0

What a Girl wants πŸ’•πŸ₯° 🍬 CHAPTER FIVE


Report

What a Girl wants πŸ’•πŸ₯°
🍬 CHAPTER FIVE 🍬
HINDI makapag-concentrate si Claribelle sa klase. Iniisip niya kung dapat bang sabihin sa professor nila na iba na lang ang ipapasa nilang project o bigyan ng konsiderasyon kung babaguhin man nila ang in-upload na video. She couldn’t live like this. Hindi na siya makahinga. Parang lahat na lang ng kilos niya ay binabantayan. Ultimo yata lamang-loob niya ay nakikita na ng mga tao.
Sikat nga ang video niya pero napaka-sensationalize ng dating. Hindi man lang niya maipagmalaki. “Cooking with Love” ang tema pero mas usap-usapan pa ang pagiging bitter niya sa video. Oo na, bitter na siya sa nangyari sa relasyon nila ni Reymart. Pero wala siyang planong i-share iyon sa publiko. Gusto niyang alisin na ang video bago pa makarating sa ibang tao gaya ng nanay niya at sa kampo ni Reymart. Baka kung ano ang isipin ng mga ito sa kanya. Ayaw niyang mag-alala ang nanay niya. Ayaw rin niyang magalit sa kanya ang kampo ni Reymart at sabihan siyang naghahanap ng atensiyon.
Nakasalalay nga ang grades nila sa project na iyon at pwedeng magalit sa kanya ang dalawang kaibigan. Pero umaasa si Claribelle na mauunawaan din ng mga ito na katahimikan at privacy niya ang nakasalalay rito. Siguro naman ay bibigyan siya ng chance ng professor nila. Kung sasabihin siguro niya na out of context naman ang video at may sakit siya nang gawin iyon ay pagbibigyan siya. Kahit ano ay gagawin niya para lang mapigilan ang pagkalat ng video.
Pagkatapos ng klase ay nilapitan agad ni Claribelle ang professor na isang babae na nasa early thirties. Strict at masungit si Professor Teves. Naramdaman niyang nakasunod sina Edmark at Marie. Tatangkain siguro ng mga ito na pigilan siya pero hindi siya magpapapigil. Kailangan niyang gawin iyon para sa katahimikan niya. Kung ayaw ng mga ito ng gulo, sana noong una pa lang ay humingi na ng permiso mula sa kanya.
“Ma’am, pwede po ba kayong makausap tungkol sa latest episode na in-upload ng grupo namin?” malumanay na tanong ni Claribelle habang magkasalikop ang nanlalamig na mga kamay.
“Oh! Miss Fullido, congratulations with your latest video. Pangatlong araw pa lang na naa-upload ang video, pumalo na ng three hundred thousand views. I think it will even reach one million in a week or two.” Pinisil nito ang kanyang balikat. “That is good. Congratulations sa inyo ng mga kagrupo mo.” At inilahad pa nito ang kamay sa direksyon nina Edmark at Marie. “For sure, mataas ang grades ninyo.”
Hindi iyon ang inaasahan ni Claribelle na sasabihin ng professor nila. Makakasama sa kanya ang pagiging positive nito sa video. “Pero out of context po ang video. Tungkol po iyon sa love. Very positive po ang gusto naming approach sa program,” apela niya.
“But that is love, my dear. Walang kaibahan sa pagluluto. Hindi laging matamis o kaya ay maasim. And it captured the heart of the viewers. Nakaka-relate sila dahil nasasaktan sila. Nakaka-relate sila dahil niloko sila.” Kumuyom ang isang kamay nito at puno ng damdamin habang ipinapaliwanag ang impact ng video. “You captured your audience that way. At nakikita ko rin naman na madami ang magagandang comments para sa iyo.”
“Naku, Ma’am! May nagtatanong pa nga po sa amin na producer ng isang TV station kung gusto raw pong magpa-interview ni Claribelle sa magazine show nila,” excited na sabi ni Edmark.
“That is exactly the reason that I need!” sabi ni Professor Teves. “Naiintindihan ko na sinabi ng mga kagrupo mo na hindi maganda ang pakiramdam mo nang i-shoot ang video. But you did great. I am looking forward to the next episode of “Cooking with Love”. See you on Friday,” sabi nito at lumabas na ng classroom.
Hinabol niya ang professor. “Ma’am, sandali po….”
“We will discuss your concerns on Friday. Keep up the good work,” sabi nito at nagmamadali nang naglakad sa corridor.
