0

What a Girl wants CHAPTER ONE


Report

What a Girl wants πŸ’•πŸ₯°
🍬 CHAPTER ONE 🍬
“REYMART is sooo cute,” tili ni Jessa habang pinapanood sa hawak na smartphone ang latest commercial ni Reymart. Mas inuna pa nitong manood ng videos kaysa mag-aral o mag-lunch.
Nasa kabilang mesa lang si Claribelle kaya dinig na dinig niya ang tili ni Jessa. Walang pakialam ang mga tao sa cafeteria. Lahat naman yata ay busy sa kanya-kanyang mga gadget at sa panonood ng video ni Reymart sa YouTube.
“Sana ako na lang mahal niya,” nakatirik ang mga matang sabi ni Venus habang yakap ang sarili.
“You have to be a yaya so that he will love you,” sabi ni Jessa.
“Duh! Walang forever. Maghihiwalay din sila ni Yaya Darling dahil ako si Senyorita. Ako ang forever ni Reymart,” giit si Venus na tumayo pa at namaywang.
“Of course not! I am his forever! I look a bit like Yaya Darling,” sabi ni Jessa, saka kumaway na parang nagpapa-cute.
Hindi naiwasang makinig ni Claribelle habang pinag-uusapan ng mga estudyante sa cafeteria ng Central University of Asia si Reymart. Aliw na aliw ang mga ito sa romance-comedy teleserye ni Reymart at ng YouTube sensation na naging ka-love team ng lalaki. It was a surprise hit. Hindi sinasadya ang chemistry ng dalawa nang unang magkita sa isang noontime show. Kahit saang sulok yata ng Pilipinas ay pinag-uusapan ang teleserye kaya nag-top ang ratings.
Siniko si Claribelle ng kaibigang si Marie. “Nice, friend. Sikat na sikat na talaga ang boyfriend mo. Siya na ang hottest leading man ngayon. Kabi-kabila ang endorsement at nakapila na rin ang mga pelikula niya.”
“Reymart deserves it. Matagal na niyang pangarap yan at pinaghirapan,” sabi ni Claribelle at nakangiting sumubo ng baon na empanada.
Sa loob ng mahigit tatlong taong pagkakakilala nila ni Reymart ay malayo na ang narating ng lalaki. Mula sa pagiging modelo, naging finalist ito sa isang artista search sa TV. Hindi man nanalo ay mas sikat pa ito ngayon kaysa sa grand winner. Hindi naging madali ang buhay ni Reymart. Kinailangang isuko ng lalaki ang pag-aaral para makapag-focus sa showbiz. Third year college na rin sana ito kung hindi lang huminto.
Binibiro nga nito si Claribelle na pagka-graduate niya ay ang lalaki raw ang magiging boss niya. Pwede naman siyang magtrabaho kay Reymart pero hanggang maaari ay gusto niyang makakuha ng magandang trabaho nang walang halong impluwensiya ng nobyo. Kaya naman niyang magsikap.
Tinabihan siya ng kaklaseng si Edmark na isang bakla. “Friendship, pahingi naman ng pastillas na baon mo.”
“Bakit ka pa hihingi sakin? May pastillas naman na binebenta dito sa cafeteria. Kami rin ang may gawa non.”
“Siyempre, iba kapag galing sa friend at iba kapag binili.”
“In short, mas masarap ang libre,” sabi ni Marie.
“Ang galing mo, girl,” sabi ni Edmark at nakipag-high-five kay Marie.
“Mayaman ka naman, sa akin ka pa hihingi.”
“Kasi naman inuuna ang pagbili ng kung ano-anong herbal soap doon sa guwapo niyang kapitbahay kaysa panggastos sa sarili. Wala pa mang trabaho, mama-san na,” pang-aasar ni Marie. “Ayan! Walang pambili ng pastillas.”
“Bibigyan ko naman kayo ng sabon. Papakin mo pa kung gusto mo,” sabi ni Edmark at ngumuso. Mahina ito pagdating sa lalaki.
“Edmark! Sinabihan na kita na maging matalino pagdating sa pera. Huwag kung saan-saan mo ginagastos,” sermon ni Claribelle.
Sumandal sa kanya si Edmark. “Friend, wag ka nang magalit. Ibebenta ko rin yon. Pero sa ngayon, pagbigyan mo na ako sa pastillas.”
“Heto….. Tatlo para “I Love You”,” sabi ni Claribelle at binigyan ng tatlong pirasong pastillas ang lalaki.
May kaunting asenso na rin sa pastillas business nilang mag-ina. Kung dati ay patago sa pagbebenta si Claribelle, ngayon ay kinontrata na sila ng school para sa mga paninda nila. Nahuli siya ng management na nagbebenta.
