1

To Where You Are CHAPTER ONE


Report

To Where You Are 😘
πŸ‘» CHAPTER ONE πŸ‘»
SUMASAKIT na ang mga mata ni Merry Cris. Kanina pa kasi siya nagbabasa sa tablet at dahil table lamp lang ang nakasindi, masyado sigurong matindi ang contrast ng dilim at liwanag. Ang resulta, napapaluha na siya.
Kinusot niya ang mga mata, ikinurap-kurap. Nasa exciting part na ang kuwentong binabasa niya kaya ayaw muna niyang tumigil. Ang kaso, masakit na talaga ang kanyang mga mata.
Napilitan si Merry Cris na ibaba muna ang tablet. Ibinaling niya ang mga mata sa malayong dingding ng kuwarto para ipahinga. Bigla siyang kinilabutan. Mukha ba iyong nakita niya? Mukhang nakakubli sa mga anino?
Abot-abot ang sasal ng dibdib, pinilit niyang titigan ang bahagi ng silid na kinatatakutan. Hindi iyon ang unang beses na nangyari sa kanya ang ganoon, iyong parang may nahagip ang kanyang paningin na kung anong kakaiba pero kapag minasdan ay nawawala.
Hindi sa pagkakataong iyon. Sa halip na maglaho ang kanyang nakita, lalo pang luminaw iyon, nagkaroon ng detalye.
Mukha iyon ng isang lalaking may mahabang balbas. Hindi lang balbas nito ang mahaba kundi pati ang buhok.
Nanigas si Merry Cris nang rumehistro sa utak ang mga detalye. Pero lalong nakakapanigas ng lahat na yata ng parte ng katawan niya ang sumunod na pangyayari. The figure stepped out of the shadows….. and started walking towards her. Noon na bumigay ang tibay ng kanyang dibdib. Napasigaw siya nang ubod-lakas, na lalo pang lumakas nang sa pagkurap ay nasa harap na mismo niya ang lalaki. Nang may yumuyugyog sa kanya. Wala siyang kasama kaya bakit may yumuyugyog sa kanya?
“Aaaaaaah….” sigaw niya.
Hindi na yata kinaya ng utak niya at nawalan siya ng ulirat….
πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»
“MERRY CRIS……. Merry Cris….”
Pagtapik sa mukha ang gumising kay Merry Cris. Napabalikwas siya, handa nang tumakbo pero napigilan nang makita niya ang mukha ng kaibigang si Barbie.
“Ano ang nangyari sa iyo?” Padaluhong na naupo sa tabi niya si Barbie. “May masakit ba sa iyo? Naumpog ka ba? Ano?”
“H-hindi. K-kuwan kasi…..” Ano ba ang ibibigay niyang dahilan? Ang totoo, nahimatay siya sa takot dahil may nakita siyang lalaking basta na lang sumulpot sa kuwarto niya. Ni ayaw niyang tanggapin na iyon nga ang nangyari. “Wala ito. Kulang lang siguro ako sa tulog. Medyo nagpuyat ako kaya siguro nahilo ako.” Nagkaila na lang siya.
“Nahilo ka riyan. Nawalan ka kaya ng malay.” Halatang nagdududa si Barbie. Namaywang pa sa harap niya. “Umamin ka. May itinatago ka ba sa akin?”
