0

STRANGERS TO LOVERS CHAPTER FIVE


Report

STRANGERS TO LOVERS
CHAPTER FIVE
Nagpakawala ako ng marahas na paghinga. Pinanood ko ang ginagawa ni Anna habang patuloy pa rin ako sa pagsasalita. “Yumuko ka kasi. I-bend mo ang mga tuhod mo,” sabi ko kay Anna. Tinuturuan ko siya kung paano magtanim ng tama, kaso matigas ang ulo. Paulit-ulit ko na nga sinasabi pero hindi yata niya pinapakinggan ang mga sinasabi ko.
Tumayo siya ng tuwid at kunot ang noong tumingin sa akin. “Gusto mo bang sumubsob ako dyan sa putik?” Asik niya sa akin.
“Maupo ka na lang kung gusto mo,” inis kong balik sa kanya.
“Uupo ako sa puro germs? Gumaganti ka ba sa ginawa ko kahapon?” Nakataas ang isang kilay na wika niya.
Napasimangot ako. Napatingala ako sa sobrang konsumisyon sa kanya. Akala ko naintindihan na niya ang mga sinabi ko, pero mukhang hindi pa rin niya magets kung bakit ko sa kanya pinapagawa ito.
Gusto niyang bumawi dahil sa ginawa niya sa pagkain na tinapon niya. Dinala ko siya dito at pinagtatanim para maintindihan niya kung gaano kahirap ang magtanim ng kakainin mo. Pero mukhang hindi niya iyon maintindihan dahil sa kakareklamo niya.
Gusto ko lang naman na matuto siya at maintindihan ang pinopoint ko sa kanya. Gusto kong pahalagahan niya ang bawat pagkain na hinahain sa harapan niya. Pero, bakit sakit sa ulo ang napapala ko?
Tumingin ulit ako sa kanya. “Akala ko ba gusto mo bumawi. Ano? Ayaw mo na? Suko ka na?” panghahamon ko sa kanya.
Napakagat-labi siya habang nakatingin sa akin. Para talaga siyang bata. Hindi naman siya inaaway pero yung itsura niya akala mo inaway siya.
Napapa-isip tuloy ako kung ano ba ang ginagawa nito sa buhay at parang wala itong alam sa paghihirap. Lahat ng bagay may reklamo siya.
“Madali lang akong kausap. Kung hindi mo na kaya, umalis ka na dyan at maupo ka na lang doon,” itinuro ko sa kanya ang kubo.
Tumingin siya sa kubo saka muling tumingin sa akin. “Sinabi ko bang hindi ko na kaya? Ang sinasabi ko, baka sumubsob ako sa putik.”
Isa pa sa napansin ko sa ugali niya ay sobrang taas ng pride niya. Ang kagandahan lang sa kanya ay kapag sinabi niya, ginagawa niya talaga. Pinapanindigan niya ang sinasabi niya. Katulad na lang ngayon, kahit kita ko naman na hirap na siya ayaw niya pa ring bumigay.
“Hindi ka susubsob,” paninigurado ko sa kanya.
Huminga siya ng malalim at saka yumuko ulit. Akala ko ay okay na siya. Pero hindi pa nga siya nakakatagal sa pagyuko may reklamo na kaagad.
“Oh my gosh! Ang dumi kaya ng tubig. Is this really safe? Hindi ba ako magkakasakit?” Patuloy sa pagrereklamo niya.
Napabuntong-hininga ako at napahawak sa batok ko. Pakiramdam ko maha-highblood na ako sa babaeng ito. Gusto ko na talagang magsisi na dinala ko siya sa bahay ko.
Ang gusto ko lang naman ay tulungan siya. Nagmamagandang loob lang naman ako. Tapos, ito pa ang makukuha ko. Sakit ng ulo.
Tinalikuran ko siya at lumayo kaunti sa kanya para makapagtanim na din ako. Naririnig ko pa rin siyang nagrereklamo. Hindi kami matatapos nito ng maaga kung puro lang siya reklamo, baka nga wala na siyang magawa sa pagbubunganga niya.
Inabala ko na lang ang sarili ko sa pagtatanim. Kahit naririnig ko pa rin siyang nag-iingay, hindi ko na lang siya pinansin. Marami-rami na din akong naitatanim. Mas marami pa akong maitatanim kung hindi ko talaga papansinin si Anna.
