0

MY PRETTY KASAMBAHAY


Report

Karamihan sa atin ay nangangarap o nangarap na magkaroon ng isang mala fairytale na love story, iyon bang may happily ever after.
Karaniwan na marahil na ang isang kasambahay ay magkagusto o mainlove sa kanyang amo, ang hindi siguro karaniwan ay yung mainlove din siya sa’yo.

Ngunit paano kung magkaroon ka ng pagkakataong paibigin siya? Makakaya mo ba? Lalo na kung alam mong kayong dalawa ay nagpapanggap lamang at ang tunay niyang minamahal ay pinsan mo pa… Magagawa mo bang sumugal kahit pa maaring masaktan sa huli?

Isang magandang araw po sa lahat ng tagapakinig, ito po ang inyong Kuya JM, samahan nyo po akong tunghayan ang isa na namang kwento na siguradong, magpapa-antig.. magpapa-inlove .. at magpapasaya sa inyo.

CHAPTER ONE

“Aura?! Nasaan ka?” Hindi malaman ni Aura kung ano ang unang dadamputin nang marinig ang malakas at iritadong boses ng pinsang si Mitchi.
Natataranta siya kapag nagkakasunud-sunod ang utos nito.
‚Ate, ano nga po iyong kukunin ko?‛ alanganing tanong niya nang pumasok sa silid nito.
Taas ang kilay at nakasimangot ang magandang mukha nito.
‚Ano ka ba naman, Aura?‛ gigil na sabi nito.
‚Eh…‛ Napakamot siya ng ulo. Inis itong napabuntong-hininga.
‘Ang sabi ko, ihanda mo na iyong kulay-peach kong bestida at iyon na lang ang isusuot ko.‛

‚Peach na bestida,‛ ulit niya na inaalala sa isip ang damit na ipinahahanda nito. ‚Bilisan mo at baka ma-late ako sa pictorial,‛ anito na humarap na sa salamin at nag-make up. Walang kibong lumabas na siya ng silid upang hanapin ang naturang bestida.

‚Peach na bestida…‛ aniya habang iniisa-isa ang mga damit na naka-hanger. Nang bigla siyang may maalala. Mabilis siyang pumasok sa sariling silid. Gusto niyang mapapikit nang makita ang bestidang gustong isuot ni Mitchi.

Nakapatong iyon sa plantsahan.
Kagabi ay inasikaso niya ang mga damit ng pinsan at dahil antok na antok na ay hindi niya sinasadyang masunog ng plantsa ang bestida.
Kinuha niya ang bestida.
Sunog ang gawing likuran niyon. Paano niya sasabihin dito na nasunog niya ang damit?
Napaupo siya sa kama habang nag-iisip ng maidadahilan dito, ngunit kaagad din siyang napatayo nang marinig ang malakas na boses nito.

‚Nasaan na?‛ inis na tanong nito habang nakapamaywang. ‚Malelate na ko.‛

‚K-kasi…‛ Muli siyang napakamot sa ulo habang ang isang kamay ay nasa likod at hawak ang bestidang nasunog.

‚What?‛ Hindi niya malaman kung paano sasabihin dito ang nagawang kapalpakan.
Manapa ay nakangiwing ipinakita niya rito ang sunog na bestida.

‚Aura! Anong ginawa mo sa damit ko?!”Nanlalaki ang mga matang kinuha nito ang damit.

‚N-nasunog ng plantsa.‛
‚Kitang kita nya ang pagbakas ng pagkairita at galit sa mukha ni Mitchi.

‚H-hindi ko naman sinasadya e,‛ paliwanag niya bagama’t kinakabahan sa magiging reaksyon nito.

‚Alam mo ba kung gaano kamahal ang damit na ‘to!‛ Galit na idinuldol nito sa mukha niya ang damit. ‚Estupida ka talaga! Kung hindi lang sa pakiusap ng nanay mo, nungkang kunin kitang alalay.‛

‚A-Ate, pasensya ka na talaga—‛

‚Ikuha mo na lang ako ng kahit na anong damit!‛ galit na utos nito. ‚Bilisan mo!‛
Mabilis siyang sumunod sa iniuutos nito. Gusto niyang maiyak sa panghahamak na natamo mula sa pinsan pero alam naman niyang wala siya sa posisyon para magreklamo.

