0

To Where You Are CHAPTER TWO


Report

To Where You Are 😘
πŸ‘» CHAPTER TWO πŸ‘»
“AY, NAKAKABUWISIT lang!” Inis na inis si Merry Cris. Late na siya sa pupuntahan. Para kasing nananadya ang pagkakataon. Kung kailan siya nagmamadali, saka siya dinagsa ng kamalasan. Hindi tumunog ang alarm kaya hindi siya nagising nang maaga. Paalis na siya ng bahay nang maputol ang strap ng bag. Nasa kanto na siya nang bumigay ang sapatos. Hindi pa roon nagtatapos ang kamalasan. Nasiraan ang FX na sinakyan niya at natagalan bago siya nakahanap ng panibagong masasakyan dahil punuan na ang ibang FX. Kahit taxi, wala. Napilitan siyang mag-jeepney kaya inabot siya ng siyam-siyam bago narating ang venue ng seminar na nasumpungan niya sa Internet ang patalastas.
Pagkatapos siyang muntik kaladkarin ni Barbie papunta sa ospital nang magsisigaw siya, nagpasya si Merry Cris na maghanap na ng kasagutan sa problema. May ideya na kasi siya kung ano ang dahilan at nakakakita siya ng kung ano-ano. Ayon sa na-research niya, physical o emotional trauma ang maaaring maging daan para mabuksan ang kamalayan na kadalasan ay hindi alam ng mga tao na mayroon sila. Sixth sense ang tawag doon ng iba. Ang iba ay extra-sensory perception o ESP. Ang ilan, third eye. May ganoon si Tita Jocelyn, pati na rin daw ang ilan sa mga kaanak nila. Malakas nga raw sa lahi nila.
Anuman ang tawag, ayaw ni Merry Cris niyon kaya maghahanap siya ng paraan para maisara uli ang dagdag na kamalayang nabuksan ng hindi sinasadya sa kanyang pagkatao. “Decoding the Occult” ang title ng seminar na dadaluhan niya na isang parapsychologist ang magko-conduct. Ang pakay ng seminar ay para tulungan ang mga tao na maintindihan ang mga bagay na may kinalaman sa paranormal. Umaasa siya na maiintindihan din niya kung paano maaalis ang kakayahang hindi welcome sa buhay niya.
Natanaw ni Merry Cris ang elevator ilang metro ang layo sa kinaroroonan niya. Tinakbo na niya iyon, pero bago pa niya magawang maipasok ang sarili sa loob ay sumara na ang elevator. “Anak naman talaga ng….”
πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»
TING! Ang pinto ng kabilang elevator ang bumukas.
Umakmang papasok doon si Merry Cris pero kahit nagmamadali, napatigil pa rin siya sandali nang mapatingin sa pasahero ng elevator. Nadiskaril ang paghinga niya nang makita ang lalaki. He may not be the handsomest guy she had ever seen but he was definitely the sexiest. Hayun nga at isang tingin lang niya sa lalaki ay nabulabog agad ang buong sistema niya. Nakakagulat na makaramdam siya ng ganoon. Siya pa na mula nang mabisto niya ang kalokohan ni Jeffrey ay nawalan na siya ng interes sa mga lalaki, guwapo man o hindi.
“Uh, miss, sasakay ka ba o hindi?”
Kahit ang boses ng lalaki, sexy. Iyong parang paos. Bedroom voice.
Lalong napatitig si Merry Cris rito. Na-imagine niya bigla na nasa loob ito ng kuwarto. Dimly lit ang silid at may malanding musikang tumutugtog sa background. At sila ng lalaki…. nagtititigan habang palapit nang palapit ang mukha sa isa’t isa….
“Miss…”
“Ah, eh, s-sasakay.” (Hindi naman masyadong obvious na natutulala ka sa kanya, diba?) Nakakahiya.
Pumasok na si Merry Cris sa elevator, determinado na hindi pansinin ang lalaki. Pero hindi siya nakatiis. Pasimple siyang sumulyap dito. Oozing with sex appeal talaga ang lalaki. Hindi lang niya direktang matukoy kung bakit. Habang hinihimay-himay kasi niya ang features ng lalaki, wala siyang matumbok na eksaktong pinagmumulan ng hotness nito. Oo na, maganda ang physique nito, mukhang physically fit. Hindi man muscle shirt ang suot ng lalaki, halata ang mga muscles. Ang tiyan ay hindi nakahantad sa kanya pero ang hula niya, may mga pan de sal. Pipis na pipis. Ipupusta niya ang kanyang atay na wala iyon ni katiting na taba. His thighs, well, kaunti na lang ay poste na ng Meralco ang peg. Sigurado rin na pagkatigas-tigas ng mga iyon.
