0

ANG DAHILAN KUNG BAKIT UMAALULONG ANG LOBO


Report

Sobrang tahimik ng mga tao sa bayan, halos lahat ay nagtatago sa kanilang mga bahay.
Bilog na bilog ang buwan, hating gabi na kaya hindi kataka-taka kung bakit walang tao ang pagala gala sa bayan.
Ngunit sa likod ng matahimik na gabi, ay siyang kabaliktaran sa mga lobo sa kagubatan.
“Ate? Sa palagay mo, bakit kaya umaalulong ang mga lobo, at kataka-taka na tuwing kabilugan lang ng buwan sila umaalulong.” napatingin ako sa kapatid ko, marumi ang damit, kagaya ko. Halos lahat naman ng tao sa bayan ay walang desenteng mga damit, maliban nalang kung dugong bughaw ka.
Napaisip rin ako sa tanong niya, kataka-taka talaga, tuwing sasapit ang kabilugan ng buwan, hindi na kagulat-gulat kung sumapit ang hating gabi at gigising saʼyo ang mga alulong ng mga lobo. Ngunit, hanggang ngayon, wala pa ring nakakakita ng isang lobo.
Ngunit, mapaglaro ang tadhana. Isang gabi, nahuli ako sa pag-uwi at nawala sa kagubatan, saktong paghating gabi nang may biglang lumitaw na lobo sa harapan ko.
Kita ko ang sugat sa gilid nito, ang mga mata niyaʼy maamo, ngunit ang laki niya ay hindi biro, halos doble sa tao ang laki niya.
Nanlaki ang mata ko nang biglang nag-anyong tao ang lobong kaharap ko. Napaawang ang bibig ko at hindi makapaniwala sa nakita ng aking mga mata.
“H-help,” napakunot ang noo ko, hindi ko maintindihan ang lenggwaheng ibinigkas niya, siguradong isang dugong bughaw ang lalaking ito.
Hindi ko man naintindihan ang sinabi niya, ay batid kong nanghihinge ito ng tulong, isinandal ko siya sa puno at kumuha ng mga halamang gamot.
Madilim ang paligid lalo naʼt nasa gubat kami, ngunit sapat na ang ilaw mula sa sinag ng buwan upang makita ko ang buong mukha niya.
Hindi ko maipaliwanag ang kanyang mukha, kulang pa ang salitang ‘perpektu’, mapupungay ang kanyang mata at mariing nakapikit dahil sa iniindang sakit.
Nang sumunod na mga araw, nagpatuloy ang pagkikita namin ni Saris sa gubat, at katulad ng hinala ko, isa siyang dugong bughaw.
At hindi nagtagal, nagkamabutihan na kami.
“Mahal, may tanong...