May kalahating taon na rin siyang naninilbihan bilang personal na alalay nito.
Isa itong commercial at ramp model. Pinsan ng nanay niya ang mommy nito.

Bagama’t magkamag-anak sila ay malaki ang pagkakaiba nilang dalawa. May kaya ang pamilya nito sa Sta. Rosa Nueva Ecija. Negosyante ang daddy nito at siyang may-ari ng kiskisan ng bigas, bukod pa sa malaking ektarya ng lupang pag-aari din ng mga ito.
Samantalang ang tatay niya ay isa lamang trabahador sa kiskisan.

Matanda lang si Mitchi nang dalawang taon sa kanya at kahit halos sabay silang lumaki sa probinsiya ay hindi sila magkapalagayang-loob.
Iba ang mga kaibigan nito, iyong mga anak din ng mga maykaya sa lugar nila. Siya naman ay mas madalas sa bahay at tumutulong sa nanay niya sa pagbabantay ng kanilang tindahan.

Nang magdalaga ito ay lalong lumabas ang kagandahang taglay ni Mitchi na namana sa side ng daddy nito, bukod pa sa sunod lahat ng luho sa katawan dahil nag-iisa lamang itong anak.

Nang magkolehiyo ay sa Maynila ito nag-aral, samantalang siya ay hanggang high school lamang.

Gandang-ganda siya rito at kung minsan ay hindi niya maiwasang makadama ng kaunting inggit.

Nang mag-debut si Mitchi ay ipinaghanda nang grande ng mga magulang; naroroon din siya ngunit isa sa mga taga-silbi at hindi bilang kamag-anak o panauhin.

Nang ma-discover ito bilang modelo ay lalong naging sikat sa lugar nila, lahat ay humanga rito lalo na nang lumabas sa telebisyon ang unang unang commercial nito.

Kapag umuuwi ito sa Sta. Rosa ay parang artista na pinagtitinginan. Ngunit ang sabi naman ng mga kaibigan niya ay may ibubuga rin naman siya sa pinsan niya.
May taglay rin naman siyang ganda. Iyon nga lang ay morena siya at hindi palaayos dahil na rin sa hirap at kaya lang siya nagkakaroon ng bagong damit ay kapag namimigay ng mga pinaglumaang damit ang mommy nito.

Pangarap niyang makapagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo ngunit alam niyang hindi na iyon makakaya pa ng tatay niya.
Lalo at may tatlong nakababatang kapatid pa siya na nagsisipag-aral din.

Balak sana niyang kumuha ng exam sa mga universities para kahit man lang ay makakuha siya ng scholarship, pero hindi na iyon natuloy, dahil alam niyang mas makakatulong siya sa mga magulang kung makapagtatrabaho na siya kahit man lang isang kasambahay.

Kaya nang minsang umuwi si Mitchi sa Sta. Rosa ay nakiusap dito ang nanay niya na kunin siya kahit alalay nito. Tamang-tama naman na naghahanap ito ng magiging alalay.

Nang magbalik na ito sa Maynila ay isinama na siya sa condominium nito sa Makati at mula nga noon ay siya na ang naging personal na alalay at katulong nito.

Nakita niya kung gaano kaglamoroso ang mundong ginagalawan ni Mitchi.
Halos puro mayayaman at kilala ang nakakasalamuha nito.

Maging ang nobyo nito na si Gian San Jose na isang arkitekto ay napakaguwapo, bukod pa sa galing din ito sa kilalang angkan.

Alam nya sa sariling may lihim syang paghanga kay Gian at kung minsan ay nangangarap siya na sana ay mapansin din siya ng isang tulad nito pero alam niyang imposible iyon, lalo na sa kalagayan niya sa buhay.

HABANG nakaupo sa isang sulok ay pinanonood niya ang pictorial ng pinsan sa loob ng studio.
Nang makita niyang tapos na itong kunan ay dali-dali siyang lumapit dito at inabutan ito ng tissue.

‚Ilagay mo na sa kotse ko iyong mga gamit ko,‛ utos nito habang marahang idinadampi sa mukha ang tissue.‛
‚Ate, uuwi na ba tayo?‛ tanong niya na nakatingin dito.

‚Dadaan pa ako sa Aristocrat at nandoon si Gian,‛ anito na kinuha na ang handbag at nagpatiuna nang lumabas.
Nakadama siya ng kasiyahan nang banggitin nito si Gian.
Makikita na naman niya ang binatang lihim nyang hinahangaan.

