1

The Blue Angel and The Perya Ghost


Report

Isang mahalagang misyon ang naging dahilan para magkakilala silang dalawa. Ang misyon-Hulihin ang nakawalang evil ghost sa soul gate at ibalik sa Fifth Dimension World.

At dahil si Kai ang Blue Guardian ng Walton Family, siya ang naatasan ng First Rank upang hulihin si Joan Everth, ang evil ghost na nakapasok sa portal ng Real World, ang mundo ng mga tao.

Pero paano kung maling multo ang nahuli niya? Paano na ang misyon kung sa halip na ang paghuli sa evil ghost ang inuuna ay natagpuan niya ang sariling tinutulungan ang isang perya ghost?

————————————————–

KAI POV

“Magandang araw Sir Vince,” nakangiti kong bati kay Mr. Vince Walton, ang first rank gatekeeper ng Walton family at ang pamilyang pinagsisilbihan ko.

Ako si Kai, ang Blue Guardian ng Walton Family, na nagmula sa angkan ng mga warlry healer. Ito ang dahilan kaya nagtataglay ako ng pakpak na kulay asul, at ang kapangyarihan ko? Is to stop things from moving and to summon lost spirits at ibalik sila sa soul gate.

“Magandang araw din, Kai. May ipagagawa ako sa yo,” walang kangiti-ngiting sabi ni Sir Vince. Nakaramdam agad ako ng matinding tensyon sa paraan ng pagtitig niya. Mukhang may nangyari na namang trouble, ah.

“Kai, lumabas ka ng Real World at hulihin si Joan Everth, ang evil ghost na nakawala sa soul gate. Tsk,” nag-iigting ang mga pangang sabi niya bago iniabot sa akin ang isang larawan ng nakapangingilabot na hitsura ni Joan Everth. Ang buong mukha niya ay nababahiran ng dugo, halos naaagnas na balat at itim na itim na mga matang nanlilisik. May hawak siyang isang itim na tungkod na may bungong itim sa taas nito. Pinag-aralan ko muna maigi ang nakaririmarim nitong anyo bago itinago ang larawan sa bulsa ko.

“Masusunod Sir Vince. Nag-uumpisa na ba ang mga consequence sa paglipat ng portal?” seryosong tanong ko sa kanya.

“Nag-uumpisa na. Nabulabog ang soul gate at naglabasan ang mga evil ghost. Malaki ang tiwala ko sa iyo Kai para sa misyong ito, dahil ikaw ang Blue Guardian ng pamilya. Pero isang bagay lang, hangga’t maaari ay huwag kang magpapakita sa mga mortal. Hangga’t kaya mo siyang mahuli na walang madadamay na mortal, gawin mo,” seryosong aniya bago muling ibinalik ang atensyon sa portal na nakabukas ngayon na nasa kubling bahagi ng library ng Walton Cave. Ito ang tawag nila sa mansyon ng Walton family na makikita sa loob ng Walton Academy.

Tumango lang ako at lumabas na sa Walton Cave para hanapin ang target na Evil Ghost: si Joan Everth.

JOAN POV

“Lintek talagang mukha ‘to. Whoaa!” Kahit ako ay natakot sa sarili kong hitsura ngayon pagkasilip ko sa compact mirror ko. Letse ka bakla, ang galing mo magmakeup. Kaya pala nagtakbuhan ‘yung mga batang binati ko sa tabi ng baywalk.

Tama, nandito ako ngayon sa baywalk at nagpapahangin dahil shet lang na costume ‘to, plus pa ‘yung make-up sa akin ni bakla. Mukhang mamamatay yata ako sa suffocation at irritation. Sayang ang lahi ko hindi man lang nagka-lovelife, made-dead na agad.

Ako nga pala si Joan Everth, isang magandang babaeng nagtatago sa mukha ng isang perya ghost. Nagtatrabaho ako sa isang horror house ng isang peryahan at ngayon ay nakadestino kami dito malapit sa baywalk. Isa ito sa mga raket ko, bukod sa pagtitinda ng mga cheap cosmetics na talaga namang pak na pak sa mga kasamahan ko sa perya.

