0

PANALO AKO, LUMABAN KA


Report

PANALO AKO, LUMABAN KA
“Bato bato pick!”
Nakagat ko ang labi sa inis dahil gunting akin bato yung sa kaniya. Tumawa siya ng malakas na mas lalong ikinainis ko.
“Paano ba ‘yan? Libre mo na naman!”
Pang-aasar pa niya na tumatakbo patalikod. Naglalakad kami ngayon sa hallway papunta sa canteen. Gusto kong maiyak sa inis!
“Bwesit ka Ryan!”
Lagi nalang akong talo! Lagi nalang nauubos ang luho ko dahil sa mokong na ‘yon. He is my childhood friend at halos walang araw na hindi kami magkasama.
Napagkakamalan pa nga kaming mag-kapatid e. Iw lang. Kadiri.
“Ano ba! Ang bagal mo naman, gutom na ang mga babies ko dito oh..” itinuro niya ang tiyan, nakasimangot parin ako. Korni niya puta.
Pinakain ko siya, kumain ako ng kunti, at ubos ang pera ko. Ganito kami araw-araw, pagdating ng lunch time, nag-b-bato pick kami. Kung sino yung talo siya yung manlilibre.

“Bato-bato pick!”
Nahampas ko siya sa braso dahil bigla siyang tumawa ng malakas. Talo na naman kasi ako. Bato sa ‘kin papel sa kaniya.
Kakainis!
“Mika naman! Araw-araw mo nalang ba akong ililibre?”
Nakangisi pang tanong ng puta, nang-aasar. Habang ako? Ito, hindi maitsura ang mukha.
“Tumahimik ka d’yan, sipain kita diyan e.”
Sinasamaan ko ng tingin ang bawat estudyanteng natatawa sa mukha ko.
“Uy, pikon—”
“Sabing tigil-tigilan mo ‘ko e!”
Akma ko na sana siyang susuntukin pero mabilis na siyang kumaripas ng takbo. Napasabunot nalang ako sa buhok dahil sa inis.

“Wala pa rin ba si Mr. Ryan Bautista?”
Tanong ng Math teacher namin, napalingon ako sa likuran ng upuan ko. Tatlong araw na siyang hindi pumapasok, at hindi ko rin alam kung ano ang nangyari sa kaniya dahil hindi ko pa siya nakakausap.
“Miss Villarde?” nabalik ako sa ulirat nang tawagin ako ni sir, nangunot ang noo niya.
“Ikaw ang palaging kasama nitong si Mr. Bautista, alam mo ba kung bakit hindi siya pumasok?” tanong niya na ikinailing ko.
Wala siyang nabanggit sa ‘kin na aabsent siya ng tatlong araw…
Pero ang tatlong araw na yun ay naging lima. Hindi parin siya pumapasok at nag-aalala na ako, tinext ko na siya, tinawagan pero lahat ng ginawa ko ay walang bahid ng sagot ni Ryan.
Hanggang sa umabot ng isang buwan ang biglaang pagkawala niya. Lagi akong nakatunganga sa upuan niya at parang nawalan ng ganang makinig sa klase.
Buong araw kong pinapatay ang isipan ko ng mga tanong na…
Bakit hindi na siya pumapasok?
Anong nangyari sa kaniya?
Namimiss ko na siya…

Bandang hapon, nakatungo lamang ako sa sapatos kong natatalsikan ng bawat malalaking patak ng ulan sa lupa. Nalulunod ako sa kakaisip.
Nasaan na siya?
Hanggang sa hindi ko namalayan ang sariling umiiyak na tumatakbo mag-isa patungo sa bahay nila.
Gusto ko siyang makita!
Sinasalubong ko ang malalamig na hangin sa dinaraanan ko. Hindi ko ininda ang lamig nito. Patuloy parin ako sa pagluha hindi ko alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko.
Gusto kong malaman kung bakit hindi na siya pumapasok!

“Ah, oh mika.”
Bungad sa ‘kin ng nanay niya nung katukin ko ang pinto nila.
Nilalamig ako at hinihingal.
“N-nan…”
Hindi ko natapos ang sasabihin dahil pakiramdam ko mauubusan ako ng hangin.
“Hinahanap mo ang anak ko? Hindi pa ba niya nasabi sa ‘yo?”
Sunod-sunod niyang tanong, inangat ko ang tingin kay aling Maris. Nagulat pa ako nung makita ang hitsura niya, buhaghag ang buhok, namumugto ang mata halatang kakagaling lang umiyak.
Anong nangyare sa kaniya?
“A-ang alin?” Wala sa sariling usal ko na nakatitig sa kaniyang mga mata. Nababasa ko ro’n ang matinding lungkot at pag-aalala.
Sumikip ang dibdib ko sa hindi malamang dahilan.
Nakagat niya ang labi animong pinipigilan ang sariling ‘wag maiyak.
“Nasa hospital siya ngayon, nagkasakit siya mika, matagal na. Hindi ko alam na yung anak ko ay palihim na palang umuubo ng dugo—”
Hindi ko na pinatapos sa pagsasalita si aling Maris dahil mabilis na akong kumaripas ng takbo.
May sakit siya?!
Mabilis akong pumara ng sasakyan. Kahit basang-basa na ang damit ko dahil sa ulan ay hindi ko naramdaman ang ginaw.
Matagal na niyang iniinda ang sakit na ‘yon? Bakit hindi ko man lang napansin? Ang tanga ko.

