ay napansin niyang pamilyar ito. Sigurado siyang nakita na niya Ang babae. Sigurado rin siya na hindi ito isa sa mga naging flings dahil napakabata nang itsura, baka nga studyante pa ito.
“Ito. Ito ang hinahanap ko,” natatarantang tugon ng babae, sabay hagip sa album ng the script.
Napailing siya. “Really.”
Umangat ang isang kilay nito. “Oo. Bakit hindi ka makapaniwala na trip ko Ang music nila? They’re good.”
Tumango-tango si Darvin. “Natatandaan na kita. Ikaw yung kapatid ng masungit kong kinakapatid, si… Kate?”
Umismid ang babae. “Ang malas ko naman. Si ate pa talaga ang naalala mo.” padabog nitong ibinalik ang CD sa rack.
“Akala ko ba yan ang hinahanap mo?”
“Oo nga. Pero parang mas gusto kong maghanap nang compilation ng mga instrumental. Ma-relax ba.”
Natawa si Darvin. Natural talaga sa babaeng ito ang pagiging madaldal. Though smart, hindi maitago ang kararayan at tila pagiging spoiled. “Ikaw naman. Nagtampo agad. Alam ko naman ang pangalan mo. Anika, right?” tumingin sa kanya ang babae. He smiled.
Noon lumapit ang kasama ni Anika. “Hi,” kaagad nitong bati Kay Darvin. Excited pa.
Nakita ni Darvin na siniko ng babae si Anika. “Si Lily. Classmate ko,” pakilala ni Anika sa kaibigan. Tinanggap ni Darvin ang pakikipag-kamay ni Lily.
“Darvin,” sabi niya at ngumiti naman si Lily.
“Kinakapatid ng masungit kong Ate,” dagdag pa ni Anika.
Umiling si Darvin habang nangingiti. Mukhang masama ang loob ni Anika sa kanya dahil tila hindi nito nagustuhan ang sinabi niya.Na kaya niya lamang niya natandaan si Anika ay dahil sa kapatid nito. Ngunit iyon naman ang totoo. Mas tumatak sa isip niya si Katelyn. Parehong maganda ang magkapatid ngunit si Katelyn ang mas nakukuha ng atensyon niya. Mas bubbly at makwento si Anika. Ngunit maaari dahil sa alam niyang bata pa ito. Kung minsan nga ay tila nagpapapansin pa si Anika sa kanya. But there was no malice on his part. Parang nakababatang kapatid pa nga ang tingin niya kay Anika.
“Okay. Para makabawi ako sa’yo, I’ll treat you both to snack. How ’bout that?” sabi na lang niya.
Nagtinginan ang magkaibigan. Nagkibit-balikat si Anika. “Sige.”
“Oh, Nikka. Hindi ako makakasama,” sabi naman Ni Lily. “Nagtext si mama.”
“So, mukhang tayong dalawa na lang,” sabi Ni Darvin. Tumingin si Anika sa kanya, saka muling tiningnan ang kaibigan. “Okay.”
Nagbeso sina Anika at Lily. Ngunit napuna ni Darvin na may katagalan iyon na tila may sinabi pa si Lily kay Anika kasunod niyo’n ang pasimpleng pangiti ni Anika, saka tumingin sa kanya.
Umiling na lang siya. “Tara.”
“Kumusta ang Ate mo?” tanong ni Darvin habang inilalapag ng crew ng Cafe ang in-order nilang latte.
“Boring pa rin,” sagot ni Anika, sabay higop sa froze, saka sumubo ng chocolate cake.
Napangiti siya. “Boring? Ano bang trabaho niya?”
“Interior designer. Boring designer.” Noon na siya natawa. “Kailangan talaga may boring?” natawa na rin si Anika.
He found Anika fun to be with. Marami itong nasasabi. Kahit ano ay gusto nitong pinag-uusapan. Mula sa mga design ng Cafe na pinasukan nila hanggang sa kasalukuyang gobyerno. She loved talking. Iyon ang napansin niya sa kapatid ni Katelyn.
“Boring talaga siya.”
“Why boring?”
“Hindi mo napansin?” Nagtaka at tila nagulat ang tinig ni Anika. Umiling si Darvin. “Alam mo si Ate, weird yon. Siya nga lang siguro ang interior designer na masungit at anti-social.”
“Anti-social. May sakit ba siya?” aliw na aliw niyang pangungulit.
Tumawa si Anika. “Wala. Healthy living kaya yon. Mas maselan pa nga sa’kin, eh.” Muli itong sumubo ng cake.
He enjoyed watching her. “Hindi mo kasi siya isinasama sa mga gimik mo. I think she’s just busy working.”
Anika snorted. “Yeah, given na yon. Pero bakit naman ako? I’m busy studying. Pero may oras pa rin ako para mag-relax. Kagaya ngayon. Si Ate kasi na-brokenheart dati.”
