0

What a Girl wants CHAPTER THREE


Report

What a Girl wants πŸ’•πŸ₯°
🍬 CHAPTER THREE 🍬
“CLARIBELLE, bumangon ka na diyan. Kailangan na nating mag-shoot,” sabi ni Marie at pilit siyang hinihila patayo mula sa pagkakahiga sa L-shape sofa. “Bukas na ang deadline natin.”
“Kayo na lang ang mag-shoot. Hindi ko kaya,” sabi ni Claribelle at niyakap ang throw pillow. Parang binibiyak ang puso niya pagkatapos nilang mag-usap ni Reymart.
“Bakit ganoon ang ginawa niya sa akin? Ano ba ang pagkukulang ko bilang girlfriend niya? Ginawa ko naman lahat para sa kanya pero bakit nagawa niya sa akin to?” πŸ₯ΊπŸ˜­
“Oo nga. Di ko nga alam kung bakit nagawa pa niyang unahin yong fake date niya kaysa sa anniversary niyo. Nakalimutan ka na niya?” sabad ni Edmark na may hawak pang pastillas langka na para sana kay Reymart.
“Hoy! Bakit mo kinakain yan? Regalo yan ni Tita kay Reymart,” sita ni Marie.
“Aanhin naman to ni Reymart? Diba wala nga silang anniversary date ni Claribelle dahil pinili niyang makipag-date kay Darling? Excited pang mag-tweet si Darling na atat much daw siya sa date nila ni Reymart at kinilig ang buong bayan.” Saka humagikgik si Edmark. “Ang ganda-ganda pa ng dress ni Ateng. Pinagkagastusan talaga niya ang date nila ni Reymart.”
Napahagulhol si Claribelle. “Kita mo? Kahit ikaw, gusto silang magkatuluyan. Siguro, hindi na talaga ako mahal ni Reymart.” Parang lumulutang siya sa karagatan ng depression. Pagkatapos nilang mag-usap ni Reymart ay kumalat ang picture ng ka-love team nitong si Darling tungkol sa date samantalang siya ay tinanggihang makita ng boyfriend.
“Edmark, kapag hindi ka talaga tumigil, ako mismo ang hahanap ng babae na pipikot sayo,” banta ni Marie. “Kita mo ngang hirap na hirap na akong kumbinsihin si Claribelle na simulan ang shoot, dinadagdagan mo pa ang problema.”
“Sinabihan ko naman siya kung ano ang pakiramdam na ma-involve sa isang showbiz personality. Hindi ba ex ko nga si Zayn Malik ng One Direction? Kaya alam ko ang pinagdadaanan niya,” nakapamaywang na sabi ng baklang kaibigan.
“Ambisyosang froglet 🐸 ka! Maghanda ka na nga lang ng tea at sandwich para makakain itong si Claribelle at mahimasmasan,” utos ni Marie.
Sinapo ni Edmark ang dibdib at napamaang. “Ay! Kung makautos lang sa akin, parang aliping saguiguilid ako at siya ang panginoong may lupa?”
Binigyan ni Marie ng nagbabantang tingin si Edmark. “Susunod ka ba o gusto mong ikulong kita sa isang kuwarto?”
“Heto na nga. Magtitimpla na po ng tea, Madam,” sabi ng lalaki at nagmartsa papunta sa kusina.
Ibinangon ni Marie paupo si Claribelle at niyakap. “I am sorry. Hindi ko alam na ganyan na pala kalala ang nangyayari sa inyo ni Reymart. Akala ko, normal lang na wala na siyang oras sa iyo dahil busy siya sa career niya.”
“Akala ko ganoon din. Sanay naman ako na may ka-love team siya at nali-link din sa ibang artista. Parte iyon ng trabaho niya. Pero nakausap ko si Tita Gina kahapon. Sabi niya, nagkakamabutihan na raw sina Reymart at Darling at ang alam niya, break na kami. Tapos, nang makausap ko si Reymart, pinagalitan pa niya ako kung bakit ako raw ang unang tumawag sa kanya. Ni hindi niya naalala na anniversary namin.”
“Natural lang yon sa trabaho niya. Nakita mo naman na halos wala na siyang tulog at malamang, iba ang may hawak ng schedule niya.”
“Pero may oras siya sa fake date at ni hindi man lang niya ako bigyan ng oras para makita siya. Isang minuto lang naman ang hinihingi ko, di pa niya maibigay. Kung wala siyang oras sa anniversary namin, kailan pa siya magkakaroon ng oras para sa akin? Baka naman ayaw na talaga niya sa akin.”
“Hindi natin malalaman hangga’t hindi pa kayo nagkakaharap uli. Hindi dapat pinag-uusapan ang ganyang bagay habang emosyonal ka pa,” paliwanag ni Marie. “Isipin mo, nahihirapan din si Reymart. Kahit na gusto ka niyang makasama, hindi niya magawa dahil kontrolado ng nanay niya ang kilos niya. At nakakadagdag ka pa sa iintindihin niya.”
“Sabi niya, babawi raw siya.”
“Iyon naman pala. Babawi naman pala.”
“Sinabi niya yon bago ko nalaman na may date sila ni Darling. Naputol na ang pisi ko, Maring. Hindi ko na kaya. Tanggap kong hindi kami magkikita sa anniversary namin o kaya ay busy siya sa trabaho. But I am drawing the line this time. Fake man o hindi ang date nila, ayoko na ng ganitong pakiramdam. I can only take so much.”
“Mas maganda ka pa rin sa Darling na yon, girl,” sabi ni Edmark at ibinaba ang tray ng sandwich at tsaa sa center table. “Pero maglo-loss ang ganda mo kung iiyak ka diyan at hindi kakain. Sige na. Si Reymart lang yon.”
“Hello! Nila-lang-lang mo si Reymart Ferrer? Reymart Ferrer yon,” kontra ni Marie.
“Lalaki pa rin yon.” Pinunasan ni Edmark ng Kleenex tissue ang mga luha ni Claribelle. “Wala kang mapapala sa kakaiyak.”
Humihingi ng saklolong tumingin si Claribelle kay Marie. “Uhm….” Ayaw pa talaga niyang bumangon. Hindi pa niya kayang harapin ang buhay.
“Tama naman si Ed, Claribelle. You have to get up and face the world. Pare-pareho tayong walang project kapag hindi tayo nakapag-shoot. At ikaw na ang face ng “Cooking with Love”. Wala kaming charisma sa camera gaya mo.”
Itinaas ni Edmark ang isang kamay. “At ang alam ko lang ay kumain ng pastillas. Di mo ako maaasahan diyan.” Hinawakan nito ang kamay ni Claribelle. “Pwede bang kahit ngayon lang, intindihin mo muna ang grade natin bago ang malupit na pag-ibig? Kapag natapos natin ang shoot natin, kahit mag-crayola ka hanggang bukas. We need you.”
“Okay,” pagpayag ni Claribelle at saka huminga nang malalim. Kumuha siya ng isang tasa ng tsaa at uminom saka sumubo ng sandwich. Kailangan niyang harapin ang buhay. Naalala niya ang bilin ni Reymart dati na sa propesyon nito, kailangan daw isantabi ang mga personal na pinagdadaanan at harapin ang trabaho dahil maraming umaasa rito. How ironic. Ngayon pa niya magagamit ang bilin sa kanya ng nobyo.