Pinag-iisipan na siyang i-suspend o kaya ay i-expel pero sa huli ay dinepensahan siya ni Reymart. Sinabi ng lalaki na hindi naman daw tama na parusahan siya dahil gusto lang niyang tustusan ang pag-aaral. Sa galing ng argumento at convincing power ni Reymart ay na-convince nito ang Board.
Hindi na raw niya kailangan magbenta dahil direkta nang school ang kukuha sa mga paninda niya. Naging tagumpay iyon hindi lang para sa kanya kundi maging sa ibang mahirap na estudyante na gaya niya na nagtitinda para makapag-aral.
Kahit mayaman ang pamilya ni Reymart ay mapagpakumbaba ang lalaki. Naranasan nito kung paano mag-go see at ma-reject noong nagsimula pa lang na magmodelo, kung paanong matalo sa artista search, mag-audition at hindi makuha sa mga pelikula at television series. Mataas ang pagpapahalaga nito sa mga taong nagsisikap sa buhay at sa mahirap na gaya ni Claribelle kaya naiintindihan nila ang isa’t isa. He was a man of character kaya hindi siya nahirapang mahalin ito. Pagmamahal na kailangan nilang ilihim.
“Bukas na ang third year anniversary ninyo ni Reymart. Anong plano niyo?” tanong ni Edmark na pasimpleng pinagapang ang daliri papunta sa lalagyan ng pastillas.
Tinampal ni Claribelle ang kamay nito. “Um! Para-paraan lang?”
Ngumisi si Edmark. “Isa na lang. Ako na ang bahalang mag-edit ng video natin sa cooking show. Saka tutulungan kita na gumawa ng surprise para kay Reymart.”
Nagbuga ng hangin si Claribelle. “Di ko nga alam kung magkikita kami bukas. Wala na nga siyang oras na mag text sa akin at ni hindi niya nabubuksan ang mga message ko sa kanya. Busy siya. ☹️ Baka nga wala nang tulog ang isang yon.”
Nakikita ni Claribelle sa social media kung paanong dumugin ang mga mall show ni Reymart, sunod-sunod na TV guestings at interviews bukod pa sa taping ng series nito. Ang totoo, kinakabahan siya dahil baka nakalimutan ni Reymart ang anniversary nila. Basta na lang siya nitong sinusundo para sa isang romantic date. Nagawa nga nitong ipasara ang isang garden restaurant sa Tagaytay noong huling anniversary nila para lang masolo siya. Gaya ng sinabi ni Reymart, walang kailangang magbago sa kanila. Kahit hindi sila magkasama, siya pa rin ang nasa isip nito. Hindi rin mahalaga kung hindi man alam ng ibang mga tao na siya ang mahal ni Reymart. Basta silang dalawa ang nagkakaintindihan.
“Pero hindi ka ba nagseselos sa sweetness nila ni Yaya Darling?” tanong ni Marie. “Nakita ko kung gaano sila ka-sweet. Saka parang iba ang titigan nila. Parang totoo na, girl. Sorry kung kinikilig ako sa kanila, ha? Nadadala lang talaga ako sa pag-arte nila.”
Tumawa si Claribelle. “Maring, ikaw na mismo ang nagsabi na umaarte lang sila. At alam mo kung gaano kagaling umarte si Reymart. So, I don’t mind. Nirerespeto ko naman ang trabaho niya.”
“Sabi, crush daw ni Yaya Darling si Reymart sa totoong buhay. Di ka ba natatakot na baka akitin niya si Reymart?” tanong ni Edmark.
“Pinagselosan ko ba nang sabihin mo sa akin na sabay kayong nag-shower ni Reymart noong swimming class natin?” nanlalaki ang mga matang tanong ni Claribelle.
Tumili ito. “Ay! Nakalimutan ko na yon. Bakit mo pa inulit? Nabubuhay na naman ang pagnanasa ko sa boyfriend mo.”
Hinampas niya ang braso ni Edmark. “Tse! Basta hindi na lang ako nanonood ng shows niya at nagbabasa ng mga balita tungkol sa kanya. Ayaw ni Reymart. Mas gusto niyang mag-focus na lang ako sa pag-aaral. Basta kung ano lang ang sabihin niya sa akin, doon lang ako.”
Pumalakpak si Edmark. “Nice! Ganyan ang girlfriend ng showbiz star. Kahit na itago ka, okay lang. Dead-ma lang sa tsismis.”
“Di naman siguro kami tatagal nang tatlong taon ni Reymart kung wala kaming tiwala sa isa’t isa.” Kaya nga kahit mag-iisang buwan na silang hindi nagkikita ay bale-wala sa kanya. Busy rin naman siya sa pag-aaral.