Maya-maya ay tumayo ako ng tuwid at umunat. Hinanap ng aking mga mata si Anna. Napangiwi ako ng makita ko siya. Parang hindi pa yata siya nakakaalis sa pwesto niya kanina.
Nanlaki ang mga mata ko nang tumuwad si Anna. Malayo na ako sa kanya kaya nakikita ko na ang likuran niya. Sa iksi ng suot niyang shorts, kita na ang s*ngit ng pw*t niya.
Lumingon ako sa likuran ko. Pakiramdam ko ay umakyat sa ulo ko lahat ng dugo ko. Nakaka init ng ulo na makitang nakatingin na lang ang ibang tauhan ko sa likuran ni Anna.
Nagmamadali akong naglakad papunta sa kanya. Kahit hirap akong humakbang ay pinilit kong mabilis na makalapit kay Anna. Malapit na sana ako papunta kay Anna nang marinig ko siyang sumigaw. Napakunot ang noo ko. Ano na naman ba ang problema ng isang ito?
Mabilis akong lumapit sa kanya. Lalong kumunot ang noo ko nang makalapit ako sa kanya at makita ko ang itsura niya. Para siyang nakakita ng nakakatakot na bagay. Mukha na ngang namumutla na siya.
Tumingin siya sa akin at saka siya malakas na sumigaw. Nagulat talaga ako sa pagsigaw niya. Nakatulala na lang akong tumingin sa kanya.
“Oh my gosh! Oh my gosh!” Paulit-ulit niyang sabi habang ipinapaypay niya ang mga kamay sa sarili niya. Nagtatalsikan pa ang mga putik sa kamay niya. Meron na rin siyang putik sa mukha niya.
“Ano bang nangyari sayo?” Kunot-noong tanong ko ng matauhan ako.
Nanlalaki ang mga matang tumingin siya sa akin. Para talaga siyang takot na takot. Pinasadahan ko siya ng tingin. Pagbaba ng mga mata ko sa mga binte niya, alam ko na kung ano ang problema niya.
Napangiwi ako ng makita ko ang magkabilaan niyang binte. May mga linta na nakakapit sa kanya. Kaya siguro siya sumigaw ng malakas dahil sa mga linta.
“Oh my gosh! May worms sa…” hindi na niya naituloy ang sasabihin niya. Parang mahihimatay na siya kaya mabilis ko siyang hinawakan sa braso.
Naitikom ko ng mariin ang aking labi para hindi matawa.
“Linta lang ang mga iyan,” sabi ko sa kanya. “Hindi ka naman masasaktan dyan.”
Tumingin siya sa akin. “I dont care if it is linta. Tanggalin mo bilis,” sabi niya na para bang naiipit na ang boses niya.
Nginisian ko siya. “Bakit ko naman iyan tatanggalin? Nakiusap ka ba?”
Kinunutan niya ako ng noo. Ang maldita pa rin talaga. Natatakot na nga, nagagawa pang magmaldita nito.
“Argh, just…please, tanggalin mo na!” Sigaw niya sa akin. Naramdaman ko ang panginginig ng katawan niya. Siguro diring-diri na siya sa linta na nakakapit sa mga binte niya.
Tumaas ang sulok ng aking labi. Nakakatuwa siyang panoorin habang diring-diri siya. Kaso, mukhang mahihimatay na siya, kawawa naman kapag natumba dito sa putikan. Baka lalo lang siyang mandiri… hindi lang mandiri, baka ma-trauma pa siya.
Lumapit ako sa kanya at walang sabi-sabi na binuhat ko siya. Napatili siya dahil sa ginawa ko. Malapit na yata akong mabingi sa kakasigaw niya.
“Sisirain mo ang eardrums ko,” napapalatak na sabi ko sa kanya habang naglalakad ako paalis sa palayan.
Naglakad ako papunta sa kubo. Dinala ko siya sa may kawayang lamesa at doon ko siya inilapag sa ibabaw ng lamesa. Nang tingnan ko siya nakapikit na siya at mukhang namumutla na.
Napailing ako. Iniwan ko siya doon at naghugas muna ako ng mga kamay sa malapit na poso. Matapos kong hugasan ang mga kamay ko at patuyuin ay bumalik ulit ako kay Anna.