“Dati?”
“Tama! Someone from her highschool days,” maarteng sabi ni Anika.
Muling natawa si Darvin habang patungo-tungo. Lalong nadagdagan ang interes niya kay Katelyn. “Eh, ikaw? May boyfriend ka ba?”
Hindi kaagad nakasagot ang babae. Mukhang sapul sa katotohanan ang sinabi niya. “Ayaw pa ni Mommy. Bata pa daw ako. She even banned me from dating anyone,” tila masama ang loob nitong sabi habang nilalaro ang tinidor sa plato.
“Really? Sabagay, totoo naman. You’re still young.”
Hindi na umimik si Anika at nagkibit-balikat na lang.
“Bakit wala pang boyfriend ang Ate mo? Walang nanliligaw? Mahal pa rin ba niya yong dati?” Muli ay si Katelyn na naman ang topic nila.
“Meron namang manliligaw, kaso terror si Ate. Lahat basag. At saka ewan ko kung ano’ng status niya do’n sa past niya. Hindi ko naman nakilala yon, eh. He made my sister’s life miserable. Pati tuloy ako nadadamay.” Tuluy-tuloy lang si Anika sa kadaldalan, saka tumingin sa kanya na nauwi sa pagtitig.
“Bakit?”
“Reporter ka ba o writer?” tanong nito na kakaiba ang tingin sa kanya.
“Hindi, bakit?”
“Puro ka kasi tanong. Ano yan, gumagawa ka ng article tungkol sa mga boring at weird kagaya ng kapatid ko? At main subject natin siya.”
“No, I mean, napag-uusapan lang naman natin siya,” nagkibit-balikat na tugon ni Darvin.
Nakaangat ang kilay ni Anika, tila nag-isip. “Type mo ang kapatid ko, no?”
“Bakit, masama?” ganti niyang tanong.
Nanlaki ang mga mata nito. Halos bumilog pa ang bibig sa gulat. Napangiti...


siya.
“Hindi nga?” sabi ni Anika, saka umiling nang paulit-ulit.
“Sorry. Ate is not into you.”
“Talaga?” buong interes niyang tanong. Sa kauna-unahang pagkakataon ay may nagsabi sa kanya na hindi siya gusto ng isang babae.
“You bet.”
Malakas na natawa si Darvin. “Are you sure about that, young lady? nasaling ang pride na tanong niya.
Tumango si Anika. “Oo. Kung si Mommy, ibinan ako para makipag-date, si Ate, siya mismo ang nag-ban sa sarili niya. Ayaw nga niyang magka-boyfriend, date pa kaya? At heto pa. Ang sabi ni Mommy, hindi ako pwedeng makipag-date unless makipag-date ang Ate ko. See what I mean? That’s how bad my sister is.”
“Masyado naman yatang pinahihirapan ng Ate mo ang sarili niya,” naikomento niya. He had a number of relationships in the past. Dahil hindi niya hinahayaan ang sarili na makulong sa kalungkutan. Siya ang tipo ng taong susundin kung ano ang nararamdaman. If he felt he was in love, then he was in love, period. At walang makakapigil doon.
“I know, right? Galit ako do’n sa guy pero mas naiinis ako kay Ate. Feeling niya kasi, lahat ng guys ay tulad n’ong first love niya. Ayaw niyang mag-move on. Ang ganda-ganda pa naman niya. Minsan nga, gusto ko siyang yayaing lumabas para mag-unwind. Kaso laging ‘no, I don’t want to’ ang sagot niya. Hay naku. Oh my, ang dami ko nang naikwento.”
He smiled. “That’s okay.”
Ngumiti si Anika, saka muling sumimsim sa inumin.
“What if…” bigla ay may naglaro sa isip na sambit ni Darvin. Nagkatinginan sila ni Anika at sa huli ay nakuha nito ang ibig niyang sabihin.
“You mean…?”
Mayabang siyang tumango. “I’ll bet you will have your date. Dahil ako ang magiging unang date uli ng Ate mo.”
Natuwa ito sa sinabi niya. “Confidence ka talaga, ha.”
“Oo naman,” sagot niya at inilahad ang kanang kamay na masaya namang tinanggap ni Anika. Hudyat iyon ng pagsisimula ng pagkakaabalahan niya. Ang maging date ni Katelyn Quiñones.
Nakita ni Katelyn ang excited na mukha ni Anika na papalapit sa kanya sa veranda. Alam na niya ang paglapit na iyon. Itinakip niya sa sariling mukha ang librong binabasa at kunwa’y natutulog sa comfort chair. Naramdaman niya ang tahimik nitong pag-upo sa gilid niya.
“Hey, ano na?” Pumayag ba si Mom?”
Nilakasan ni Katelyn ang paghinga na kunwa’y naghihilik. Niyugyog naman siya ni Anika. “Ano ba?”
“Pumayag na ba si Mom?” maagap na tanong nito.