“I-dedicate na lang kaya natin sa kanya ang next episode natin ng “Cooking with Love?” suggestion ni Marie. Project nila ang “Cooking with Love” sa subject...


na New Age Media kung saan gagawa sila ng sariling YouTube Channel at magshu-shoot ng kanya-kanyang program kada linggo. Bukod sa quality ng video ay bibigyan din sila ng grade base sa dami ng mga nag view sa video. “Cooking with Love” ang binuo nilang program kung saan magluluto sila at ire-relate ang pagluluto sa love.
“Oo nga. Ano ba ang paboritong kainin ni Reymart?” tanong ni Edmark.
“Pastillas,” nagniningning ang mga matang sagot ni Claribelle. “At alam mo naman na expertise ko ang pastillas.”
Titiyakin niyang mag-e-enjoy si Reymart sa anniversary gift niya.
🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬
MAYAT mayang tinitignan ni Claribelle ang galaw ng kamay ng wall clock sa kuwarto. Pine-perfect niya ang script dahil gusto niyang bukas ng hapon na mag-shoot ng mga kagrupo para sa project nila at sorpresa na rin para kay Reymart. Inilalaan niya ang gabi sa anumang sorpresa ng nobyo sa kanya para sa anniversary nila.
“Eleven-fifty na,” sabi ni Claribelle, saka inilabas ang cellphone at hinanap ang number ni Reymart sa Contacts. Hindi na siya makapaghintay habang hinihintay ang paglipat ng oras. Sa cellphone na nakatuon ang paningin niya. Eksaktong alas-dose ay pinindot niya ang Call button at tinawagan ang nobyo. Malakas ang kaba sa dibdib niya habang hinihintay na sagutin iyon ng binata. Ilang araw na siyang nagte-text pero pulos “Fine”, smiley 😊 at “I miss you and I love you” lang ang sagot nito. Alam niyang hectic ang schedule ni Reymart. Sa sobrang hectic, kahit nga raw mag-restroom minsan ay dala pa nito ang script na ime-memorize. Pero para sa anniversary nila ay gusto niyang marinig kahit ang boses nito.
“Hello!” sa wakas ay sagot ng boses sa kabilang linya.
“Happy anniversary, babe!” malambing na bati ni Claribelle.
“Babe? Anniversary? Who is this? tanong ng mataray na boses ng babae. “Hatinggabi na nang-aabala ka pa!”
Napangiwi si Claribelle nang makilala ang boses ng masungit na nanay ni Reymart. “Hello, Tita Gina. Si Claribelle po ito.”
“Claribelle who? Oh! Claribelle Fullido, the daughter of the vice president of Rainbow Network,” sabi nito na biglang nagbago ang tono at naging malambing. “Ikaw yong nagregalo ng Cartier Watch kay Reymart last week.”
“Uhm …. Hindi po. Ako po si Claribelle ang girlfriend ni Reymart.”
“Ikaw? sabi ni Tita Gina at bumalik ang malamig na boses. “Ano na naman ang kailangan mo sa anak ko?”
“Gusto ko po sana siyang makausap. Importante po sana.”
“May mas importante pa ba kaysa sa tulog ng anak ko? Pagod siya sa maghapong trabaho at may call time pa siya nang alas-singko sa morning show.”
“Pasensiya na po, Tita. Anniversary po kasi namin ngayon at gusto ko siyang batiin.”
Si Tita Gina rin ang nagsisilbing manager ni Reymart. Isa itong dating beauty queen at pinagmanahan ng good looks ng kanyang nobyo. Alam ni Claribelle na hindi siya gusto ng ginang dahil overprotective ito sa career dahil sayang daw ang dumarating ma opportunities.
“What anniversary are you saying? Hindi ba break na kayo ng anak ko?” paangil na sabi ni Tita Gina.
“P-po?” gulat na sabi ni Claribelle. “P-paano pong…..”
“That’s what he told me last month. Naghiwalay na raw kayo.”
Natawa siya. “Tita, baka mali lang po kayo ng pagkakaintindi. Hindi po ba kunwari lang na walang girlfriend si Reymart dahil hindi marketable ang artista na may girlfriend? Nakakasira ng ilusyon sa fans. Kayo pa nga po ang nakiusap sa akin na itago muna ang relasyon namin para protektahan ang relasyon namin.”
“Hija, hanggang ngayon ba iyan pa rin ang sinasabi sa iyo ni Reymart? At umaasa ka naman? The story is different this time. Kailan ba kayo huling nagkita?”
“L-Last month po, sa concert sa school,” sagot ni Claribelle. Nakakuha siya ng backstage pass at sandali lang silang nakapag-usap ni Reymart. Pero masaya na siya roon. Ang mahalaga, nayakap siya nito at ibinulong na mahal siya.