Lulugo-lugo si Claribelle habang pinagmamasdan ang palayong professor. Ano ang gagawin niya? Nakabalandra pa rin ang video niya sa buong mundo at parang malabo nang ma-delete iyon. Kung i-delete na lang kaya niya basta at sabihing nasira ang video o kaya ay may problema ang YouTube? Makakalusot kaya siya?
“Ayan! Natuwa si Ma’am sa video natin,” excited na sabi ni Edmark. “Narinig mo yon, Maring? Sisikat na tayo.”
(At my expense. πŸ˜©πŸ™„) Oo, sino ba naman ang ayaw na sumikat? Pero sana naman ay hindi sa ganoong paraan na kailangan niyang ilantad sa publiko ang kanyang personal na buhay. Mukha niya ang nakaprenda sa harap ng mga tao.
“Ano kaya ang gagawin natin sa next video?” tanong ni Marie. “Recipe ng yema na bitter?”
“Pwede! O kaya paano magluto ng ampalaya omelette with feelings?” sabi ni Edmark saka pumalakpak. “Parang mabenta ang ampalaya ngayon.”
Nilingon ni Claribelle ang mga kaibigan. “Kung gusto niyong gamitin ang trend na iyan, spare me. I’d rather work behind the camera.”
Bumuntong-hininga si Edmark. “Claribelle, ikaw lang ang nakakaharap sa camera sa atin. You are the face of “Cooking with Love”. Di ka pwedeng mawala ngayon pang may mga fans ka na at inaabangan na ng lahat ang next episode mo.”
“No. Kung hindi tayo mag-i-stick sa original theme ng “Cooking with Love”, hindi ako papayag sa gusto ninyong mangyari. Wala akong planong kumuha ng atensiyon habang ibinubunyag sa mundo ang nararamdaman ko. Kung gusto ninyo, kayo na lang.” At iniwan na niya ang dalawa. Maninindigan siya. Sobra-sobrang pabor na ang ibinigay niya. Huwag naman sanang abusuhin.
Hindi pa nakakalayo si Claribelle ay hinarangan siya ng mga kaklaseng sina Jessa at Venus.
“Wow! Congratulations! What a success. Isang babaeng nagkaroon ng viral video dahil lang sa pag-iyak habang gumagawa ng pastillas. Very clever, Claribelle,” sabi ni Jessa.
“Thank you,” sabi ni Claribelle kahit halata naman ang sarkasmo sa boses ng babae. Kahit kailan ay hindi naging malapit sa kanya ang dalawang babae. She would always be that girl from the slums. At kung hindi lang kailangan ay ayaw niyang kausapin sina Jessa at Venus na laging nakikipagkompetensiya sa kanya.
“So, who is your boyfriend?” nakahalukipkip na tanong ni Venus. “Wala naman kaming nakikitang sumusundo sa iyo dito o naghahatid. Di ka rin nagkukwento.”
“Hindi naman kayo close para i-share ang buhay niya at ipakilala sa inyo ang boyfriend niya,” kontra ni Edmark. “Hindi naman kasi mayabang si Claribelle, hindi gaya ninyo na ultimo brand ng dental floss ay ipinagkakalat pa.”
“Of course. Galing ng France ang dental floss namin,” nanlalaki ang mga matang sabi ni Venus. “And besides, wala namang maipagmamalaki ang kaibigan ninyo. Para boyfriend lang, ayaw pa niyang ipagmalaki.”
“Baka ayaw niyang ilabas dahil hindi naliligo ang boyfriend niya at walang manners,” panghuhula ni Jessa.
“Hoy! Guwapo at mabango ang boyfriend ni Claribelle. Baka nga mamatay kayo sa inggit kapag nalaman ninyo kung sino,” sabi ni Edmark na ayaw magpatalo.
“Edmark!” saway ni Claribelle at hinawakan ang braso ng kaibigan. Baka masyado itong madala ng emosyon at maibulalas ang relasyon nila ni Reymart.
“Oh baka naman wala ka talagang boyfriend. Baka gawa-gawa mo lang ang dramang iyan para makakuha ng atensiyon sa video mo,” sabi ni Jessa.
“Excuse me?” bulalas ni Claribelle. “Sinasabi mo bang desperada ako?”
Ngumisi si Jessa. “It was a brilliant strategy to get attention really. Kung dati, nilalangaw ang video ninyo, ngayon ay viral na.”
“Hindi ko naman alam na magiging viral ang video na yon,” katwiran ni Claribelle. Ipinost nga iyon nang wala siyang kaalam-alam. Siya pa ngayon ang masama at may masamang intensiyon.
“What got your panties in a twist?” tanong ni Edmark sa dalawang kontrabida. “Hindi niyo matanggap na may mas...