Umupo ako sa dulong bahagi ng baywalk na medyo may kalayuan din pabalik sa peryahan. Letseng costume talaga ‘to. Mas gusto ko pang naging manananggal na lang o kaya white lady kaysa sa naaagnas na multo! Buwisit ka talagang bakla ka. Ang baho pa ng damit ko. Saan niya ba kasi ‘to nakuha? Aist. Buwisit talaga!

Tumingala ako sa langit para makalanghap ng sariwang hangin. Napansin ko na parang unti-unting nag-iiba ang kulay ng langit ngayon. Nagiging kulay pula ito na katulad ng kulay ng dugo? Hanggang sa mayamaya pa ito ay naging matingkad na asul naman. Anong nangyayari? Ang alam ko ay dapat itim na ang langit dahil alas-otso na kaya ng gabi.

Sinubukan kong ilibot ang tingin sa paligid ko para tingnan kung napansin din ba ito ng mga tao. At halos malaglag ang panga ko nang makita kong wala ng tao sa paligid ko. Parang kanina lang eh, ang ingay sa buong baywalk ah.

Hindi pa ko nakaka-move-on sa bilis ng pangyayari nang biglang may isang kamay na humatak sa akin, at kinaladkad ako paalis sa lugar na iyon. At pagtingin ko, isang lalaking may pakpak na asul ang nakita ko. Isa ba siyang mulawin? Saang perya kaya siya rumaraket? Ang astig ng pakpak niya in fairness, ah. Parang totoo lang.

Teka nga, mabilis ang naging instinct ko sa ginawa niya. Pumalag ako at sinipa siya sa likuran dahilan para mabitawan niya ako sa kamay. Marahas siyang lumingon sa akin. At jusko lang, muntik na yatang mahulog ang puso ko sa kalsada. Ang pogi ni kuya mulawin at ang mga mata niya na nanlilisik na nakatingin sa akin ngayon. OMG! Bakit kinikilig pa yata ako?! Letseng iyan. Pinigilan ko ang nararamdamang consciousness sa klase ng mga tingin niya ngayon. Nagseryoso ako at nag-galit-galitan kay pogi.

“Hoy, makahatak wagas? Saan mo ba ko dadalhin? At saka sino ka ba ha?” sunod-sunod na tanong ko kay poging mulawin.

“Tsk, sumama ka na lang sa akin ng maayos Joan Everth, para hindi ka na masaktan,” mapanganib na sambit nya. What? Wait paano niya nalaman ang pangalan ko? Hmm, mapagtripan nga ‘to.

“Saan mo naman gustong pumunta? Sige sasama ako sa’yo poging mulawin,” nakangiti kong sabi sa kanya at unti-unti akong lumapit dito, nakakapagtaka na bigla siyang umatras sa paglapit kong iyon at nakangising tumingin sa akin bago inilabas ang isang box na nagliwanag nang husto pagkabukas niya.

“Ibabalik kita sa soul gate Joan!” galit niyang sabi at itinapat sa akin ang box.

“Porte de l’âme ouverte!” (Soul gate open) narinig kong sabi niya. Bakit ganoon ang pakiramdam ko? Parang unti-unting kinukuha ang lakas ko at tila naghihiwalay ang katawan ko sa kaluluwa ko. Pakiramdam ko’y unti-unting hinihigop ng asul na liwanag ang kaluluwa ko. Nakakatakot na pakiramdam. Sinubukan kong humawak sa posteng nakita ko at mahigpit na kumapit doon. Pero nanghihina na ako at hindi ko na kaya. Ito na ba ang katapusan ko? At sa kamay pa ng poging mulawin na mukhang maligno pa yata.

Ngunit naging mabilis ang pagsara niya ng box bago pa ako tuluyang mahigop nito. Mabilis siyang lumapit sa akin. At maagap akong sinalo bago ako tuluyang bumagsak sa lupa.