TULAD ng dati ay naiwan siya sa kotse habang naghihintay sa pagdating ng pinsan. Aabangan na lang niya ang paglabas nito sa restaurant kasama ang super-guwapo nitong boyfriend. Hindi pa man ay excited na siya. Bagama’t hindi naman siya gaanong pinapansin ng lalaki ay sapat na sa kanya na makita ito at kung minsan ay mangitian.

Umayos siya ng pagkakaupo at ipinikit ang mga mata habang nangangarap na siya raw ang ka-date ng lalaki sa halip na si Mitchi. Hawak-hawak nito ang mga kamay niya habang ang mga mata ay nakatitig sa kanya at unti-unting inilalapat nito ang mga labi sa kanya…

Mabilis siyang napadilat nang marinig ang sunud-sunod na katok sa salamin ng kotse. Agad niyang binuksan ang pinto ng kotse nang makitang kunot ang noo ni Mitchi.
‚Tulog ka nang tulog. Hindi mo mamamalayan na maka-carnap na pala itong kotse,‛ iritadong sabi nito na naupo na sa driver’s seat.
Napatingin siya nang makitang nakasunod dito si Gian, walang ngiti sa mukha.
Tingin niya ay nag-away ang mga ito.

‚Mitchi!‛ tawag nitong umikot sa gawi ng kanyang pinsan. ‚Hindi pa tayo tapos mag-usap,‛ pormal ang tinig na sabi nito.

‚Sa ibang araw na lang tayo mag-usap Gian,‛ ani Mitchi na hindi tumitingin dito.
‚Wala tayong maaayos kapag ganyan ang katwiran mo.‛

‚Alam mo, yan ang hirap sa iyo e. masyadong matigas ang ulo
mo, ni hindi ka umiintindi ng paliwanag‛ ani Gian na bahagyang nakakunot ang noo.

Nagmamasid lamang siya sa mga ito. Kahit yata galit ang binata ay napakaguwapo pa rin.

‚Aura, ano ba!‛ ani Mitchi na nakagulantang sa kanya.

‚Isara mo na ‘yang pinto,‛ utos nito na dali-dali niyang sinunod, at mabilis na nitong pinatakbo ang sasakyan.

Napalingon na lang siya kay Gian at pagkuwa’y napatingin sa pinsan.
Ano kaya ang pinag-awayan ng dalawa? naisaloob niya.
Hindi naman siya makapagtanong kay Mitchi dahil alam niyang wala siyang karapatang gawin iyon, kung ayaw niyang masigawan nito.

Hanggang makauwi sila sa condo ay wala ito sa mood at kahit paano ay sanay na rin siya sa ugali nito.
Kapag ganoong bad mood ito ay nagkukulong lang ito sa kuwarto at ayaw paistorbo.

SA UNANG pagkakataon ay naiwan sa condo si Aura. Hindi siya isinama ni Mitchi sa lakad nito nang gabing iyon. Naglinis muna siya ng bahay at pagkatapos ay nagluto ng hapunan. Nagulat pa siya nang buksan ang pinto at mabungaran si Gian.
Buong akala niya ay ito ang kasama ni Mitchi. Ngumiti ito sa kanya.

‚W-wala si Ate Mitchi,‛ kaagad niyang sabi.
‚Saan siya nagpunta?‛ tanong nito na bahagyang napakunot-noo. ‚H-hindi ko alam, hindi naman nya sinabi e‛ sagot niya na hindi namamalayan na halos yakap na niya ang walis na hawak. ‚Pasok ka muna. B-baka pauwi na rin ‘yon.‛

Nang makaupo ito ay hindi niya malaman kung ano ang sasabihin.

‚M-maiwan muna kita rito,‛ paalam niya nang tumango ito at pumasok na siya sa kusina. Habang nasa kusina ay hindi siya mapalagay. Lihim niyang sinisilip si Gian habang abala ito sa pagbabasa ng magazine. Nang mag-angat ito ng tingin ay muntik na siya nitong mahuli.

Halos mapalundag siya nang magsalita ito sa likuran niya.

‚Puwede bang makiinom?‛ nakangiting sabi nito.

‚S-sandali lang…‛ Taranta siyang lumapit sa refrigerator para ikuha ito ng maiinom.
‚J-juice ba?‛ tanong niya na sumulyap dito.