ako.” nakasandal ako sa kaniya habang nakatanaw kami sa kalangitan, nasanay na rin ako sa dilim dahil sa halos gabi-gabi kong pagpupuslit sa bahay upang makipagkita sa kaniya.
“Hmm? Ano ʼyun?” naramdaman ko ang paghalik niya sa ulo ko, napapikit ako sa sensasyong dala ng halik na ʼyun.
“Bakit kakaiba ang alulong ng mga lobo tuwing kabilugan ng buwan?” nagtatakang tanong ko, naramdaman ko ang paghigpit ng yakap niya sa sakin mula sa likod ko.
Ngunit bago pa man siya makasagot, naramdaman ko ang pagsikip ng dibdib ko, halos lagutan ako ng hininga sa sakit. Napabitaw ako sa yakap niya at hinawakan ang dibdib ko, napapikit ako ng mariin nang dahan dahan kong nararamdaman ang paghirap sa paghinga.
Napuno ng pag-aalala at pangamba ang mata ni Saris. Ngunit nagulat ako nang nakita ko kung paano kuminang ang mga mata niya, halata ang mga luha dahil na rin sa ilaw na nagmumula sa buwan.
Buwan….
Ngayon ay ang kabilugan ng buwan.
Nag-anyong lobo si Saris at kinarga ako na parang bagong kasal. Habol ko pa rin ang aking hininga.
Dahan-dahan akong napapikit. Ramdam ko ang pag-iyak ni Saris, dahil sa pag alulong niya. Humarap siya sa buwan.
“𝘞𝘦 𝘢𝘳𝘦 𝘤𝘶𝘳𝘴𝘦𝘥 𝘤𝘳𝘦𝘢𝘵𝘶𝘳𝘦𝘴, 𝘵𝘪𝘯𝘢𝘯𝘨𝘨𝘢𝘭𝘢𝘯 𝘬𝘢𝘮𝘪 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘳𝘢𝘱𝘢𝘵𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘨𝘮𝘢𝘩𝘢𝘭. 𝘒𝘶𝘯𝘨 𝘴𝘪𝘯𝘰 𝘮𝘢𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘮𝘢𝘩𝘢𝘭𝘪𝘯 𝘯𝘢𝘮𝘪𝘯, 𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘮𝘢𝘵𝘢𝘺.”
Hirap na hirap na ako sa paghinga, nakatingin ako ng diretso sa kanyang mga mata. Ramdam ko ang sakit sa bawat salitang sinabi niya sa aking isipan.
“M-Mahal..” hindi ko na nasabi ang mga katagang ʼyun dahil sa labis na sakit na nararamdaman sa aking dibdib.
“𝘈𝘯𝘥 𝘯𝘢𝘯𝘪𝘯𝘪𝘸𝘢𝘭𝘢 𝘬𝘢𝘮𝘪 𝘴𝘢 𝘪𝘴𝘢𝘯𝘨 𝘋𝘪𝘰𝘴, 𝘢𝘯𝘨 𝘋𝘪𝘰𝘴 𝘯𝘨 𝘉𝘶𝘸𝘢𝘯. 𝘒𝘢𝘺𝘢 𝘬𝘢𝘥𝘢 𝘬𝘢𝘣𝘪𝘭𝘶𝘨𝘢𝘯 𝘯𝘨 𝘣𝘶𝘸𝘢𝘯. 𝘛𝘶𝘮𝘪𝘵𝘪𝘯𝘨𝘢𝘭𝘢 𝘬𝘢𝘮𝘪 𝘢𝘵 𝘶𝘮𝘪𝘪𝘺𝘢𝘬.”
Dahan-dahang bumibigay ang talupak ng aking mga mata. Ramdam ko na rin ang dahan-dahang pagtigil ng aking puso.
“𝘜𝘮𝘪𝘪𝘺𝘢𝘬 𝘬𝘢𝘮𝘪 𝘴𝘢 𝘣𝘶𝘸𝘢𝘯, 𝘶𝘮𝘪𝘪𝘺𝘢𝘬 𝘬𝘢𝘮𝘪 𝘯𝘢 𝘪𝘣𝘢𝘭𝘪𝘬 𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘰𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘩𝘢𝘭 𝘯𝘢𝘮𝘪𝘯, 𝘢𝘵 𝘴𝘢 𝘱𝘢𝘨-𝘪𝘣𝘪𝘨 𝘯𝘢 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘯𝘢𝘮𝘪𝘯 𝘬𝘢𝘪𝘭𝘢𝘯𝘮𝘢𝘯 𝘮𝘢𝘬𝘢𝘬𝘢𝘮𝘪𝘵.”
“𝘔𝘢𝘩𝘢𝘭 𝘬𝘪𝘵𝘢, 𝘩𝘢𝘯𝘨𝘨𝘢𝘯𝘨 𝘴𝘢 𝘴𝘶𝘴𝘶𝘯𝘰𝘥 𝘯𝘢 𝘣𝘶𝘩𝘢𝘺, 𝘢𝘬𝘪𝘯𝘨 𝘴𝘪𝘯𝘵𝘢.”
Huling katagang narinig ko bago ako kainin ng panghabang buhay na kadiliman.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.