“Tsk, sino ka? Bakit ganyan ang hitsura mo? Hindi ikaw si Joan Everth!” narinig ko pa ang naiirita niyang mukha na kababakasan din ng pag-aalala.

“Ako talaga si Joan Everth, pogi. Hindi ko alam kung anong ginawa mo sa akin. Hinang-hina na ako, pero masaya ako na makita ko ang pogi mong mukha bago ako tuluyang pumikit,” nakangiti kong sabi sa kanya. Hindi ko alam kung bakit nagawa ko pang magbiro kahit na halos patayin na niya ako kanina. Hindi ko maintindihan pero ang gaan talaga ng pakiramdam ko sa kanya. Hindi ko magawang magalit o mainis man lang. Anong nangyayari sa akin?

“Révélation d’identité.” (identity reveal) Itinapat niya sa mukha ko ang kamay niya at nagliwanag ito nang husto na lalong ikinasilaw ko. Napapikit ako ng madiin. At mas nawindang ako nang pagmulat ko ng mata ay nasa isang marangyang silid na ako at nakahiga. Nakita ko siya na seryosong nakatingin sa akin ngayon habang hawak ang isang kamay ko?

“Salamat naman at nagkamalay ka na. Sa tingin ko ay kaya mo na. Maaari ka ng umalis maya-maya,” walang kangiti-ngiti niyang sabi at binitawan na ang kamay ko bago tumalikod. Tumayo ako at pinakiramdaman ang sarili ko, bago nagmamadaling sinundan siya. Napansin ko pa na maayos na ang damit ko. Wala na rin ang nakakairitang make-up sa akin ni bakla. Habang sinusundan ang mabilis niyang paglalakad ay napansin ko na wala na ang asul na pakpak sa likod niya. Sabi ko na nga ba, costume lang iyon. Pero paano ‘yung mga ibang nangyari? Panaginip lang ba iyon?

“Teka, Mulawin. Ano…, ” nagulat ako sa marahas niyang pagharap kaya natigilan din ako sa sinasabi ko.

“What?!”

“Ah, hehe salamat. Pero ano bang nangyari? Bakit nandito na ako sa silid? At ano, saan mo inarkila ‘yung pakpak mo? ang astig ha,” nakangiti kong tanong kay poging mulawin na lalo yatang pumopogi sa paningin ko kapag nagsasalubong ang mga kilay at naiiritang nakatingin sa akin ngayon.

“Unang-Una, hindi Mulawin ang pangalan ko kaya itigil mo ang kakatawag sa akin niyan. Tatlong araw kang walang malay, kaya dahil sa iyo kung bakit hanggang ngayon ay hindi ko magawa ang misyon ko. Aist! Sumunod ka sa akin, ihahatid na kita!” masungit niyang sabi habang binabagtas namin ang palabas ng mala-palasyong bahay na iyon. At mas lalo akong nawindang nang malaman kong nasa isang malaking paaralan pala kami ng Walton Academy. Shet talaga, may palasyo sa loob ng exclusive school na ‘to? Amazing!

“Ah, teka anong pangalan mo kung gano’n?”

“Kai.” tipid niyang sagot na ni hindi ako nilingon.

“Hmm, Kai…, ang ganda ng name mo. Ah, ako si Joan Everth,” sabi ko sa kanya habang patuloy siyang sinusundan. Ang bilis niyang maglakad, nakaka-stress na siya, ah. Tumigil kami sa nakaparadang white mustang niya.

“Tsk, hindi ko alam kung paano mo naging kapangalan ang target ko pero. Aist! Saan ka nakatira?!”

“Teka, bakit ba naiinis ka? Huwag mo na akong ihatid, ok na ako,” at tinalikuran na siya. Eh, ano kung pogi siya kapag nagsusungit, nakaka-stress naman. Hays, makauwi na nga.