Napahiya na si Merry Cris sa kakakilatis sa katawan ng lalaki kaya lumipat na lang sa mukha nito ang kanyang tingin. He had such nice eyes. Expressive. Parang nangungusap ang mga iyon ng malalalim na emosyong kayang-kayang pabaligtarin ang mga lamang-loob niya. At ang mga labi nito……kahit hindi pa niya iyon nahalikan ay nahuhulaan na niya na masarap dampian ng…… (Hoy! Maghunos-dili ka!) Nakakahiya talaga sa balat niya. Kung makapangilatis siya ng lalaki ay para siyang hayok na matrona.
Mabuti na rin lang at bumukas na ang pinto ng elevator sa floor niya. Nakakatawa lang dahil parang ayaw pa niyang lumabas. Masyado pa siyang naaaliw sa panonood sa magandang tanawin. Pero pinilit na niyang ihakbang ang mga paa. Dapat ay dere-deretso na siyang lalakad papunta sa function room, pero pagkalipas lang ang ilang hakbang ay hindi siya nakatiis. Kusang pumihit ang ulo niya para tapunan ng isa pang sulyap ang iniwang lalaki. Papasara na ang pinto ng elevator pero sapat pa ang pagkakaawang ng mga iyon para makita niya ang loob. Ganoon na lang ang pagtataka niya. Wala na ang lalaki. Luminga-linga siya. Ang bilis naman nitong nakaalis.
(Sino siya, si Flash?)
Agad na nakaramdam si Merry Cris ng panghihinayang dahil hindi niya natignan man lang ang lalaki ng kahit isang beses pa. Umani agad iyon ng batikos mula sa kanyang katinuan.
(Ano ka, bagets? May last glance ka pang nalalaman!)
Eyes forward na agad siya at binilisan na rin ang paglakad papunta sa pinagdarausan ng seminar. Tahimik siyang pumasok sa bukas na double doors. Sa pinakamalapit na bakanteng silyang nakita niya siya naupo.
“Hi, there.”
Napaangat ang tingin ni Merry Cris sa nagsalita. Galing iyon sa silyang katabi ng napili niyang upuan. Umawang ang kanyang bibig nang makita kung sino iyon. It was none other than Mr. Hot Guy in the elevator. “H-hi….” Pagkatapos niyang lumunok ng ilang beses ay nagawa ring gumana ng vocal cords niya. Salamat naman. “D-dito ka rin pala pupunta.”
“Hindi. Doon,” sagot ng lalaki. Pero agad ding ngumiti. “Joke.”
Killer smile—— that was what the guy had. Bukod sa ang puti ng pantay-pantay nitong ngipin, may dimples pa sa magkabilang pisngi. Hindi yata makatarungan ng magkaroon ng ganoon kalakas na sex appeal ang isang lalaki. Deadly weapon nang maituturing iyon at siya, hayun, nanganganib mapuruhan.
“Ang bilis mo namang maglakad. Sino ka? Si Flash?”
“Ah, eh, oo. Pero secret lang natin iyon, ha?”
Naaliw lalo si Merry Cris. Hindi lang pala hot and sexy ang lalaki, ang lakas din ng sense of humor. Isa pa naman iyon sa weakness niya pagdating sa lalaki. (Nagpunta ka rito para matuto kung paano i-off ang radar mo, hindi para makipaglandian sa guwapong may malakas na sense of humor.) Pinilit na niyang ituon ang pansin sa seminar.
“Open your mind to the infinite possibilities in the universe. And always remember that there is not just one plane of existence in this world. Instead, there are parallel dimensions…..”
Medyo naintindihan ni Merry Cris ang sinabi ng parapsychologist, pero mas interesado ang isip niya sa infinite possibilities na pwedeng mamagitan sa kanila ng hot na lalaki. Nahila na naman tuloy ang pansin niya papunta rito.
“By the way, I’m Rhodel. Rhodel Gelacio,” pakilala ng lalaki.
“Merry Cris Avecilla.” Nakakahiya na siya pa ang naglahad ng kamay. Hindi lang talaga niya napigilan. She felt this great...


urge to touch him.