Napakunot ang noo ko nang makita ko si Troy, anak ng isa sa mga tauhan ko. Ganun na ba ako katagal sa pag hugas ng mga kamay ko para naunahan ako ni Troy sa gagawin ko.
Kausap ni Troy si Anna habang nakatingin sa binte nito at inaalis ang mga linta.
Pakiramdam ko ay umiinit na naman ang ulo ko dahil sa nakikita kong ginagawa nilang dalawa. Mabuti ba talaga kung nakatutok lang ang mga mata ni Troy sa mga linta, pero hindi eh. Nakahawak pa ito sa kabilang na hita ni Anna. At ang isa naman ay parang hindi napapansin ang ginagawa ni Troy at patuloy lang sa kakasalita.
Mabilis akong lumapit sa kanilang dalawa at tumayo sa gilid nila. Napatingin sa akin si Troy at tumayo din siya ng tuwid. Hindi nalalayo ang laki ng katawan niya sa akin kahit na mas bata siya sa akin ng apat na taon.
Hindi nagbago ang ekspresyon ko at tinitigan siya. Pinakita ko talaga sa kanya na hindi ko nagustuhan ang ginagawa niya.
“Pakisabihan sila mang Tonyo na magtanghalian na muna sila,” utos ko kay Troy. Tumango naman siya at umalis na. Pumalit naman ako sa pwesto kanina ni Troy, sa harapan ni Anna.
“What?” Nakasimangot kong tanong kay Anna nang mapansin kong nakatingin siya sa akin.
“Why are you like that? He’s just being nice and helping me here,” kunot-noong sabi niya.
“Helping you?” Naiinis kong sabi. “Bakit pa kita kinuha doon sa palayan kung ibang tao rin pala ang magtatanggal niyan? At saka mabuti ba kung sa pagtatanggal ng linta naka-focus ang mga mata niya.”
“What do you mean?” Naguguluhang tanong ni Anna.
“Sa legs mo siya nakatingin.”
“Paano mo nasabi?” Nakataas ang isang kilay na tanong niya.
“Lalaki ako, alam ko kung saan siya nakatingin…”
“O baka ikaw lang ang nag-iisip nun.”
“Nakita ko kung saan siya nakatingin,” mariin kong laban sa kanya.
“Natural lang naman na nakatingin siya sa legs ko. Tinatanggal niya yung mga worms kaya dapat lang di ba na nakatingin siya sa legs ko.”
Natigilan ako. Nagsalubong ang mga kilay ko. Anong pinapalabas niya? Marumi ang isip ko?
Umirap siya. “Pwede naman sigurong maging nice ka sa kanya…”
“Look, nice ako sa kanya. Kita mo nga hindi ko siya s*napak.”
Nanlaki ang mga mata niya. “Bakit mo naman iyon gagawin?”
Hindi ko siya nasagot. Bakit ko nga ba gagawin iyon?
Hindi ko naman talaga gagawin pero gusto ko talagang sapakin si Troy, lalo na noong makita ko kung paano niya tingnan ang legs ni Anna. Pero mas lalo kong gustong s*pakin si Troy dahil sa pinagsasabi ni Anna ngayon sa akin. Kung paano ipagtanggol ni Anna si Troy.
“Oh my gosh. Tanggalin mo na kaya ang mga worms...


na iyan,” kapagkuwan ay nandidiring utos sa akin ni Anna.
Hapon na kami nakauwi ni Anna. Tiningnan ko si Anna sa tabi ko. Hanggang ngayon ay namumula pa rin ang balat niya dahil sa pagbilad niya sa arawan. Nakonsensya tuloy ako dahil sa nangyari sa balat niya.
Nakatingin lang si Anna sa labas ng bintana at walang imik. Kanina lang ay puro siya bunganga, pero ngayon ang tahimik na niya. Ano na naman kaya ang iniisip niya?
Tumikhim ako. “Bakit ang tahimik mo?”
Nagpakawala siya ng malalim na hininga. Kaya naman tinapunan ko ulit siya ng tingin. Nakita kong parang ang layo ng tingin niya sa kawalan.
“Ang tahimik dito,” mahina niyang sabi. “Ibang iba sa Manila.”
“Nasa baryo kasi tayo,” sabi ko sa kanya.
Nanulis ang nguso niya kaya hindi ko mapigilang matawa.
Nakasimangot niya akong nilingon. “Bakit ka tumatawa?”