“Puyat nga lang.” Isinantabi niya ang pag-aalala nito.
Tinitigan si Merry Cris ng kaibigan. Mula nang mamatay si Tita Jocelyn, ang kapatid ng daddy niya na siyang nagpalaki sa kanya, mag-isa na siyang namumuhay sa bahay na iniwan nito sa kanya. Wala na rin siyang malapit na kamag-anak kaya itinuring na ni Barbie ang sarili na next-of-kin niya.
“Come on, friend. Baka naman may PTSD ka, o Post Traumatic Stress Disorder na dala ng pagkawala ni Tita Jocelyn,” sapantaha ni Barbie.
“Hala, two years nang patay si Tita.”
“Oh, eh, ano naman ngayon? Wala namang time limit ang sakit ng mawalan, ah. Mas hindi ko naman gustong isipin na si Jeffrey ang dahilan ng PTSD mo.” Umasim ang mukha ni Barbie nang banggitin ang pangalan ng ex niya.
“Of course not!” tanggi agad ni Merry Cris. Kung ayaw nitong isipin na ang lalaki ang rason ng diumano ay PTSD niya, lalo naman siya. Sinaktan na nga siya ni Jeffrey, hahayaan pa niyang patuloy pang makaapekto nang matindi sa kanya ang ginawa nito.
Mas mabilis pa siguro niyang mapapatawad ang ex niya kung nagsabi ito sa kanya na may nakita itong iba. Masasaktan siya pero siguro ay makaka-recover din agad kung nagpaalam ito nang matino na aalis na sa buhay niya.
Sa halip, pinagsabay sila ng isa pa nitong girlfriend. At siya pa ang nasugod ng ibang babae, inakusahang siya ang nang-ahas. Ipinangalandakan pa ng babae ang ipinagbubuntis, mabigat na dahilan para layuan niya si Jeffrey.
Namanhid ang buong katawan ni Merry Cris matapos ang kumprontasyong iyon. Nagtangkang magpaliwanag ang boyfriend niya pero halos hindi na niya inintindi ang mga pinagsasabi nito. Ang gusto na lang niya ay ang maka-move on sa masagwang karanasan.
Masama pa rin ang loob niya sa kinalabasan ng love life. Naniwala kasi siya ng buong puso sa mga pinagsasasabi ni Jeffrey. Matamis ang dila ng lalaki. At siya….. ni hindi nagpreno sa kilig at hinayaang maramdaman ang bunga ng mga boladas nito. Anyway, ilang buwan pa lang naman ang dumaan mula nang mawasak ang kanyang mga ilusyon sa napakasakit na paraan. Hindi pa OA kahit aminin niya na may kurot pa rin sa dibdib kapag naaalala niya iyon.
Isang bagay ang hindi niya ipinaalam: may hinabol siyang tao kailan lang. Isang babae.
Nag-init ang gilid ng mga mata ni Merry Cris nang maalala ang tagpo….
πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»
πŸ‘» NAKARAAN :
Abala si Merry Cris sa pagpili ng magandang ireregalo sa isa sa mga kakilala niyang magbi-birthday. Nasa houseware section siya ng isang mall, tinitignan ang ilang magagandang figurine nang...