‚Tubig lang,‛ anito na bahagya pang lumakad palapit sa gawi niya.
Bahagya pang nanginig ang mga kamay niya nang iabot dito ang tubig.
Tumingin ito sa suot na relo bago nagsalita.
‚Nag-dinner ka na ba?‛ tanong nito sa kanya.
‚H-hindi pa,‛ nahihiyang sagot niya. ‚Tingin ko ay mamaya pa darating si Mitchi. Nagugutom na ‘ko.‛ Nakangiti pang hinimas nito ang gawing tiyan.
‚O-order na lang ako ng dinner natin.‛

‚H-huwag na…‛ pigil niya rito nang akma na itong lalabas ng kusina.
‚K-kasi nagluto naman ako ng hapunan.‛

‚Mabuti pa siguro kumain na tayo. Malilipasan tayo pareho kapag hinintay pa natin si Mitchi,‛ simpatikong sabi nito.

‚Eh, b-baka hindi ka kumakain ng niluto kong ulam,‛ alanganing sabi niya.

Sa gutom kong ito, kahit ano ay puwede na,‛ anito. ‚Ano ba ang niluto mo?‛

‚G-ginataang tilapia,‛ tila nahihiyang sagot niya.

‚Kumakain naman ako ng tilapia pero ngayon pa lang ng ganyang luto… ginataan?‛ Marahan siyang tumango dahil tila naeengganyo siyang titigan ang kaguwapuhan nito.
Hindi siya sanay na makaharap ito nang matagalan.
Hindi siya makapaniwalang sasabay itong kumain sa kanya at iginiya pa siya nito sa upuan.
Nagkamay rin ito pero halata namang hindi sanay. Itinatanong tuloy niya sa sarili kung nangangarap lamang siya. Nasa harap niya ang lalaking hinahangaan at kasabay pa sa pagkain ng hapunan. Habang kumakain sila ay tila siya lumulutang sa ulap.

Mabait itong talaga, down to earth ang ugali kahit na mayaman at mataas ang pinagaralan. Hindi ba nga at ilang beses na nyang napatunayan iyon lalo na kapag pinagagalitan siya ni Mitchi sa harapan nito at ang lalake pa mismo ang nagtatanggol sa kanya?

Habang pinagsasawa ang mga mata sa pagtitig dito ay naisip niyang sana ay naging siya na lamang si Mitchi.
Nasisiyahan na rin siya dahil sa tingin pa lang dito ay alam niyang nagustuhan nito ang kanyang inilutong ulam.

‘Oh, hindi ka na yata nakakain,‛ anito nang mapatingin sa kanya. ‚Masarap pala ang ginataang tilapia,‛ puri nito. Ngiti lang ang isinukli niya rito. Napakaguwapo talaga nito at wala yatang babae na hindi mai-in love dito.

‚Wow, nabusog talaga ako! first time kong makadalawang plato ng kanin.’ masayang komento nitong tumayo na at naghugas ng kamay sa lababo. Inabutan niya ito ng pamunas ng kamay.

‚Thanks,‛ anito.
‚Matagal-tagal ka na rin dito kay Mitchi pero hindi ko pa alam ang pangalan mo.‛
‚A-Aura.‛ Nahihiyang tugon niya.

‚Aura, nice name at masarap kang magluto,‛ muling puri nito. ‚Salamat,‛ may kasiyahang sabi niya nang biglang may magsalita sa pinto.

‚Honey,‛ ani Mitchi na naroroon na pala. ‚Hindi mo sinabing pupunta ka rito ngayon.‛

‚I just wanted to surprise you pero hindi ko alam na may lakad ka pala. Mabuti na lang at nandito si Aura.‛ At sumulyap pa ito sa gawi niya.

‚Oh, I’m sorry, hon. Biglaan lang kasi.‛ At lumapit itong naglalambing kay Gian sabay yakap. Bigla siyang nawala sa eksena.
Sinundan na lamang niya ng tingin ang magkasintahan habang magka-akbay na pabalik sa sala.

Sinariwa na lamang nya sa isipan ang sandaling sila lamang ni Gian ang nandoon at magkasalong kumakain. Higit pa niyang ikinasisiya na alam na ni Gian ang pangalan niya at kapag sinasabi nito ang kanyang pangalan ay tila musika sa kanyang pandinig.