“Pinoproblema mo kasi ang katahimikan dito.”
Nanulis ulit ang nguso niya at saka humarap ulit sa labas.
“Dati, ganito kami…” huminga ulit siya ng malalim. “Masaya kaming dalawa kapag ganito katahimik.”
Kumunot ang noo ko. Dalawa?
“Sino ang kasama mo?”
Umiling-iling siya. “Hindi ko na matandaan kung sino siya.”
Tumaas ang kilay ko sa sinabi niya. “Hindi mo siya matandaan pero naaalala mo na ganito kayo.”
Humarap siya sa akin. “Alam mo iyong, parang may nag-fa-flashback sayo? Merong memories na bigla mo na lang maaalala na nangyari pala and you feel sad kasi hindi mo alam na may ganun kang memories pala.”
Tumikhim ako saka umayos ng upo. “Nagka-amnesia ka ba?”
“Hindi, noh. Bakit naman ako magkaka-amnesia?”
Nagkibit-balikat ako. “Baka naaksidente ka noon?” Tinapunan ko siya ng tingin. “You said may flashback ka, baka hindi mo lang din maalala na naaksidente ka.”
“Hindi nga. As far as I remember wala namang nangyari na ganun o naospital ako, kung naaksidente man ako.”
“Baka sinadya mong kalimutan ang nakaraan mo?”
Natigilan siya. Tiningnan ko ulit siya. Nakatingin pa rin siya sa labas.
“Hindi naman siguro.”
Hindi na ako kumibo. Mukha kasing wala naman siyang balak sabihin ang lahat. Hindi ko siya pipilitin na sabihin sa akin ang nakaraan niya o ang kwento ng buhay niya. Sino ba naman ako sa buhay niya? Sigurado namang hindi din siya magtatagal dito at iiwan niya rin ako.
Ilang sandali ding tahimik ang aming byahe nang muling magsalita si Anna.
“May mangga,” sabi ni Anna habang nakaturo sa labas.
Tiningnan ko ang itinuturo niya. Itinigil ko ang sasakyan ko sa tapat ng tindahan ng mga prutas. Bumaba kaming dalawa ni Anna. Kaagad na lumapit si Anna sa lamesa na pinapatungan ng mga mangga.
“Gusto ko nito,” turo niya sa plastic na may laman ng hiniwang mangga.
“Hi, Drake,” bati sa akin ni Cora.
Tumingin ako sa kanya at nginitian siya. Matagal ko ng kilala si Cora. Magkaklase kami noong elementary kami.
“Hi,” ganting bati ko sa kanya.
Ngumiti naman si Cora saka yumuko. Hindi ko alam kung bakit para siyang namimilipit sa kinatatayuan niya. Hindi ko na lang iyon pinansin.
“Ilang mangga ang gusto mo?” Tanong ko kay Anna habang pumipili ako ng mangga.
Hindi siya kumibo kaya tiningnan ko siya. Nakatitig siya kay Cora. Kung tingnan niya ito ay parang isa itong palaka na ine-experimentuhan niya.
“Hoy,” tawag ko sa kanya.
“May gusto ba siya sa’yo?” Tanong niya na ikinagulat ko.
Napatingin kaagad ako kay Cora. Napamaang na din ito kay Anna habang namumula ang mukha nito.
“Ano bang sinasabi mo?” Mariin kong sita kay Anna.
Tumingin sa akin si Anna at tinaasan niya ako ng kilay.
“Ikaw, siguradong wala kang gusto sa kanya,” sabi niya sabay turo kay Cora. “Pero, siya mukhang may gusto sa’yo.”
Nanlaki ang mga mata ni Cora dahil sa sinabi ni Anna.
“Naku po, w-wala po akong gusto kay Drake,” Pagkakaila ni Cora.
“Talaga lang, ha?” Nakangising sabi ni Anna.
Hinawakan ko na sa braso si Anna para tumigil na siya sa sinasabi niya. Hindi na kasi mapakali si Cora at mas lalong namimilipit sa pwesto nito.
“Tumigil ka na.”
Tinitigan ako ni Anna saka siya nagkibit balikat.
“Okay, ibili mo na ako ng mangga.”
Pinaningkitan ko ng mga mata si Anna. Nahihiya naman akong tumingin kay Cora.
“Pasensya na, Cora.”