“Kailan kayo huling nagkausap? I mean, a serious conversation. Nasasabi pa ba niya sa iyo na mahal ka niya?”
Yumuko si Claribelle. “Sa text na lang po. Alam ko naman po na sobrang busy siya, Tita. Gusto ko lang naman pong marinig ang boses niya ngayon. Di po ako mang-aabala.”
“Yes, he is busy. Pero hindi ibig sabihin na wala siyang oras para sa ibang bagay. Wala lang siguro siyang oras para sayo. Hindi mo ba nakikita ang mga picture at videos niya sa date nila ni Darling?”
Kinagat ni Claribelle ang ibabang labi. Hindi niya pinapanood ang mga iyon. Naririnig lang niya. “Alam ko naman po na para lang sa promo yon ng series nila. Parte lang po ng trabaho,” pati ang sinasabi ng iba na pagkakagustuhan nina Reymart at Darling ay hindi niya pinapansin dahil may tiwala siya sa nobyo.
Huminga nang malalim si Tita Gina. “Hija, gusto kong maging prangka sa iyo dahil ayokong umasa ka. As a mother, I know my son more. Nakikita ko na hindi lang sila onscreen sweet at malapit sa isa’t isa. Kahit sa likod ng camera, ganon din sila. Sila ang laging magkasama. That’s why I am apologizing on my son’s behalf. Parang nakalimutan ka na niya. Kaya siguro sinabi niya sa akin noong nakaraan na break na kayo. Siguro, iba na ang gusto niya.”
Parang binagsakan ng adobe ang puso ni Claribelle. Iyon ang huling gusto niyang marinig——–na iba na ang mahal ni Reymart. Milya-milyang pang-unawa at pasensiya ang ibinigay niya sa binata. Hindi naman iyon fair. πŸ₯ΊπŸ’”
“H-hindi po iyon gagawin sa akin ni Reymart. Naiintindihan ko naman po na trabaho lang ang lahat. Sana po, sinabi niya sa akin kung break na kami.”
“You know how men are. Ganyan din ang ginawa sa akin ng asawa ko. Di na lang nagparamdam sa akin. Para akong tanga sa kahihintay. Maybe, they don’t have the heart to say good-bye. It is up to us girls to take a hint. Mas mabuti nang tanggapin mo ito ngayon pa lang.”
Humikbi si Claribelle. Unti-unting nagsi-sink in sa kanya ang nangyayari. Halos wala nang oras sa kanya si Reymart. Masuwerte nang mag-text siya nito ng “I love you” at kailangang siya pa ang unang mag-text. Iba na ito sa Reymart na minahal niya.
“I hope na tatanggapin mo ito nang maluwag sa loob mo, hija. After all, naging mabuting boyfriend din naman sa iyo ang anak ko. At hindi naman sa isang masamang babae siya mapupunta. Darling is from a well-off family, very well-mannered and really classy. Masaya ang anak ko sa kanya.”
Alam ni Claribelle na ganoong klaseng babae ang gusto ni Tita Gina para kay Reymart. Isang babaeng mayaman, elegante, at galing sa magandang pamilya. Hindi gaya niya na laki sa squater’s area. Pero hindi si Darling ang unang babaeng maykaya at sikat na naidikit sa pangalan ni Reymart. At sa huli, si Claribelle pa rin ang pinili ng lalaki. Siya pa rin ang mahal nito. Kaya naniniwala pa rin siya sa pangako nito.
“Tita, huwag po ninyong sabihin yan. Hindi po yan totoo,” pagmamakaawa ni Claribelle at muling napahikbi. “Hindi po iyan gagawin ni Reymart sa akin.”
“Ask my son. Of course, he will deny it. Gaya ng sinabi ko, hindi madali sa mga lalaki na sabihing gusto na nilang makipaghiwalay. Just a warning, my dear. Huwag mong sasabihin sa iba na may dati kayong relasyon ng anak ko. Siguradong sisiraan nila si Reymart, lalo na ng mga reporter. It will backfire, honey. Walang maniniwala na naging boyfriend mo siya. Goodnight, Claribelle. Have a good-life.”
——
Sa wakas natapos ku din ang Chapter One πŸ˜πŸ˜… Pwede na akong kumain.. pagkatapos magsasaing, magpapaligo ng bata, magbabanlaw ng damit, magsasampay, maglilinis, magmodule pa kami ng anak KO πŸ₯΄πŸ₯΄πŸ₯΄ huhay! Daming Gawain πŸ˜…πŸ˜‚
Kaya po paantay palagi ng mga Update ko πŸ’•πŸ’• Salamat Readers 😘


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.