Medyo nag-atubili ang lalaki bago abutin ang nakalahad niyang kamay. His touch was so——so light it seemed they barely made contact. Pero sa kabila niyon ay ramdam niya ang malakas na enerhiyang dumaloy sa mga kalamnan at kasukasuan niya. Talo ang Kopiko 78 degrees kung panggising factor ang pag-uusapan.
Napatingin tuloy uli si Merry Cris kay Rhodel. Hindi lang pala kamay nito ang nakakagising ng damdamin, lalo na ang mga mata. Mas marami pa siyang possibilities na naiisip ng dahil sa pagsulyap niya sa mga matang iyon kaysa sa sinasabi ng parapsychologist na pagsisikap nilang mga participants sa seminar na buksan ang mga isip nila.
Matinis na tunog ang humila ng atensiyon ni Merry Cris pabalik sa sinasabi ng nagko-conduct ng seminar. Galing iyon sa mic. Masakit iyon sa tainga kaya napilitan siyang bitawan na ang kamay ni Rhodel para takpan ang kanyang mga tainga.
“Kasama ata iyon sa paraan para mabuksan ang isip natin sa maraming possibilities.” komento ng lalaki.
Napailing na Lang siya habang napapangiti. Bigla ay naging mas interesting kaysa sa inasahan ang seminar na ang tagal niyang pinag-debatehan sa sarili kung pupuntahan o hindi.
πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»
(DUMA-DA moves ka na naman.) Pinilit ni Rhodel na babaan ang wattage ng ngiti sa mga labi. Flirting came so naturally to him. Pero alam niyang hindi niya dapat gawin iyon. May mahalaga siyang pakay sa pagdalo sa seminar at hindi kasali roon ang pakikipaglandian.
Kinailangan pa niyang sitahin ang sarili. Bukod kasi sa naging gawi na niya ang ilabas palagi ang charm, may kung ano ang babaeng kaharap na lalong nagpapatindi ng kagustuhan niyang makipagbiruan dito sa nakakakiliting paraan.
Nakakagulat lang dahil hindi si Merry Cris ang tipo ng babaeng karaniwang humahatak ng pansin niya. Mas madali niyang nakakagaanang-loob ang mga mahilig ding magpa-cute dahil ang mga iyon ang kadalasan na hindi nag-iilusyon ng kung ano-ano. Pareho nilang alam kung paano maglaro, wika nga. Si Merry Cris…… ah, isang tingin lang ay nahulaan na niya na hindi player ang babae. Sa lawak ng karanasan niya sa mga babae, madali niyang natukoy iyon.
Ang mga katulad ni Merry Cris ang naniniwala at naghahanap ng forever. Ang mga kagaya nito ang nabo-brokenheart kapag hindi umubra ang relasyong pinasok.
Oh, baka iyon ang rason kung bakit na-attract si Rhodel sa babae. Nagsawa na siya sa players kaya ang hanap na niya ay ang mga babaeng wagas magmahal. Dahil handa na rin siyang magmahal sa ganoong lebel.
(Saan mo napulot ang kakornihan na yan?) He shuddered at the thought. At nang maalala ang rason kung bakit nandoon siya sa seminar, lalo niyang naisip na wala sa lugar na pag-iisipan ang tungkol sa forever. Siguradong mabo-brokenheart talaga ang babaeng magkakamaling mag-isip na pang-forever siya. Nanlumo siya sa ideyang iyon.
Napabuntong-hininga tuloy siya.
“Parang Marianas Trench lang, ah.”
Napatingin siya kay Merry Cris, saka agad na napangiti sa komento nito. Ang pinakamalalim na bahagi ng karagatan pa talaga ang naisip ng babae. Nakakaaliw talaga ito. Sayang lang at……
“Oftentimes, the reason spirits can’t move on is because of some unfinished business…..”
Inagaw agad ang pansin ni Rhodel ng sinabi ng parapsychologist. Naisip na rin niya iyon. Pero paano nalalaman kung ano ba ang unfinished business na iyon? Kung anuman iyon, sigurado siya na walang maitutulong doon ang mga “da moves” niya kahit pa sinasabi ng puso na “iba siya” tuwing mapapatingin kay Merry Cris.
πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»πŸ‘»
NANLAMIG si Merry Cris pero nagpapasalamat na madiskubreng wala iyong kinalaman sa pagpaparamdam ng isang kaluluwa. Sa halip, ibang mysterious force ang rason : ang pagkakatuklas na nakatingin sa kanya si Rhodel. At huwag ka, hindi lang basta nakatingin. Kung pagmasdan siya ng lalaki, parang nakakaisip ito ng napakagagandang sandali na pwede nilang pagsaluhan.