sikat sa inyo ngayon. Kumain na lang kayo ng pastillas para mabahaginan naman kayo ng kasikatan ng video namin. We don’t mind.”
“Excuse you!” sabi ni Jessa. “Hindi kami bababa sa level ninyo. Our video got quality and very classy. Babawi ang variety show namin. Just wait!” Tumalikod ang babae. “Let’s go, Venus. We will give them a show.”
“Eh, paano? Kumain na lang kaya tayo ng pastillas habang nakabitin sa ere?” suggestion ni Venus.
“Shut up if that’s all you can come up with.”
🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬
PAGOD na pagod ang pakiramdam ni Claribelle nang makaalis na sina Venus at Jessa. Kung may natutuwa sa video niya, may haters na rin siya.
“Huwag mo nang pansinin ang mga iyon. Mga insecure lang sila,” sabi ni Marie. “Ang gusto nila, sila lang ang maganda, sikat at magaling. Hmp!”
“Kaya dapat i-push lang natin nang i-push itong pag-viral ng video natin. Gusto mo bang yemang bitter naman o ampalaya recipe para sa ultimate bitterness,” nakangising tanong ni Edmark.
Umiling si Claribelle. “Ayoko na, Edmark. Pagod na pagod na ko.”
“Ilang araw na lang bago ang next deadline ng video natin. Ganito na lang. Kami ni Edmark ang gagawa ng script at wala ka nang poproblemahin. Magpahinga ka na lang ngayon at mag-relax. I-check mo na lang kung may idadagdag ka,” sabi ni Marie at nag-thumbs-up. “Okay na tayo?”
“Hindi. Hindi lang dahil sa pag-aaral o dahil galing ako sa sakit. Pagod na ako sa ginagawa natin. Pagod na ako dahil sa video na yan. Napagod ako sa ginawa ninyo sakin. Napapagod ako na parang isa akong clown na pinagtatawanan,” masama ang loob na sabi ni Claribelle.
“Hindi ka talaga masaya na sikat ka?” tanong ni Edmark. “Achievement ito.”
“Hindi kailanman magiging achievement na ang kamiserablan ko ang pinagpipiyestahan ng mga tao. Hindi ako ganoong klaseng tao. At lalong hindi ito makakatulong sa amin ni Reymart. Kapag nalaman niya ito, ano na lang ang sasabihin ko sa kanya?”
“Ang tanong, babalikan ka pa ba ni Reymart? Magpapakita pa ba siya sa iyo?” tanong ni Edmark.
“Puwedeng oo kung hindi pa niya napapanood ang video. Pero pwede ring hindi na.” Dahil nagpakalunod na ang boyfriend sa trabaho na parang ang buhay nito ay umiikot na lang sa ka-love team. “Kung babalik sa akin si Reymart at gusto niyang bumawi, bibigyan ko siya ng pagkakataon. At sana lang, hindi niya mapanood ang video sa sobrang pagka-busy niya. Hindi ko alam kung anong gagawin ko sa inyo.”
“Pero kaibigan mo kami. Dahil lang sa video……” angal ni Edmark. Agad ding natahimik nang itinaas ni Marie ang isang kamay.
“Kung magkakaproblema kay Reymart, kami mismo ang magpapaliwanag sa kanya na project lang natin ito. Na umarte ka lang. Hindi naman kailangang masira ang pagkakaibigan natin,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Marie.
“Bigyan niyo muna ako ng dahilan na pagkatiwalaan kayo sa susunod. Pero sa ngayon, hayaan muna ninyo akong mag-isa.” Saka tinalikuran ni Claribelle ang dalawa at naglakad na palayo. Hindi niya alam kung ano ang dapat na maramdaman sa mga kaibigan. Ang tingin ba ng mga ito sa kanya ay walang pakiramdam? Tama nang pinagbigyan niya ang mga ito minsan. Huwag naman sanang gawing bisyo ng mga ito.
Nag-ring ang cellphone ni Claribelle kaya huminto siya sa paglalakad para sagutin ang tawag. “Hello?”
“Good afternoon, Ma’am. Ito po ang driver ni Sir Reymart.”
“Mang Rodolfo, bakit po sila napatawag?”
“Ipinapasundo po kayo ni Sir. Gusto raw po niya kayong makita.”
Mariing pumikit si Claribelle. “Puwede po bang sa ibang araw na lang?” Dati, excited siyang makita agad ang boyfriend lalo na’t isang buwan na silang hindi nagkikita. Pero hindi ngayon na masyado siyang maraming iniisip.
Hindi ngayong magulo ang kanyang emosyon at inaalala pa niya ang video. Pagod na pagod ang kanyang puso kaya hindi pa niya kayang harapin si Reymart. Pagod na pagod na siyang makipagtalo.