Nagbuga siya ng hangin at bahagyang bumangon. “Hindi,” maiksing niyang sagot.
Nanlumo si Anika. “What now?” problemado nitong tanong.
Umangat ang kilay niya. Parang siya pa ang gusto ng kapatid niya na mag-isip ng paraan sa problema nito. “Wala kang date that’s it.”
“Pero, Ate—”
“Wala akong magagawa. Ayaw ni Mom. Sundin mo na lang kasi siya.”
“Ano ba kasi’ng sinabi mo sa kanya?” naghihimutok na tanong ni Anika.
Tiningnan ni Katelyn nang masama ang kapatid. “Ano pa? Kinausap ko!”
But Anika just snorted. “What exactly did you say?”
Nagbuntong-hininga siya sa kakulitan nito. “Nikka, sumusobra ka na. Hindi porke pumayag ako sa gusto mo ay may passes ka na para kulutin ako nang ganyan. Can you please leave me alone?”
“At pa’no ang ticket? Less than a month na lang bago mag-premiere.”
Sandaling natigilan si Katelyn. Totoong nanghihinayang siya ngunit hindi naman niya maaaring pagbigyan ang kondisyon ng mommy niya. Magugulo ang buhay niya kung lalabas siya kasama ang isang lalaki. “P-pabayaan mo na lang. Ikaw na lang ang manood kung gusto mo,” masama ang loob niyang sabi.
Tumawa si Anika. “At ano? Para lang makatulog do’n? Ayoko nga. Boring yon, no.”
Ngumiwi siya. “Then get your ass out of here. Wala na akong magagawa sa problema mo,” pagtataboy na lang niya. Muli siyang humiga at kinuha ang nalaglag na libro at itinakip sa kanyang mukha. Hindi na niya pipilitin ang mommy niya dahil ayaw niya sa gusto nitong mangyari. Bahala nang si Anika ang mangulit sa Mommy nila. Tutal, atat na atat naman ito.
“I never thought that you would be such a horrible, selfish bitch,” narinig niyang sabi ni Anika.
Dahan-dahan niyang inalis ang libro sa mukha niya at nagtatakang tumingin sa kapatid. Nakita niya na seryoso ito. “Ano’ng sinabi mo, Anna Karenina?” seryoso na rin at namumuo ang galit na tanong niya. Tinatawag niya si Anika sa buong pangalan tuwing totoong nagagalit siya rito. Kaya niyang i-tolerate ang mga away nila pero hindi niya mapapayagan na mawalan ito ng respeto sa kahit sino, lalung-lalo na sa kanya at sa kanilang ina. Hinahayaan nila ang mga tantrum ni Anika ngunit hindi ito maaaring lumampas sa kagandahang-asal.
“Hindi mo talaga ako naiintindihan,” tila may bigat nitong sagot.
Hindi talaga niya maintindihan kung bakit ganoon lang ang kagustuhan ni Anika na makipag-date sa kabila ng mahigpit na patakaran ng mommy nila na hindi maaari. Ano ba ang mayroon sa lalaking kinalolokohan nito? “Hindi ko talaga naiintindihan ang kababawan mo, Anika. Lalaki lang yan.”
“Yeah right,” anito at tumayo. “Para sa’yo, hindi mo ipagpapalit ang mga boring mong libro kaysa intindihin ako. Para sa’yo lahat ng lalaki ay katulad ng first love mo!”
“Stop it!” Mabilis na nakatayo si Katelyn upang abutin si Anika. Hindi na nakahuma ang kapatid niya nang lumapat ang palad niya sa pisngi nito.
She was stunned for a moment. Naikuyom niya ang mga kamay dahil sa kabiglaanan. Iyon ang unang pagkakataon na napagbuhatan niya ng kamay ang kapatid. Kaagad siyang binalot ng pagsisisi ngunit hindi siya makakilos sa pagkabigla.
Hawak ang kaliwang pisngi ay galit na humarap si Anika sa kanya, nangingilid ang luha. “You know what, Ate? Sana may isang lalaking magpapalambot sa’yo and you will fall in love with him head over heels. At pagkatapos, he will ditch you like hell!” nagngingitngit nitong sigaw, saka patakbong lumayo.
“Nikka, wait! I’m sorry.”
“I hate you!” sigaw nito, hindi siya pinakinggan.
Nanlulumo at nanginginig ang mga tuhod na bumalik sa pagkakaupo si Katelyn. Gustuhin man niyang ibalik ang nangyari ay wala nang silbi. She had hurt her sister. Hindi naman niya iyon sinasadya. Nadala lang siya sa kanilang pag-aaway at sinabi nito.
Hindi na bumalik ang magandang mood niya matapos ang tagpong iyon. Nanatili lang siyang nakaupo at tulalang nakatingin sa malayo. Hanggang sa maisip niyang kailangan niyang humingi ng tawad kay Anika.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.