“Sir, kailangan niyo pong kumain upang gumaling ka—”
“Sabing ayoko ngang kumain! Umalis na kayo! Hindi na ako gagaling!”
Sigaw niya dahilan upang mapaubo siya, agad na ibinaba ng nurse ang plato at tinakpan ng tissue ang kaniyang bibig.
Napaluha ako nung makita ang dugo ro’n.
“R-ryan…”
Wala sa sariling usal ko, pareho silang natigilan at napatingin sa ‘kin. Bumagsak ang bag na dala ko at patakbong lumapit sa kaniya pero mabilis akong naharangan ng nurse.
Nakita ko ang gulat na gumuhit sa mukha ni Ryan.
“Ma’am hindi kayo pwde rito.”
Nilingon ko ang nurse at pilit kumawala.
“Bakit?! Kaibigan ko siya!”
“Hindi po pwde…kailangan niyo po munang magpalit.”
Sabi ng nurse, napaupo ako sa sahig na para bang ngayon ko lang naramdaman ang lamig. Nakatitig parin ako kay Ryan, napalunok siya at iniwas ang paningin.
“Bakit hindi mo sinabi sa ‘kin ‘to Ryan? Bakit hindi mo sinabing nagkasakit ka!”
Hindi ko na mapigilang mapasigaw. Hindi siya nakasagot at nagbaba ng tingin. Pinagmasdan ko siya, ang payat-payat na niya. Hindi na siya yung dating Ryan na masiglahin.
“Anong nangyari sa’yo?”

“Bato bato pick!”
Pumalakpak ako sa tuwa dahil sa wakas! Natalo ko siya! Papel akin, bato sa kaniya.
Napairap siya at napaubo...


ng kunti… Agad ko siyang binigyan ng tissue, tinitigan ko lang siya habang umuubo.
Ryan…
Iniwas ko ang paningin nung mapatingin siya sa ‘kin, ikinurap-kurap ko sa kawalan ang mga mata upang mawala ang namumuong luha ro’n.
“Pa’no ba ‘yan? Hindi kita malilibre…”
Mahihimigan ang pagkadismaya sa tono ng pananalita niya, tiningnan ko siya at bahagya pang sinapak ng mahina sa braso.
“Ano ka ba. Syempre malilibre mo ‘ko kapag gumaling ka na no? Pero sa ngayon, sundin mo muna itong sasabihin ko.” ngumiti ako ng matamis, napatitig siya sa ‘kin at bahagya pang kumunot ang noo.
“Anong kalokohan na naman ang nasa isip—”
“Ano ba! Matagal na akong tumigil sa pagloloko, Ryan. Seryosong tao na ako ngayon.” agad na pigil ko sa kaniya, tumango-tango siya na para bang hindi sang-ayon sa sinabi ko.
“Okay, sabi mo e, so ano yung susundin ko?”
Tanong niya, tumingin ako sa mga kamay niya at hinawakan ‘yon. Ramdam kong natigilan siya. Pakiramdam ko nararamdaman ko ang luhang paakyat mula sa mata ko. Naiiyak na naman ako nang mahaplos ang halos wala ng laman niyang kamay.
“Panalo ako, Lumaban ka.”
Kasabay ng pag-angat ng paningin ko sa kaniya ay siya ring pagtulo ng aking mga luha.
“Please Ryan, labanan mo ang sakit na ‘yan. Gusto pa kitang makasama ng matagal…”
Natigilan siya sa sinabi ko, nakita ko ang panunubig ng kaniyang mga mata pero mabilis niya ‘yong ikinurap-kurap.
“Tsh! Bakit ka ba umiiyak? Bilhan mo nalang nga ako ng pagkain.” pilit siyang ngumiti upang iwasan ang mga titig ko.
Lumabas ako ng kwartong ‘yon, isinandal ko ang likod sa pader malapit sa pinto nang marinig ko ang iyak niya.
Yung iyak na kanina pa niya pinipigilan. Yung iyak ng isang taong pagod ng mabuhay.
Humarap ako sa pader at doon tahimik na umiyak. Tinakpan ko ang bibig upang pigilan ang paghikbi.
Gusto kong isigaw itong sakit na nararamdaman ko, pero alam kong hindi nun mababago ang katotohanang, nanghihina na siya at hindi na niya kaya.
Pinakinggan ko ang kaniyang hagulgol at ang linyang paulit-ulit niyang inuusal.
“I’m sorry, mika…”