“Ito lang po kasi ang available niyang araw, Ma’am. Nandito po ako sa labas, naghihintay po sa inyo,” sabi ng driver.
Ayaw ni Claribelle na ma-stress. Pero maganda nang magkaharap sila ni Reymart. Oras na para malaman niya kung saan patungo ang relasyon nila. “Sige po. Lalabas na po ako,” sabi niya na may munting sayang naramdaman sa puso. Kahit anong sama ng pakiramdam o kahit may project pa siyang importante, hindi niya mapapalampas ang pagkakataon na makita si Reymart. Nami-miss pa rin niya ito. Kahit pa nga puno ng pangamba ang mas malaking bahagi ng kanyang puso.
🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬🍬
“SAAN po tayo pupunta?” tanong ni Claribelle nang mapansing nasa Taguig area na sila. Sa Quezon City ang bahay ni Reymart.
“Secret na lang po, Ma’am. Basta may sorpresa po si Sir Reymart sa inyo,” nakangiting sabi ni Mang Rodolfo.
May munting pag-asa sa puso ni Claribelle na kaya pa nilang isalba ni Reymart ang relasyon nila. Handa niyang pagbigyan nang isang beses ang boyfriend kung hihilingin nito. Dahil sa kabila ng mga pagkukulang sa kanya ay mahal pa rin niya ito.
Sa wakas ay inihinto ni Mang Rodolfo ang sasakyan sa tapat ng isang condo building sa Bonifacio Global City. Malakas ang kabog ng dibdib ni Claribelle nang bumaba ng sasakyan at pumasok sa eleganteng lobby ng condo building. Pagkatapos kumpirmahin na bisita nga siya ay ibinigay sa kanya ni Mang Rodolfo ang isang susi.
“Umakyat na lang po kayo sa thirty-second floor, Ma’am.”
“H-hindi mo ako sasamahan?”
“Iyon po ang bilin ni Sir. Good luck po, Ma’am.”
Hindi alam ni Claribelle kung ano ang naghihintay sa kanya sa condo unit ni Reymart. Nanlalamig ang mga kamay niya at tinignan ang hawak na susi. Paano kung hilingin ni Reymart na maghiwalay na sila nang tuluyan? Kakayanin ba niya?
Huminga siya nang malalim nang sumakay na sa elevator at sa wakas ay nasa harap na siya ng condo unit. Bumilang muna siya nang sampu bago isinuksok sa doorknob ang susi. Malakas ang kabog ng kanyang dibdib. Pagbukas ng pinto ay narinig ni Claribelle ang malamyos na musika mula sa acoustic guitar. It was really romantic. Iyon ang hilig na pakinggan ni Reymart. At mula sa pagiging fan ng Aegis at ni April Boy Regino ay nakadagdag iyon sa hilig niyang musika.
Pagtapak ni Claribelle sa loob ng unit ay naramdaman niya na parang may natapakan siyang kalat. Nang bumukas ang ilaw ay nakita niya sa paanan ang mga talulot ng pink roses na nakasabog sa sahig. Sinundan niya ang mga iyon at pagdating sa dulo ay biglang nagliwanag at bumungad ang sahig na punong-puno ng pink at pulang lobo. Maging sa kisame ay may mga lobo rin. Sa gitna ay may mesa at patalikod na nakaupo roon si Reymart.
Pakiramdam ni Claribelle ay nasa gitna siya ng isang fairy tale at naghihintay ang kanyang prinsipe. Nang mga nakaraang anniversary nila ay simple lang ang selebrasyon nila. Dadalaw sa bahay si Reymart na naka-baseball cap dahil nagtatago sa mga tao. Magkukwentuhan lang sila sa kusina habang nakabantay ang nanay niya. Simple pero masaya.
Hindi inaasahan ni Claribelle na mag-e-exert ngayon si Reymart nang ganoon katinding effort para sa kanya. Siguro ay bumabawi ito sa mga pagkukulang. Nag-evaporate ang lahat ng sama ng loob at tampo niya sa binata. Gusto niya itong yakapin habang nakatalikod pero hindi niya magawang kumilos dahil sa pagkamangha. Nandito pa rin si Reymart. Pinahahalagahan pa rin ang anniversary nila kahit huli na. Siya pa rin ang mahal nito. At sapat na iyon para sa kanya.
Lumingon si Reymart. “Bakit mo nagawa ito sa akin, Claribelle?” maluha-luhang tanong nito.
————————
Done Chapter Five 😍❀️
Busy po ako daming inaasikasong projects, module ng anak ko . Pati bahay din 😩😩 huhay!


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.