/> 🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬
PAGKATAPOS kumain ay nag-ayos ng sarili si Claribelle. She put on her makeup and fixed her hair. Para sa “Cooking with Love”, kailangang makita ng lahat na masaya siya at in love. In love sa pagluluto at sa taong ipinagluluto niya. Iyon kasi ang message ng programa nila. Kailangan niyang sarilinin ang sakit at magmukhang walang problema. Walang dapat makahalata na may pinagdadaanan siya. Kahit ang sarili ay kailangan niyang kumbinsihin na masaya siya at okay lang ang lahat. Kung gusto niyang maging matagumpay na TV personality balang-araw, dapat ngayon pa lang ay matutuhan na niyang maging professional.
(Kaya ko to. Kaya ko to πŸ’ͺ), paulit-ulit na sabi niya sa sarili.
Pagkalipas ng kalahating oras ay nakaharap na si Claribelle sa camera kasama ang mga ingredients sa paggawa ng pastillas.
“Hi! This is Claribelle again for “Cooking with Love”. We have a special sweet treat for you today. Pastillas is a favorite dessert na perfect na pangregalo sa taong love ninyo,” nakangiting sabi niya habang nakatingin sa camera. Nang banggitin ang “love” ay parang may tumusok na perdible sa kanyang puso. “Ituturo ko sa inyo ang recipe na nagpa-in love sa taong importante sa akin. So, if you want to capture your man’s heart, pay attention. I will tell you my secret.”
Naging alanganin ang ngiti ni Claribelle. Isinulat nga pala niya ang script na iyon para sa anniversary nila ni Reymart. Para ipakita ang pagmamahal niya sa binata. Memorable din sa kanya ang pastillas. Dahil sa pastillas kaya sila unang nagkakilala ni Reymart. Bukod pa sa paborito rin iyon ng lalaki. Sana pala ay ibang recipe na lang ang naisipan niyang iluto gaya ng ginisang ampalaya o kaya ay papaitang kambing. Hindi pastillas na matamis. Hindi pastillas na nagpapaalala ng pag-iibigan nila ni Reymart.
“First, ihanda ang ingredients. Kailangan lang ninyo ng isang tasang powdered milk, kalahating tasa ng condensed milk, at isang tasa ng granulated white sugar. Nakita naman ninyo na puro matatamis ang recipe natin. Hindi puwedeng kulang ang sweetness dahil kailangan sa isang relasyon…. mas sweet, mas maganda. Siguruhin lang ninyo na wala kayong makakalimutang ingredients. Sa isang relasyon, bawal ding makalimutang i-celebrate ang mga importanteng okasyon lalo na kung anniversary ninyo. Kung talagang mahal ninyo ang isang tao, hindi kayo makakalimot sa anniversary, diba?” tanong niya na may kasamang gigil.
“Cut!” utos ni Marie at itinaas ang dalawang kamay.
“B-bakit?” tanong ni Claribelle.
“Hindi yan ang nakalagay sa script,” sabi ng kaibigan at halos iduldol sa kanya ang script. “Binabasa mo ba ang idiot board?”
Kinagat ni Claribelle ang ibabang labi. “Sorry. H-hindi ko nabasang mabuti.”
“Okay naman ang sinabi ni Claribelle, ah!” pagtatanggol ni Edmark. “Mas maganda pa nga kaysa sa script. Ituloy na natin.”
“Sige! Sige! Doon na tayo sa procedure,” sabi ni Marie.
