0

Eclips💜


Report

“Magkakaroon daw mamaya ng eclipse!!!”

Lahat kami sa klase ay napatingin kay Margarette.

“So…?” tanong ng isa kong kaklase.

“Anong “so”? Madalang lang mangyari yun kaya dapat matuwa tayo!!” sigaw ni Margarette.

Maraming hindi na tinangan si Margarette, na weird-duhan siguro. Pero ako? Excited ako sa eclipse mamaya, dahil makikita ko ulit siya.

Naka-upo na ako damuhan, nakasandal sa puno, hinihintay ang eclipse, hinihintay ang paglitaw ‘niya’

Una ko siyang nakita nung 14 yrs old ako.

Inalala ko ang una naming pagkikita.

Nagkataon nun na ako’y gumuguhit ng larawan sa puno na ito, hindi ko alam na magkakaroon ng eclipse sa araw na iyon, at nung nag eclipse na, sa tapat ko mismo, nagtipon-tipon ang mga dahon at maya-maya ay biglang nagsilipiran sa iba’t ibang direksyon, tinakpan ko ang aking mga mata sa nangyari, at pagkabuka ko ng aking mata, nakita ko siya.

Isang babaeng kaedad ko lamang (tingin ko? mukhang bata eh) ang nakatingin sa’kin at ang kaniyang matang kulay tsokolate ay ay nanlaki, tila ba siya’y nagulat sa kaniyang nakita.

“S-sino ka!?” I managed to say, kahit ako’y gulat padin sa nangyari.

“Sanziene,” kalmado nitong sagot kahit na mukha din siyang gulat, “U-uhm… puwede bang…”

Inikot-ukot niya lang ang kaniyang mga daliri sa isa’t isa at tumingin sa baba, tila ba nahihirapan na sabihin ang gusto niyang sabihin.

“Puwede bang… ano?” tanong ko, “Huwag ka matakot S-Sanziene, puwede bang ano?”

Bigla siyang tumingin sa mga mata ko.

“PUWEDE KA BANG MAKIPAGLARO SA’KIN!?”

Sigaw niya, medyo nagulat ako pero medyo nakaramdam ng awa, mula nung makita ko ang kaniyang matang mukhang tsokolate, tila ba gustung-gusto niya talaga ako makalaro.

“Ah… sige,” nakita ko siyang ngumiti, “Pero dito lang tayo.”

“Oo, oo,” mabilis nitong sagot, “Hanggang dito lang naman talaga ako dapat.”

Nagtaka ako sa sagot niyang iyon pero hindi na ako nagtanong pa.

Naglaro kami, pero halatang wala siyang alam na laro, kaya tinuro ko sa kaniyang ang mga ‘mechanics’ ng laro.

Maya-maya ay bigla siyang tumingin sa langit.

“Kailangan ko nang umalis,” sabi nito bago tumingin sa’kin, “Sa susunod na magtagpo ang buwan at araw, puwede bang maghintay ka dito? Gusto kitang makalaro ulit.”

Magtagpo ang buwan at araw?

“S-sige, Sanziene, bakit, aalis ka na ba?”

“Oo,” yumuko siya halatang nalungkot, “Kung hindi ako aalis bago maghiwalay ang araw at buwan, makukulong ako dito.”

“M-makukulong!?”

“Oo, kaya sa ngayon, paalam…”

Natagalan siya kaunti at saka ko napagtanto na hindi niya pa alam ang aking pangalan.

“Sol” sabi ko

“Ow, sige Sol, paalam.”

Sabi nito bago siya magsalita ng hindi ko alam kung anong lingwahe at nagsimula ng pumaikot sa kanya ang mga dahon at maya-maya, siya’y naglaho.

Nakita ko na ang pag- occur ng eclipse at eto na, nagsiliparan na ang mga dahon at tinakpan ko na ang aking mata.

Pagkadilat ko ay nakita ko na ulit siya, napakaganda niya na, pareho na kaming 18 yrs old, at sa edad niyang iyon, napaka ganda niya kung ikukumpara ko sa mga kilala kong babaeng kasing-edaran niya.

“Kamusta, Sol,” bati niya, at napatingin siya sa tabi ng puno, “Ba’t may mga pagkain?”

Kinamot ko ang aking batok, medyo namula ako.

“Ngayon lang kasi tayo nagkita ngayong eighteen ka na…” nakatitig lang siya sa’kin, hindi nakuha ang aking sinabi, “Sa mundo namin, kapag nag eighteen years old ang babae, pinaghahandaan ito ng todo.”

Nanlaki ang kaniyang mata at ang kaniyang bibig ay napa ‘O’

“Edi parang pagdiriwang?” tanong nito.

“Oo, parang party.”

Inaya ko siyang umupo sa damuhan at naglagay na ako ng pagkain sa plato at iniabot ito sa kanya.

“Ako nagluto niyan.” sabi ko, habang nakaturo sa menudo sa plato.

“Anong tawag sa putaheng ito?” tanong nito.

“Menudo,” sagot ko, “mukhang may bago ka na namang ituturo sa iyong mga nakakabatang kaibigan.”

Sa sinabi kong biro na iyon, ang kaniyang mukha’y nagpakita ng kalungkutan.

“May nasabi ba akong mali…?” tanong ko.

Tumitig siya sa’kin.

“Kumain muna tayo, may kailangan tayong pag-usapan.” seryoso nitong sabi.

Kumuha nadin ako ng aking pagkain at tumabi sa kanya, sinigurado kong maalis muna sa isipan niya ang sasabihin niya sa’kin dahil tila babito’y nagbibigay ng kalungkutan sa kanya, at ako’y nagwagi naman kahit papano.