TULAD ng dati ay nasa loob ng kotse si Aura at naghihintay ng pagdating ni Mitchi mula sa pictorial. At pagkatapos...


ay may iba pa silang dadaanan.
Kinuha niya sa bag ang dalang pocketbook. Hindi siya mahilig magbasa, kaya lamang niya iyon dinala ay nakaipit doon ang picture ni Gian.
Na kinuha lamang niya sa kuwarto ni Mitchi.

Sa gabi bago matulog ay para siyang sira na kinakausap iyon. Kaya kahit yata nakapikit siya ay dala sa alaala ang hitsura ni Gian.

Sa edad niyang beinte ay wala pa siyang nagiging nobyo. May nanliligaw naman sa kanya sa probinsiya pero hindi niya iyon pinapansin. Wala pa sa isip niya ang ma-in love pero nang makita niya noon si Gian, alam niyang nakuha nito ang kanyang atensyon. Kahit pa sabihin na masyadong mataas ang kanyang pangarap, basta ang alam niya ay in love siya kay Gian Carlo Jose, lalo na at nalaman niyang mabait pala ito.

Mabilis niyang itinago ang picture nang makitang paparating na si Mitchi. Nakasimangot ito nang pumasok sa kotse.

‚Maghanda ka ng mga damit ko,‛ anito nang tumatakbo na ang kotse. ‚Uuwi tayo bukas sa Sta. Rosa.‛

‚Talaga, Ate?‛ masaya niyang sabi na kaagad naalala ang pamilya.

Ilang buwan na rin na hindi siya nakakauwi sa kanila at hindi pa man ay excited na siya.

‚Oo, pero isang araw lang tayo,‛ anito na walang ngiti sa mga labi. Kung minsan ay nagtataka siya rito, tila napakadamot nito sa ngiti kapag ibibigay sa kanya. Samantalang sa trabaho nito ay palagi itong may ngiti sa mga labi. Marahil ay napapagod na lang ito sa kangingiti kaya pagdating sa kanya ay wala na itong ganang ngumiti.

‚KUMUSTA ka na, anak?‛ Maluha-luhang niyakap siya ng kanyang ina nang puntahan siya nito sa bahay nina Mitchi. Ipinatawag na lang niya ito sa isang kakilala dahil bilin ni Mitchi ay baka anytime ay umalis din sila.

‚M-mabuti naman po, ‘Nay. Si Tatay at ang mga kapatid ko, kumusta naman? Natatanggap n’yo ba iyong ipinadadala kong pera?‛ tanong niya na pinigil lang ang pagluha. ‚Mabuti naman kami, anak. Salamat nga pala sa padala mo at nakabili rin ng sapatos ang mga kapatid mo,‛ anang nanay niya.

‚Basta sumuweldo ako’y padadalhan ko kaagad kayo.‛

‚Hindi ka ba nahihirapan sa Maynila?‛

‚H-hindi naman, ‘Nay. M-mabait naman si Ate Mitchi at saka palagi nga akong kasama sa mga lakad niya,‛ pagsisinungaling niya. Ayaw na niyang sabihin pa rito ang mga pagsusungit sa kanya nito.

‚Kaya nga kahit paano ay palagay kami ng tatay mo.‛ Dumukot siya sa bulsa ng pantalong suot at kinuha roon ang perang naitatabi pa niya. Ibinigay iyon sa ina.

‚Baka naman wala ka nang panggastos sa Maynila, anak.‛

‚Para talaga sa inyo, ‘yan ‘Nay,‛ nakangiting sabi niya. Nang makaalis ang kanyang ina ay saka lang siya pumasok sa malaking bahay dahil baka hinahanap na siya ni Mitchi.
Napatigil siya nang marinig na nag-uusap pa rin sa sala si Mitchi at ang mga magulang nito.

‚Akala ko ba ay ayaw kang payagan ni Gian na pumunta sa Paris?‛ tanong ng daddy nito.

‚Iyan nga ang madalas naming pag-awayan e,‛ tugon ni Mitchi. ‚Gusto niya ay magpakasal na kami pero 22 lang ako at sayang naman ang career ko.‛

‚Kung ako ang tatanungin ay good catch na yang si Gian. Galing sa mayamang angkan at may pinag-aralan,‛ anang mommy nito.

‚Well, magpapakasal naman ako sa kanya but not now, Mommy. Hindi ko mapapalagpas ang Paris.‛

‚Pumirma ka na ba ng contract?‛ tanong muli ng daddy nito.