Pero hindi pa ko nakakailang hakbang ay...


hinatak na niya ang kamay ko at kinaladkad papasok sa loob ng sasakyan niya. Mabilis niya itong pinaandar at tumigil kami sa baywalk kung saan ko siya natatandaang huling nakita bago ako napunta sa silid na iyon. OMG! So ibig sabihin, totoo ang mga nangyari ‘nung gabing iyon at hindi panaginip lang? Parang bigla akong natakot sa kanya. Kailangang hindi niya mahalata na kinakabahan ako.

“Thank you, Kai. Alis na ‘ko ha babay!” at nagmamadaling bumaba ng sasakyan niya at tumakbo palayo doon. Shet! Buti na lang at hindi halatang nangangatog ang boses ko ‘nung sinabi ko iyon. Bago tuluyang lumiko sa susunod na kalye, lumingon ulit ako sa kotse niya. Nakita ko siyang nakasandal lang dito habang seryosong nakatanaw sa akin mula sa malayo. Hindi ko maintindihan kung bakit bigla akong nakaramdam ng lungkot noong tinitigan ko siya. Pakiramdam ko ba’y may lungkot din akong nababakas sa mukha niya habang nakatingin siya sa akin. Nalulungkot ba kami dahil ito na ang huli naming pagkikita?

Pero bago pa ako makapag-inarte ng bonggang-bongga dahil sa kakaibang pakiramdam na ito, sa isang iglap ay muling nagbago ang kulay ng langit. Naging pula ito na katulad ng kulay ng dugo. Lumitaw sa malawak na dagat ng Manila Bay ang isang naaagnas na babae na tila binubuhat ng itim na usok. At lalong nanlaki ang mata ko nang nanlilisik itong tumingin sa akin, at mabilis na lumapit sa harapan ko.

Putang-inang aswang ‘to! Mura ko sa isip ko dahil sa sobrang gulat. Nakakatakot ang hitsura niya. Pero habang tinititigan ko na siya ay nagiging familiar ang mukha niya sa akin. Anak ng tokwang iyan! Kamukha ko ang naaagnas na multo! Ganitong-ganito ang hitsura ko bago ako nawalan ng malay na ayon kay Kai ay tatlong araw na ang nakalilipas. Hindi kaya ito si Joan Everth na sinasabi niyang target. ‘King-inang iyan.

Hindi ko alam kung gaano katagal akong naka-estatwa lang habang nakatingin sa multong iyon.

“Hmm, babae…, alam mo bang kamukhang-kamukha kita noong ako’y nabubuhay pa.” Kinilabutan ako sa tinig niyang tila nanggagaling sa ilalim ng lupa habang nanlilisik na nakatingin sa akin. Umikot-ikot siya sa kinatatayuan ko habang nakalutang sa itim na usok.

Para akong na-estatwa na tila pinipigilang makagalaw ng itim na usok na iyon na nakapalibot sa multo. Pero bago pa niya ako tuluyang mahawakan, nakita ko si Kai na mabilis na lumipad palapit sa akin at hinatak ako palayo sa itim na usok.

“Don’t you dare touch her!” galit na galit na sabi niya at pilit akong ikinubli gamit ng pakpak niyang nag-aalab ang pagka-asul ngayon. Para itong nagmukhang apoy na kulay asul pero nakapagtataka na sobrang lamig nito na singlamig ng yelo.

I feel secured at hindi ko maiwasan ang kiligin. Letse talaga. Nanganganib ka na nga, kinikilig ka pa rin. Saway ko sa sarili ko. Pero jusko lang, feeling ko isa akong leading lady na sinasagip niya laban sa monster. Gosh!

“Nandito pala ang Blue Guardian. Hahahahaha. Ibalik mo siya sa akin! Kukunin ko ang katawan niya! Kung gusto mo, kunin mo ang kaluluwa niya, at kukunin ko ang katawan niya! Parehas tayong warlry. Hindi ba dapat na ako ang kampihan mo kaysa sa mortal na iyan, Blue Guardian?” tila nababaliw na sabi niya kay Kai. Nakaramdam ako ng takot sa sinabi ng multo. Lalo akong nagkubli sa pakpak niya. Naramdaman ko na niyakap niya ako ng mahigpit bago lumipad. Akala ko ay tatakas kami, pero inilapag niya ako sa lugar na medyo malayo sa kinatatayuan ng multo.