Pagkatapos naming kumain, at pagkatapos kung...


marinig sa kanya ang “NAPAKASARAP NITO!” ay humarap na siya sa’kin, suot angnkaniyang seryosong mukha.

“Sol, pagka-alis ko dito, hindi na ako makakabalik pa.”

Huh?

“Ano?” medyo pasigaw kong sabi, “B-bakit!? Ayaw mo na ba akong makita?”

Umiling siya.

“Kabaligtaran, gustong-gusto kitang makita Sol, tuwing ako’y nasa aming mundo, hindi lumipas ang araw nang hindi kita iniisip, ikaw lamang ang kauna-unahang tao na hindi natakot o nagsisi-sigaw nang ako’y makita, kaya’t hindi ko kinailangang burahin ang iyong alaala.” kung kanina’y bakas sa kanyang mukha ang kalungkutan, ngayon mas lalo siyang nalungkot pagkasabi niya non, “Simula pa nung ako’y bata, ang tanging nais ko lamang ay makipaglaro sa mga tao sa mundong ito, pero akin ding naintindihan na ako’y iba sa inyo, kaya’t normal lang na ako dapat ay katakutan.”

“Hindi ka dapat katakutan, masaya kang kasam-”

“Pakiusap Sol,” pagputol nito sa aking sinasabi, “Hayaan mong ako’y makatapos muna.”

Tumango na lamang ako.

“Gaya nga ng aking sinabi, hindi lumipas ang araw nang hindi kita iniisip. Lagi kong hinihiling na makita ka lagi, pero ito’y imposible dahil bubukas lamang ang lagusan kung ang araw at buwan ay magkita.” yumuko ito, huminga ng malalim, “Ang aming pamilya sa aming mundo ay may misyon, misyon na mapapangalagaan ang mundo niya, at mundo namin sa isang delubyo. Kada sampung taon, may isang babae sa aming pamilya ang kailangang ialay ang katawan sa araw, at ang kaluluwa’y sa buwan, upang ang balanse ng dalawa’y hindi magambala. Sol, sampung taon na ang nakakalipas simula ng isakripisyo ni ate ang kaniyang katawan at kaluluwa.”

Napalunok ako.

“S-Sanziene…. hindi-”

“Oo Sol, oras ko na para ialay ang aking sarili.” seryoso nitong sabi.

“BALEWALA LANG BA SA’YO YUNG APAT NA TAON NATING PAGKA-KAIBIGAN!?” sigaw ko, tumulo na ang kaniyang luha, “Sanziene… hindi ko naranasan ang ganitongnkaligayahan sa piling ng iba… maliban sa aking pamilya, ikaw lamang ang nagbibigay ng sobrang kaligayahan sa aking puso! Ikaw lamang ang nagpatibok ng aking puso! OO SANZIENE! Mahal kita! Alam kong iva ka sa’min pero mahal na mahal kita! K-kaya ba puwedeng…”

“Hindi Sol… HINDI!” sigaw nito, habang umaagos na ang luha mula sa kaniyang mata, “Nakasalalay ang buhay ng milyong tao sa dalawang mundo Sol, hindi ko hahayaan na ang simpleng pag-ibig ay ang magiging rason sa pagkasira ng mundo! Sol, mahal din kita, hindi ko naranasan ang ganitong kaligayahan sa piling ng ibang tao, kahit pa sa mga kauri ko. Ikaw lamang ang nagbibigay ng hindi ko maintindihang damdamin sa aking puso, hindi ko maintindihan nung una ngunit ngayo’y alam ko na, ito’y pag-ibig Sol.”

Tumulo na ang luha mula sa aking mata, humakbang ako papalapit sa kanya, hinawakan ang malambot niyang mukha at pinahid anf aking daliri sa kaniyang luha. Ini-angat ko ang kaniyang mukha at aking idinikit ang aking labi sa kaniyang malambot at mapulang labi.

Ang halik na iyon ay punong-puno ng kalungkutan at kaligayahan, kalungkutan dahil sa alam namin na iyon na ang huli naming pagkikita. Kaligayahan dahil naibahagi namin ang amingpagmamahalan sa isa’t isa, bago pa man kami maghiwalay.

Naghiwalay ang aming mga labi, pero hindi ko tinanggal ang aking kamay sa kanyang mukha.

“Mahal kita, Sanziene.”

“Mahal din kita, Sol,” huminga ito ng malalim,” Kapag tirik ang araw, isipin mong ikaw ay aking yakap-yakap at nagbibigay ako ng init sa iyong katawan. Kapag nagliliwanag ang buwan sa gitna ng kadilaman, isipin mong binibigyan kita ng liwanag upang hindi ka matakot sa kadiliman. Huwag mo akong kalimutan Sol, pero huwag mong hayaang ikulong ng pagmamahal mo sa akin ang iyong puso, magmahal ka ng iba, dahil ako’y mama-maalam na.”

Nginitian ko lamang siya, at ngumiti lang din siya, hindi na namin kailangang magsalita, nasabi na namin ang lahat, at naiparamdam nadin ang aming mga damdamin.

Naramdaman ko na ang pag-ihip ng hangin, at siya’y aking niyakap. Naramdaman ko ang pagyakap pabalik at naramdaman ko na din ang mga dahon na humahampas sa aking buong katawan.

Maya-maya ay tuluyan ko nang niyakap ang hangin at ako’y napaluhod na lamang at hinayaan ang mga luha sa pagdaloy sa aking mukha.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.