‚Yes, at hindi iyon alam ni Gian.‛ Tugon muli ni Mitchi.

‚Baka pag-awayan n’yo ‘yan, hija.‛ Nasa tinig ng mommy nito ang pag-aalala. Nagkibit-balikat lang ito.

‚I’m sure maiintindihan din iyon ni Gian, and besides six months lang naman ang contract na pinirmahan ko. Pagbalik ko, we can get married.‛

Magpapakasal na pala sina Mitchi at Carlo, naisaloob niya nang marinig ang usapan sa sala. Hindi niya maintindihan kung bakit kailangang makadama siya ng kirot sa dibdib.

Maghapon lang sila sa Sta. Rosa ay kaagad ding nagyaya si Mitchi na bumalik sa Manila matapos makipag-usap sa mga magulang nito.

Kadarating pa lang nila nang sunduin ni Gian si Mitchi. Naipasya niyang magpahinga nang maaga nang gabing iyon. Tutal ay may sarili naman itong susi at hindi na siya maghihintay upang pagbuksan ito ng pinto.
Natitiyak niyang gagabihin ito dahil kasama ang kasintahan.

Maghahatinggabi na nang maalimpungatan siya. Nakadama siya ng uhaw kaya naisipan niyang tumayo at lumabas ng kuwarto para lamang matigilan.
Nasa sala si Mitchi at hindi ito nag-iisa. Malamlam ang ilaw na tumatanglaw sa sala ngunit kitang-kita niya ang magkayakap na katawan habang magkahinang ang mga labi at halos nakahiga na sa sofa. Tila naestatwa siya sa nakita at kaagad na nakadama ng hiya nang biglang maghiwalay sa pagkakayakap si Mitchi at si Gian.

‚Bakit gising ka pa?‛ inis na sita sa kanya ni Mitchi na tila walang pakialam kahit na nakabukas ang harapan ng blusang suot nito.

‚P-pupunta lang ako sa kusina, Ate,‛ aniya na iniiwas ang mga mata sa mga ito. Halos takbuhin niya ang gawing kusina. Nakakadalawang baso na siya ng tubig.
Pakiramdam niya ay natuyuan siya ng lalamunan. Sanay na siyang maabutan sa ganoong kaintimate na senaryo ang dalawa, ngunit dahil nga wala pa rin siyang karanasan doon ay hindi pa rin nya maiwasang mailang.

Hindi niya malaman kung paano siya babalik sa kuwarto. Nahihiya siyang dumaan sa sala, lalo at naroroon pa rin sina Mitchi at Gian.
Baka makaistorbo na naman siya.
Nang sumilip siya sa sala ay wala nang tao kaya mabilis siyang bumalik sa sariling kuwarto.

Matagal na siyang nakahiga ngunit hindi pa rin dalawin ng antok, lalo at naiisip niya ang nakita kanina.
Sa isang bahagi ng kanyang isip ay nahihiling niya na sana ay siya na lamang ang yakap-yakap ni Gian.

Isang gabi, sinundo ni Gian si Mitchi kung kaya’t mag-isa lamang siya condo noon.
Katatapos pa lamang nyang maghapunan nang bumukas ang pinto at pumasok si Mitchi kasunod si Gian.

‚Bakit ba hindi mo ako maintindihan?‛ malakas ang tinig na sabi ng pinsan sa katipan.

‚Sinusubukan ko—pinapayagan na nga kita na ituloy ang career mo rito, pero bakit kailangang pumunta ka pa sa Paris?‛ May galit sa tinig nito. Tila hindi naman siya napapansin ng dalawa dahil sa pag-aaway.

‚Bihira ang opportunity na ito, Gian,‛ ani Mitchi. , at hindi ko ito basta mapapalampas.‛

‘Oppotunity?! Eh Paano ako, paano tayo?‛

‚Six months lang naman yun e, sandali lang yun,.‛

‚Gusto ko ng magpakasal tayo, Mitchi,‛ pormal ang tinig na sagot ni Carlo.
‚Mamili ka, ako o ang career mo.‛
Natigilan si Mitchi sa sinabi nito.

‚Bibigyan kita ng panahon para makapag-isip,‛ seryosong sabi nito na tumalikod na at lumabas.