“Time of death?”
Parang binambo ang puso ko sa narinig, bumagsak ang aking mga pinamili kasabay nun ang pagbagsak ng kamay ni Ryan.
Napalingon ang mga doktor sa ‘kin na may mga namumuong luha sa kanilang mga mata.
“I’m sorry—”
“Hindi…”
Wala sa sariling usal ko habang dahan-dahang humakbang papalapit sa kama niya. Nakakabingi ang tunog ng machine na nagpapahiwatig na huminto na ang takbo ng kaniyang buhay.
“Ryan…”
Dahil sa lungkot na nararamdaman ay tila wala na akong mailuluha. Nakaramdam ako ng labis na pagod pero parang wala lang ‘yon nang makita ko ang kaniyang mukha.
Ang kaniyang maputlang mukha ay nagsasabing pagod na pagod na siya. Walang emosyon na tumulo ang aking mga luha, napaluhod ako.
“Ryan…ako ang panalo! Bakit hindi ka lumaban! Gumising ka diyan huy!” nanginginig ang boses ko habang niyuyugyog siya.
Pero walang nagbago. Nakapikit pa rin ang kaniyang mga mata. Inawat ako ng ibang mga nurse pero mas malakas ako sa mga oras na ‘to.
Determinado akong gisingin siya.
“Ryan! Bumangon ka diyan!”
Puno ng sakit ang aking boses, ilang minuto ang lumipas na wala paring nagbago. Hindi na siya dumilat pa, naramdaman ko ang mga yapak ng mga nurses na papalayo.
“Ang daya mo…”
Mahinang bulong ko na ngayon ay hawak-hawak na ang kamay niya. Nakaupo ako sa gilid ng kama at naluluhang nakatingin sa kaniya.
“S-sobrang daya mo, Ryan…ako ang nanalo pero bakit hindi mo sinunod ang sinabi ko?”
Napayuko ako at nanginginig na pinunasan ang luha, natigilan ako nang makita ang isang litratong nasa sahig.
Pinulot ko ‘yon at tiningnan, napatakip ako sa bibig ko. Ito yung litrato namin nung mga bata pa kami, natawa ako ng mahina nung makita ang chocolate sa ngipin niya.
Ryan…hindi naman kita masisisi kung pagod ka na talaga. Pero sana inisip mo ‘ko…ang sakit e, ang sakit dahil iniwan mo ‘kong ganito…
Iniwan mo ‘ko na walang ibang katulad mo sa paligid ko.
“Ang daya mo…”
Mahina ko siyang sinuntok sa dibdib habang lumuluha.
“Ma’am…” napalingon ako sa nurse. “Gusto niya pong ibigay ko ‘to sa ‘yo.” dagdag niya, pinunasan ko ang luha at kinuha ang nakatupeng papel sa kamay niya.
Hinintay ko pa siyang umalis bago binuksan ang papel, agad na bumuhos ang luha ko nung mabasa ang unang linya.
“Bato-bato sa langit, kapag si Mika ang natamaan mukha ay papait. Hehe. Biro lang. Lumalala na ang sakit ko, gusto ko lang sabihin na…salamat sa araw at oras na nakasama kita. Salamat sa atensiyon mo. Salamat dahil pinapangiti mo ‘ko araw-araw. Pero talagang ang buhay ng isang tao ay may hangganan…sorry kung hindi ko na magagawang tuparin ang pangako kong sasamahan kitang libutin ang mundo…patawarin mo ‘ko Mika. Gusto ko mang lumaban pero alam kong lumalala na ang sakit ko. Tanggap ko naman na, baka bukas bawian na ako ng buhay…ang hindi ko lang matanggap ay hindi na kita makakasama habang-buhay…kapag dumating na ang araw ko, gusto kong malaman mo na mahal na mahal kita Mika…Matagal na akong may gusto sa ‘yo, natatakot lang akong umamin dahil ayaw kong mawalan ng kaibigan. Paalam, my mika.”
Nanghihina kong ibinaba ang sulat habang patuloy sa pagluha. Nilingon ko ang walang buhay na si Ryan… Napapikit ako ng mariin at niyakap siya ng mahigpit.
“I love you too, Ryan…”
——————————————————
Plagiarism is a crime.
@Maulap.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.