may mahagip ang paningin niya na isang babae. Mid to late forties ang edad nito at sa tingin niya, kamukhang-kamukha ng kanyang mommy.
Malakas ang kabog ng dibdib, hinabol ni Merry Cris ang babae. Ni hindi niya alam kung magkakaroon siya ng tapang na kausapin ito. Ang iniisip lang niya, gusto niyang makita ito.
Nawala sandali ang babae sa kanyang paningin, at nang muli niyang makita ay nakasakay na sa escalator. Sa kakamadaling masundan ito, hindi niya napansin na napadaan siya sa bahagi ng mall na may mga nakakabit na warning signs. Nagulat na lang siya nang may marinig siyang sigaw. Kasunod niyon ay may tumama sa ulo niya.
Halos mawalan ng malay si Merry Cris sa sakit na naramdaman. Kung hindi siguro siya maagap na naalalayan ng security guard, baka napaupo na siya sa semento. Under renovation pala ang bahaging napuntahan niya at may nahulog na isang pirasong bakal. Tumama iyon sa ulo niya. Ang sakit. Hindi siya nasugatan pero nagkaroon naman ng malaking bukol. Natignan na siya sa ospital at wala namang nakitang pinsala sa ulo niya…..
πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»
Kinapa ni Merry Cris ang bahagi ng ulo na nagkabukol. Matagal nang umimpis ang bukol pero may mga pagkakataon na hindi niya maiwasang magduda na nagka-brain damage siya sa kabila ng resulta ng mga tests na ginawa sa kanya. Mula kasi nang mabagsakan siya ng bakal sa ulo, nagsimula na ang mga kakaibang pangyayari sa kanya.
“Uy……” Inalog siya ni Barbie, napalundag tuloy siya. “Hayan ka na naman, parang nawawala uli sa sarili. Nakaka-worry ka na talaga.”
“Okay nga lang ako. Pero salamat na rin at nandito ka. Kung hindi, walang magmamalasakit sa akin,” Dalawang araw nang doon natutulog sa kanila si Barbie. May mga bisita kasi sa bahay ng mga ito, mga kamag-anak na galing abroad, kaya magulo raw doon at maingay.
“Oy, wag kang madrama. Kung pwede nga, eh, dito na lang ako sa house mo titira. Ang sarap kaya. Gusto ko ang ambiance. Kung hindi lang kailangan ni Lola ng makakasama, noon pa ako nagpaampon sa iyo,” sabi ni Barbie.
Lumang bahay ang tinutuluyan ni Merry Cris. Isa ang bahay sa iilan na lang na natitira sa lugar nila, at sa buong Pilipinas siguro, na siglo na ang dumaan mula nang maitayo. Nabili iyon ng tita niya nang isanla ng mag-asawa na sa katagalan, nagpasya raw na bumalik na lang sa probinsiya ng lalaki.
Maganda nga sana ang bahay. Malaki kasi ang espasyo, may bakuran pa. Tumatanggap dati ng boarders ang Tita Jocelyn niya pero nang magkaedad ay umayaw na. Dagdag alalahanin pa raw ang pagkakaroon ng ibang tao sa pamamahay nito. Nagkakasya naman na rito ang upa sa tatlong pintong apartment na nabili rin nito at siya na rin ngayong source of income niya, kasama na ang pagbebenta sa online ng mga health supplement.
Masaya noong may mga boarder pa sila dahil maraming tao. Pero ngayong mag-isa na ay talagang aalog-alog siya.
May isa pang rason kung bakit hindi na mapakali si Merry Cris na mapag-isa sa lumang bahay. Maingat niyang iginala ang paningin sa paligid. Handa na siyang tumakbo, inaasahan na anumang sandali ay may susulpot na namang kung ano mula sa kung saang bahagi ng bahay at gugulatin siya.
Mayamaya ay tumayo ang kanyang balahibo. Para kasing biglang lumamig ang hangin. Sinulyapan niya si Barbie. Baka naman nag-iba talaga ang temperatura at hindi lang siya ang nakaramdam. Pero nakita niya na panay ang paypay ng kaibigan. Ibig sabihin, malabong giniginaw ito.
Nakagat ni Merry Cris ang labi, gusto nang magprotesta sa langit sa naiisip na posibleng dahilan sa likod ng dumadalas na mga nararanasan. Huwag naman sanang magaya siya kay Tita Jocelyn na may kakayahang makakita ng mga kaluluwang-ligaw. Nasa lahi raw nila iyon, ayon sa tiyahin. Laking pasalamat niya at mukhang hindi siya nabiyayaan ng ganoong kakayahan. Hindi biyaya ang tingin niya sa kakaibang abilidad na iyon kundi matinding pasanin.
Ilang beses na bang naistorbo ang tahimik na pamumuhay ni Tita Jocelyn dahil hindi matiis ang mga kaluluwang-ligaw diumano ay humihingi ng tulong dito? Kakabit na rin ang mga batikos at pamumula ng ibang tao. Ang pinaka-common ay ang may tililing daw ang tiyahin. Kaya mabuti na lang at hindi siya nakakakita ng kahit na ano o sino na wala sa pisikal na mundo.
Maliban na lang nitong mga nagdaang araw.
Nayakap ni Merry Cris ang sarili. Masyado na talagang lumalamig ang hangin. Mayamaya ay may nahagip ang kanyang paningin. Namilog ang mga mata niya, bumuka ang bibig para sumigaw kaya lang ay walang tinig na lumabas. Sa sobrang takot ay umurong na yata ang kanyang dila.
Sino ba kasi ang hindi mahihibang sa pagkahindik? Hayun at nakasabit sa wooden beam ng bahay, umiikot-ikot pa ng bahagya sa ere, ang isang babaeng nakabigti! Ituturo pa lang dapat niya iyon kay Barbie nang biglang dumilat ang mga mata nito at tumingin sa kanya.
———
Mayo pa lang ngayon . Pero tinatakut ku na sarili ko πŸ˜…πŸ˜‚πŸ˜‚πŸ˜‚πŸ˜‚
Update na naman ako mamaya sa Chapter Eleven ng What a Girls want ni Miss Pastillas πŸ₯°πŸ₯°β€οΈ


One Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.