Makaka-relate siya kay Rhodel nang husto. Siya rin kasi ay kanina pa nakakapuslit sa pagpipigil niya ang paglalaro ng mga masayang tagpong tampok sila ng lalaki. Mula-KathNiel, JaDine at kahit nga Guy and Pip pa, ang mga moments na naglalaro sa overactive niyang imagination. Hindi karapat-dapat patulan ang mga iyon, lalo sa ganoong panahon na may problema siyang kailangang hanapan ng solusyon. Pero ano ba ang magagawa niya kung malakas ang puwersa ng kalandiang sumalakay sa pagkatao niya nang mga sandaling iyon? Lalo pang lumakas iyon sa nakita niyang ekspresyon ni Rhodel habang nakapako ang mga mata sa kanyang mukha.
Merry Cris felt the urge to flip her hair. Nangalingali rin niyang tignan nang tignan nang pailalim si Rhodel saka ngumiti nang matipid. Pero naalibadbaran siya. Flirting moves ang mga iyon at hindi siya flirt. Tama nang hayaan niya ang sarili na makiliti sa ideyang natutuwa ang lalaki na pagmasdan siya. Magkakasya na siya roon. Pero sa abot ng makakaya niya ay hindi niya iyon papatulan. There were other more urgent matters at hand.
“So, ano ang dahilan at nandito ka?” tanong ng katabi niya.
Napilitan tuloy si Merry Cris na alisin ang tingin kay Rhodel para pansinin ang kumausap sa kanya. “Gusto kong maalis ang ability ko na makakita ng multo,” pag-amin niya sa babaeng nag-usisa.
“Talaga? Bakit?”
“Natatakot ako. Isa pa, malaking abala.” Dere-deretso lang ang bibig niya sa pagtatapat. “Ang tita ko, may ganito. Hayun, maya’t maya siyang kinukulit ng mga kaluluwang-ligaw. Ayoko ng ganoon.”
May narinig siyang tunog na galing sa kinaroroonan ni Rhodel pero nang balingan niya ang lalaki, wala na ito. (Nakakainis!) Yamot na napakamot siya ng ulo. Si Rhodel lang ang umalis pero bakit pati konsentrasyon niya ay nawawala? Pati nga rin sigla ng mundo ay sumama na rin yata.
Saan na ba kasi nagpunta ang lalaki? Na-bore na sa seminar kaya hindi na tinapos?
Malaking panghihinayang ang naramdaman ni Merry Cris. Parang gusto na rin niyang umalis. (Hindi si Rhodel ang rason kung ba’t nandito ka.) Kinailangan pa niyang ipaalala sa sarili ang hitsura ng mga nilalang na basta na lang sumusulpot sa paligid niya para magkaroon siya ng motivation na manatili sa seminar.
Ayaw nga lang makipag-cooperate ng isip ni Merry Cris. Panay ang lakbay niyon. Kahit pa pilit niyang iniintindi ang tinatalakay sa seminar, nare-realize na lang niya bigla na nakikiraan lang sa kanyang pandinig ang mga salitang nasasagap ng kanyang mga tainga.
Tumayo siya para mag-CR. Sana lang ay makasalubong na niya ang nawawalang konsentrasyon sa pasilyo at nang maisama niya pabalik sa function room.
Papasok na si Merry Cris sa ladies room nang may matanaw na isang babae. Malabong hindi niya mahulaan na kaluluwang-ligaw ito. White Lady na White Lady kasi ang dating. As in, puti ang suot na bestida, mahaba, loose at flowing. Pero ang pinaka-confirmation na kaluluwa ang babae ay basta na lang ito tumagos sa dingding na papunta sa CR.
Napaatras siya. Dismayado ang pantog niya. Kung ano ang pakay ng multo sa CR, wala na siyang paki. Basta siya, hindi makikipag-chikahan dito.
Pabalik na si Merry Cris sa seminar nang may makita. Huli na para huminto kahit pa nakita na niya ang mababangga ay walang iba kundi ang rason kung bakit sa halip na nasa seminar, hayun at naglalakwatsa siya. Come to think of it, maganda nga siguro kung banggain niya ang lalaki. Para magka-moment sila.
Pero hindi nangyari. Dahil sa halip na mabangga niya si Rhodel—–tumagos siya rito!


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.