“Just stay here. Babalik ako Joan,” nakangiti niyang bulong sa tainga ko, at hinalikan ako sa noo bago muling lumipad at bumaba sa kinaroroonan ng multo.

Hindi ko na narinig ang naging pag-uusap nila. Pero maya-maya pa ay tila naglabanan ang dalawang kulay na puwersa na nakikita kong nakapalibot sa kanila, ang itim at ang asul na tila usok. Gumawa ng malakas na pagyanig ang bawat pagbato ng multo ng puwersang iyon na sasalagin naman ng asul na liwanag ni Kai, habang nakalutang sila sa ulap. Pakiramdam ko ay nanonood ako sa isang 3D na fighting scene na may magic- magic. At katulad ng dati, nang ilibot ko ang tingin sa paligid ko ay wala akong makikitang ni isang tao sa buong baywalk na tila ang nakakawindang na labanang iyon ay inilaan lang para sa akin.

Nakita ko na mabilis na binuksan ni Kai ang box na ginamit niya noon sa akin. Pero hindi niya inaasahan ang mabilis na pagbulusok ng multo papunta sa kinaroroonan ko. Shit, matatamaan ako ng liwanag ng box.

“Isasama kita sa soul gate, babae. Hahahahaha at kukunin ko ang katawan mo,” humahalakhak na sabi sa akin ng multo at hinawakan ako ng mahigpit sa kamay. Lumutang kami sa ere kasabay ng pagbulusok sa amin ng liwanag ng box na unting-unting humihigop sa amin ngayon.

“Joan! No!” naging mabilis ang kilos ni Kai, mabilis siyang lumipad para makalapit sa akin at hinatak ang isang kamay ko. Napansin kong hindi na niya hawak ang box. Nakalutang na ito sa ere at tila may sariling buhay na hinihigop kami papasok doon.

“Isasama ko kayo! Hahahaha at pare-parehas tayong makukulong sa soul gate!” nakapangingilabot na sigaw ng multo.

“Iyon ay kung kaya mo ‘ko!” nakangising sabi ni Kai at nagulat ako nang biglang lumabas sa kabilang kamay niya ang isang nagbabagang punyal na kulay asul at mabilis na itinarak iyon sa dibdib ng multo.

“Aaahhh…!”

Nakakakilabot ang ungol niya habang patuloy siyang hinihigop ng liwanag ng box. Nabitawan na niya ang kamay ko na maagap na hinawakan naman ni Kai.

Tuluyang nahigop ang multo ni Joan Everth pabalik ng soul gate. Kasabay noon ang muling pagbabalik ng dating kulay ng langit. Marahan akong inilapag ni Kai sa lupa. Hindi ko maalis ang tingin ko sa kanya. Wala akong masabi dahil hindi ko alam kung paano magsisimula.

“Ayos ka lang ba?” nakangiti niyang tanong sa akin.

“Ok lang ako, Kai.”

“Tsk, alam kong hindi ka pa rin makapaniwala sa nangyari. Joan, isa akong warlry. Isa itong breed combination ng warlock at fairy at ako ay galing sa Fifth Dimension World. Inatasan ako ng first rank para hulihin si Joan Everth at ngayong tapos na ang misyon ko ay kailangan ko nang bumalik sa mundo namin. Salamat sa iyo, Ms. Perya Ghost,” nakangiti niyang sabi at binitiwan na ako. Biglang naglaho ang asul na pakpak niya kasabay ng biglang pag-ingay ng paligid ko, ang normal na ingay ng baywalk. At nagsimula na siyang maglakad pabalik ng kotse niya.