Galit na ibinalibag ni Mitchi ang hawak na bag at pumasok sa silid nito. Hindi na yata napansin ang presensya niya. Napailing na lang siya.
Kung siya ang tatanungin ni Gian nang ganoon, isa lang ang isasagot niya—ito ang pipiliin niya sa halip na career.
Ngunit hindi sila magkapareho ng pinsan, mahal nito ang pagmomodelo, mas mahalaga rito ang kinang ng tagumpay.

‚Bukas na ang flight ko papuntang Paris,‛ anito sa kanya pagkalipas ng isang linggo na ikinagulat niya. Napatigil siya sa pagliligpit ng mga gamit nito.
Katatapos lang ng fashion show kung saan isa si Mitchi sa mga pangunahing modelo.

‚Ibibigay ko na ang buong suweldo mo for this month,‛ patuloy nito. ‚Nakatawag na rin ako sa Sta. Rosa, pero bago ka umuwi ay ligpitin mo muna ang mga damit ko dahil wala na akong time na asikasuhin ‘yon.‛

‚Aalis ka na bukas, Ate?‛ tanong niya na hindi makapaniwala.

‚Aura, lahat na lang ba ng sasabihin o iuutos ko sa ‘yo ay kailangang ulit-ulitin ko pa?‛ may inis na sagot nito.

‚Kasi…‛

‚Gawin mo na lang ang inuutos ko, okay?‛ anito na tinalikuran na siya nang makita ang mga kasamahang modelo.

Naiiling na lang na ipinagpatuloy niya ang ginagawa. Kadalasan ay nagugulat na lang siya sa mga desisyon nito.
Tulad na lang ng paalis na pala ito kinabukasan ay wala pa siyang kaalam-alam.

‚BAGO ka umuwi sa atin, ayusin mo muna itong condo at nang pagbalik ko ay maayos. Sabihin mo na lang kay Mommy na tatawag na lang ako sa kanila next week,‛ bilin sa kanya ni Mitchi habang naggagayak ito.

‚Ate, p-puwede bang dito muna ako kahit ilang araw? Kasi ay gusto ko sanang maghanap ng trabaho,‛ aniya habang pinapanood ito sa pagaayos.

‚Sige, pero make sure na maayos mong iiwanan ang condo,‛ anito na nagwisik ng pabango sa katawan.

Nang makaalis ito ay nakadama siya ng lungkot. Hindi dahil sa aalis ito kundi dahil wala na siyang trabaho at ayaw niyang umuwi sa probinsya, at higit sa lahat ay hindi na niya makikita pa si Gian.

Kaya lamang ay saan ba siya magsisimula? Wala siyang gaanong alam sa Maynila, bukod pa sa high school lamang ang natapos niya. Natitiyak niyang katulong lang din ang puwede niyang mapasukan pero wala naman siyang ibang puwedeng mapagpilian.
Kailangan niyang magpadala ng pera sa probinsya, bukod pa sa gusto niyang makaipon para makapag-aral kahit vocational course lang.
Mabuti na lang at malakil aki nang konti ang iniwang pera sa kanya ng pinsan na maaari niyang magamit habang naghahanap siya ng mapapasukan.

PAGOD na pagod na siya sa maghapong paglalakad pero wala pa rin siyang makitang trabaho. Masakit na ang mga paa niya at lalo pang napudpod ang sapatos niyang suot.
Hindi niya akalain na ganoon pala talaga kahirap maghanap ng mapapasukan sa Manila kahit kasambahay lang.

Kumakalam na ang sikmura niya sa gutom pero ayaw naman niyang gumastos. Sa condo na lang siya kakain, tutal ay may mga naiwan pang stocks na pagkain sa ref ni Mitchi. Naikot na niya ang kahabaan ng Makati pero bigo pa rin siyang makakita ng trabaho.
Hindi naman siya makapasok sa mga exclusive subdivisions dahil mahigpit ang mga guwardiya, kahit gusto sana niyang magbaka-sakaling may naghahanap ng kasambahay sa mga mayayamang lugar.

Pagod na pagod siyang naupo sa nakausling bato sa gilid ng daan, malapit sa San Antonio Village.

Mamaya ay magbabaka-sakali siyang makapasok sa naturang village.
Aalisin lang niya ang sobrang pagod na nadarama ngunit hindi pa man nagtatagal ay may bumusina sa kanya. Mabilis siyang napatayo sa pagkakaupo, baka bawal maupo roon ay makagalitan pa siya.