“Paghaluin ang condensed milk at ang powdered milk,” pagpapatuloy ni Claribelle at inilagay sa bowl ang dalawang sangkap. “Kailangan ng perfect harmony sa isang relasyon. Importante rin na maglaan kayo ng oras sa isa’t isa. Di pwedeng laging isa na lang ang umiintindi. Di pwedeng isa lang ang laging nagbibigay. Di pwedeng isa lang ang nag-e-effort. Kapag ganon hindi magiging eksakto ang timpla ng isang relasyon. Di naman kailangan na lagi kayong magkasama at magkausap. Sa isang nagmamahal, kahit sandali ka lang niyang kausapin, kahit sandali ka lang niyang makita, masaya na siya. I-check niyo ang mixture. Kung masyadong malabnaw, hindi pwedeng ihulma. Minsan, masyado tayong mapagbigay at maluwag kaya akala ng iba, okay lang na saktan tayo. Lagi na lang nilang sasabihin na mahal natin sila kaya kailangang intindihin pa rin. Hindi ganoon ang tamang relasyon. Hindi kayo dapat laging parang tanga dahil naaabuso kayo.”
“Claribelle, smile,” paalala ni Marie. “Nawawala ka na sa script.”
Biglang natusok ni Claribelle ang spatula sa mixture. Hindi na niya narinig ang sinabi ng kaibigan dahil ang tanging naririnig niya ay ang ugong ng kanyang tainga at ang nararamdaman na lang ay ang sakit ng kanyang puso. “Ang labo naman! So, bigay na lang ako nang bigay at siya tanggap na lang nang tanggap? Kailangan, siya na lang ang laging intindihin? Tapos kapag nakalimutan niya ang anniversary namin, okay lang?”
“That’s enough, Claribelle! Cut!” sabi ni Marie. “Hindi na iyan ang nasa script. Ano ba?”
“No, Marie! Unfair! Unfair na parang tanga akong naghihintay kung kailan siya tatawag. Parang tanga na naghihintay kung kailan niya ako maaalala. Tapos, nakalimutan niya ang anniversary namin at hindi raw niya ako maide-date dahil busy siya. Pero nakita ko siya na may ka-date na ibang babae. Anak ng pastillas naman, oh!” sabi niya at napahagulhol ng iyak.
“Claribelle…..” malungkot na sabi ni Marie. “Tama na yan.”
“Sorry, Marie. Nawala ako sa script.” Napahikbi siya. “I-itutuloy ko na lang to. Malapit na akong matapos. Bibilugin mo ang mixture sa palad mo saka pagulungin sa asukal. Parang pastillas ako na pinagulong sa asukal. Naniwala ako na busy lang siya. Naniwala ako na mahal pa rin niya ako kahit wala siyang oras sa akin. Ano pa bang kulang sa pagmamahal ko? Ano pa? Hindi na ba ako ang mahal mo? Ayaw mo na ba ng pastillas?” Napaupo siya sa sahig at malaya nang umagos ang mga luha sa magkabilang pisngi. “Hindi ko na kaya. I am sorry. A-ayoko na. Pusang galang pastillas na yan! Ayoko na yan! Ayoko nang maalala si Reymart!”
Niyakap siya nina Edmark at Marie.
“Okay na yan, friend. Okay na yan. Pastillas de leche talaga yang si Reymart. Man-hater na rin ako para saiyo,” sabi ni Edmark. “Sige, beh. Iiyak mo lang yan.”
“I am sorry k-kung hindi ko matatapos ang video. Di ko talaga kaya.” Masyadong malapit sa puso ni Claribelle ang pastillas. At masyado pang masakit ang sugat sa puso niya para maging positive pagdating sa pag-ibig.
“Kami na ang bahala sa project natin. Ang mahalaga, maging okay ka,” sabi ni Marie. “Basta nandito kami para sa iyo.”
——-
Ang sakit sa leeg πŸ˜…πŸ˜‚ Bukas na naman po Chapter Four 😁πŸ₯΄


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.