“Saglit lang!” malakas na tawag ko na ikinalingon niya. Naglakad ako palapit sa kanya.

“Teka, di ba dapat ako ang magpasalamat sa yo, iniligtas mo ako sa multong iyon. Salamat Kai,” nakangiti kong sabi sa kanya.

“Walang anuman, trabaho ko iyon.”

“Ah, Kai kapag ba umalis ka, hindi ka na babalik dito?” Hindi ko maintindihan pero nakaramdam ako ng lungkot sa tanong kong iyon.

“Siguro, hindi ito ang mundo ko Joan,” mahina niyang sabi sa akin.
“Gano’n ba, sige mag-iingat ka. Salamat ulit Kai.”

“Salamat din Joan,” nakangiti niyang sabi sa akin na sinuklian ko ng malungkot na pagtango. Napansin ko pa ang pag-aalangan niya na tila may gusto pa syang sabihin sa akin. Pero sabay lang kaming napabuntunghininga at pagkatapos no’n ay sabay kaming tumalikod at unti-unting lumayo sa lugar na iyon. Ako pabalik sa peryang tinitirhan ko at siya, pabalik sa mundong sinasabi niya.

Matuling lumipas ang panahon, nagpalipat-lipat kami ng lugar ng pinagtatanghalan. Pagkalipas ng dalawang taon, muli kaming bumalik sa baywalk at naalala ko na naman siya. Kumusta na kaya si Kai? Masaya kaya siya sa mundong sinasabi niya?

Malungkot akong nagse-senti ngayon sa dulong bahagi ng baywalk, habang naka-costume na pang-whitelady. Tiningnan ko ang paligid ko na tila hindi naman ako pansin ng mga tao. Saktong-sakto, pwede akong sumigaw dahil mukhang walang makakarinig sa akin. Gustong-gusto ko na kasing ilabas ang lahat ng nararamdaman kong lungkot sa puso ko ngayon.

“Kai! Nasaan ka na ba?! Masaya ka ba sa mundo mo ngayon? Ako kasi…, nalulungkot pa rin ako! Ang daya mo naman! Bakit ako lang ang nakararamdam ng ganito?! Ang daya-daya mo! Miss na miss na kita blue angel ko! Bumalik ka na kasi, eh!” malakas kong sigaw sa gitna ng malawak na dagat ng Manila Bay.

“Tsk, ang ingay mo talaga kahit kailan perya ghost,” mabilis akong napalingon pagkarinig sa boses na iyon, at natulala ng makita kong nakasandal siya sa white mustang niya habang seryosong nakatingin sa akin. Dahan-dahan siyang lumapit. Sobrang lapit na halos magtagpo na ang mga labi namin. ‘De joke lang, saktong lapit lang, mga dalawang dangkal.

“At sino bang nagsabing umalis ako? Ikaw nga ang nang-iwan diyan. Ang tagal ng dalawang taon. ah. Muntik na akong mainip Perya Ghost,” tila nagtatampo niyang sabi sa akin.

“Hindi ko alam na dito ka lang, eh. Sabi mo kasi hindi ka na babalik dito. Hindi ko kasalanan iyon. Kung sinabi mong hindi ka aalis, wala ring dahilan para iwan ko ang lugar na ito,” naiiyak kong sabi sa kanya. At tuluyan ko na siyang niyakap ng mahigpit habang walang tigil sa pagpatak ang mga luha ko.

“Hahaha ang drama ng perya ghost ko. Hmm, gusto mong lumipad?” mahinang bulong niya sa tainga ko. Maingat niyang pinunasan ang mga luha ko sa pisngi. Nakangiti lang akong tumango sa kanya at kasabay no’n, muli kong nakita ang asul niyang mga pakpak at naramdaman ang pag-angat namin sa lupa.

At magkahawak kamay kaming lumipad sa palibot ng malawak na dagat ng Manila Bay na walang ibang saksi kung ‘di ang maliwanag na buwan at libo-libong kumikinang na mga stars.

Wakas.

2

One Comment

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.