Aalis na sana siya nang marinig niyang may tumawag sa kanyang pangalan.
‚Aura,‛ Anang isang lalaki.
Nagulat pa siya ng paglingon ay makita ang lalaking tila kay tagal ng hindi nasisilayan. Si Gian.

Ipinarada nito ang kotse at bumaba. ‚Ano’ng ginagawa mo rito?‛ tanong nito nang makalapit sa kanya. Aminin man niya o hindi sa sarili ay naroroon pa rin ang matinding excitement sa puso niya pagkakita rito.

‚N-naghahanap kasi ako ng trabaho,‛ nahihiyang sagot niya na napakamot sa ulo.

‚Trabaho?‛ Kumunot ang noo nito.

‚U-umalis na kasi si Ate Mitchi,‛ aniya. Gusto niyang batukan ang sarili sa katangahan. Siyempre, alam iyon ng lalaki.

‚Yeah, I know,‛ anito na hindi niya alam kung may lungkot sa tinig.

‚Anyway, sumama ka na lang muna sa akin, tutal ay pauwi na ‘ko,‛ anyaya nito.

‚H-huwag na,‛ tanggi niya na nakadama ng hiya sa kaharap, lalo at naamoy niya na napakabango nito, samantalang siya ay amoypawis na dahil sa maghapong paglalakad sa init ng araw.

‚Halika na, baka matulungan kita sa paghahanap mo ng trabaho,‛ anito sa kanya. Gusto pa sana niyang tumanggi ngunit sayang naman kung tatanggihan pa niya ang alok nito.
Kailangan niya ng trabaho at tama na muna ang hiya-hiya.

Sa San Antonio Village pala nakatira ang binata, mayaman nga itong talaga. Lalo siyang nalula nang makita kung gaano kaganda at kalaki ang bahay nito.
Pagpasok pa lang nila sa malaking bakuran ay nakadama na siya ng panliliit sa sarili. Noon lang siya nakarating sa ganoon kalaki at kagandang bahay.
Marangya ang kabuuan nito, halos lahat yata ng kagamitan ay mamahalin.

‚Sandali lang at magpapahanda ako ng makakain,‛ anito.

‚Huwag na, n-nakakahiya naman,‛ kiming sabi niya.

‚G-gusto ko lang talagang makahanap ng mapapasukan at… at kung matutulungan mo ako’y tatanawin kong malaking utang-na-loob,‛ lakas-loob na sabi niya rito.

‚Don’t worry, ako’ng bahala sa ‘yo,‛ anito na tinawag pa rin ang kasambahay at nagpahanda ng pagkain nila.

‚Saan ka nga pala tumutuloy ngayon?‛ baling sa kanya nito na naupo sa malambot na sofa na kinauupuan niya.

‚Nasa condo pa rin ako ni Ate Mitchi,‛ nahihiyang tugon niya.

‚Nakiusap kasi ako sa kanya na doon muna ako kahit ilang araw lang.‛

Tumangu-tango lang ang binata.
‚Regarding sa trabaho. Puwede kitang kunin dito sa bahay. Magaling kang magluto, ‘di ba?‛ Tumango lang siya.

‚Kung ganun tanggap ka na. Kunin mo na lahat ng gamit mo sa condo ni Mitchi at dumito ka na,‛ nakangiting pahayag nito.

‚Talaga?‛ Nakadama siyang bigla ng kasiyahan. May trabaho na siya, bukod pa roon ay sa bahay nito siya magtatrabaho.

‚Naku, S-Sir Gian.‛ Gusto yata niyang maiyak sa kaligayahan. Nang mapatingin siya rito ay nakatitig ito sa kanya, may amusement sa mga mata nito.
Nahihiyang tumahimik siya at iniiwas ang mga mata habang malakas ang kabog ng kanyang dibdib.

‚K-kailan ako magsisimula?‛ tanong niya.

‚Bukas na bukas din,‛ anito. ‚But first, kumain muna tayo.‛

Nahihiya man ay hindi na siya kumibo. Tutal ay gutom na gutom na rin naman siya at nanghihina na ang pakiramdam niya, pero sa kabila niyon ay sobrang saya at excitement ang nadarama niya.

Buong akala niya ay hindi na niya makikita pa si Gian pero maswerte pa rin siya dahil bukod sa pagkakaroon ng trabaho ay palagi pa niya itong makikita.

FOR THE FULL STORY please visit Rated Stories Youtube Channel.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.