0

𝚈𝚘𝚞 π™±πšŽπš•πš˜πš—πš πš πš’πšπš‘ π™ΌπšŽ CHAPTER FOURTEEN


Report

HABANG tumatakbo ang sasakyan ay kung anu-ano ang naglalaro sa isip ni Sam. Ang sabi ni Kylie ay bigla na lamang lumabas ng opisina si Aica pagkatapos itong awayin ni Roselyn. Hindi ito hinabol ng kapatid niya sa pag-aakalang hindi naman ito lalabas ng building. Pero nang hanapin niya si Aica ay sinabi sa kanya ng guwardiya na sumakay ito ng taxi.
On the way ay tumawag siya sa kanyang ina. Binigyan niya ito ng instruction na kung sakaling dumating doon ang dalaga ay huwag itong paalisin. Hindi niya alam kung ano ang naglalaro sa isip nito, pero ang hinala niya ay nasindak ito nang tuluyan kay Roselyn. Marahil ay natakot ito sa mga pagbabanta ng babae.
Nagpasalamat siya na tahimik lang si Kylie sa kinauupuan nito habang pauwi sila. Hindi siya makakapag-isip nang maayos kung mag-uusap pa silang dalawa.
Makalipas ang mahigit isang oras ay nakarating sila sa bahay. Agad silang sinalubong ng kanilang ina at sinabi nito na nauna lang ng beinte minutos sa kanila si Aica. Naroon daw ito sa kuwarto kasama ng kapatid at ni Lola Bening. Agad nang tumakbo papanhik sa itaas si Kylie.
“Ano ba ang nangyari, hijo? Nang tanungin ko siya ay sinabi niyang babalik na lamang daw sila sa probinsiya. Ayaw na raw niyang magmodelo para sa kompanya mo.”
“Hindi ko rin alam, Mommy. Bigla na lang siyang umalis sa opisina kanina.”
“Puntahan mo siya para magkausap kayo. Nang silipin ko kanina ay umiiyak siya sa kandungan ng lola niya.”
Napabuntong-hininga siya bago tinapik sa balikat ang kanyang ina. Pumanhik siya at kumatok sa kuwartong inookupa nina Aica. Si Lola Bening ang nagbukas ng pinto para sa kanya. Pagkatapos siyang papasukin ay lumabas ito kasama sina Ipe at Kylie. Napansin niyang malungkot ang kapatid niya.
“Aica, ano ang nangyari?” tanong niya nang lapitan ito. Nakapanungaw ito sa bintana at tila malalim ang iniisip.
“Babalik na lang kami sa amin, Sam,” sabi nito.
“Bakit?” Hinaplos niya ang braso nito. “Hindi kita maintindihan.”
“Hindi na mahalaga...


sa akin kung maiintindihan mo o hindi. Nakapagdesisyon na ako. Babalik na kami sa amin.”
“What about the contract?”
“Hindi ko na pipirmahan iyon…. Im sorry.”
“Hindi ko tatanggapin ang rason mo na gusto mo nang bumalik sa probinsiya.”
“Ayoko ng magulong buhay, Sam. Kung ngayon pa lang ay inaaway at pinagbabantaan na ako ni Roselyn, ano pa kaya ang susunod na mangyayari?”
“Dahil lang doon, uurong ka sa kasunduan natin?”
“Malaking bagay sa akin ang katahimikan ng kalooban, Sam. Mahirap lang kami, salat sa karangyaan, pero masaya kami sa mga simpleng bagay na mayroon kami. Ayoko nang may kaaway. Tama naman si Roselyn. Makakakita ka pa ng iba.”
“But I want you, Aica.” Nagtiim ang mga bagang niya. “Ikaw ang gusto ko.”
“Hindi mo ako maaaring pilitin sa isang bagay kung ayaw ko, Sam.”
Napaurong siya nang makita niyang seryoso ito. Nahiya siyang makiusap pa at hikayatin ito. Pakiramdam niya ay nagmamakaawa na siya kay Aica at ayaw niya ang pakiramdam na iyon.
“Huwag mo na kaming ihatid. Magbu-bus na lang kami,” sabi nito.
Napabuntong-hininga siya. “Hindi na ba talaga kita mapipigilan?” tanong niya. Ibig niyang magwala at magalit sa katigasan ng ulo nito pero kung gagawin niya iyon ay baka lalo lang itong lumayo sa kanya.
“Nag-usap na kami ni Lola at susundin niya anuman ang maging desisyon ko.”
“All right! Umalis ka kung gusto mong umalis!” galit na bulalas niya. Pero higit na nagagalit siya sa sarili niya dahil wala siyang lakas ng loob para pakiusapan ito at aminin ang tunay na nararamdaman niya. Sa huli ay hinayaan niyang manaig ang pride niya.
Napahikbi ito.
Damn! Gusto niyang yakapin ito pero natakot siyang muli siyang tanggihan nito.
“Hahayaan ko kayong bumalik sa probinsiya kung iyon ang gusto ninyo pero ipapahatid ko kayo sa driver.” Akmang tatanggi pa ito pero agad na itinaas niya ang kanyang hintuturo. “Wala na tayong pag-uusapan, Aica. Kinuha ko kayo sa probinsiya, responsibilidad kong siguruhing makakabalik kayo nang ligtas doon.”


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.