Ngumiti na lang si Cora sa akin.
Matapos naming mamili ay umalis din kaagad kami ni Anna.
“Huwag mo ng uulitin iyon,” sabi ko kay Anna nang makasakay na kami sa kotse ko. Hindi maganda ang ginawa nito. Dahil sa mga sinabi niya, napahiya niya si Cora.
“Ang alin?”
“Ang sinabi mo tungkol kay Cora.”
“Totoo naman ang sinabi ko,” kunot ang noong sabi niya.
“Kahit totoo man iyon o hindi, hindi mo dapat iyon sinasabi. Lalo na’t hindi mo kilala ‘yong tao.”
Umiwas ng tingin si Anna sa akin. “Hanggang dito pala marami pa ring bawal,” mahina niyang sabi.
Hindi ko na pinansin pa ang sinabi niya. Ayokong makipag talo pa sa kanya dahil sa ginawa niya.
Maaga kaming pumunta ni Anna sa palayan kinabukasan. Katulad kahapon ay may payong pa rin siyang dala. Pero tahimik na siya ngayon. Hindi na din siya nagrereklamo.
Nakapantalon na din siya. Pinasuot ko na din ang bota ko sa kanya. Baka kasi may dumikit na naman sa kanya.
“Drake, nagyaya si Roel nang inuman,” nakangiting sabi sa akin ni Mang Edong.
“Pass na po muna ako,” tanggi ko sa paanyaya sa akin ni mang Edong. Tiningnan ko si Anna na abala sa pagpupunas ng kamay niya.
Hindi ako pwedeng makipag-inuman ngayon. Wala pa akong nalulutong pagkain para sa mamayang hapunan. Tiyak na magugutom itong si Anna kapag walang nagluto ng kakainin niya. Saka walang maghahatid pauwi sa kanya.
Napansin yata nila mang Edong ang tinitingnan ko, kaya si Anna naman ang niyaya nila.
“Ma’am Anna, gusto niyo po bang sumama sa inuman? Sandali lang naman. Birthday din kasi ng anak ni Roel kaya may inuman.”
“May wine kayo doon?” Tanong niya.
Napangisi naman ako at saka yumuko.
Nagkatingin naman sila mang Edong. Napakamot ito sa batok nito.
“Wala po. Lambanog lang po ang meron.”
“Lambanog?” Magkasalubong ang mga kilay na sabi ni Anna. Ilang sandali itong napaisip. “Gusto kong matikman.”
Tumingin sa akin si Anna. “Punta tayo sa party.”
Umiling ako. “Hindi pwede. Mag….”
“Doon na tayo kumain. And gusto kong matikman ‘yong lambanog,” excited niyang sabi.
“Sige na, Drake. Matagal na din mula ng huli nating tagayan.” Pamimilit nila.
Hindi na ako nakapag-salita pa. Wala na din naman akong magagawa. Lalo na’t mukhang excited na si Anna na pumunta sa birthday party.
Pagkatapos ng aming trabaho sa palayan ay umuwi muna kami sa bahay ko at nag-ayos. Kaagad naman kaming pumunta sa bahay nila Roel. Pagdating namin doon ay marami kaagad sumalubong sa amin.
Kinuha kaagad ni Mj si Anna at hinatak sa kung saan. Hinanap ko naman kaagad si Roel para batiin ang anak nitong may birthday. Wala kaming dalang regalo kaya pera na lang ang ibinigay ko.
Ilang sandali pa ay magsimula na ang party. Naging abala na ang lahat. Kasama ko naman sila Roel at nagsimula na kaming mag-inuman. Hindi ko na pinansin si Anna tutal naman ay kasama niya si Mj at ang iba pang mga dalaga.
“Hindi pa nga ako lasing!” Sigaw ni Anna habang inaalalayan ko siyang tumayo.
Napabuntong hininga ako. Sinasabi ko na nga ba. Hindi pa man kami tumatagal na umiinom ng lambanog, lasing na kaagad siya.
Hindi ko inaasahan na mag-iinuman din sila. Nalaman ko lang na lasing na siya dahil sa pagtawag sa akin ni Mj.
“Pasensya na po. Kailangan ko na pong iuwi si Anna,” Paghingi ko ng paumanhin sa nanay ni Roel na nasalubong namin.
Tiningnan niya si Anna. Saka siya muling tumingin sa akin at ngumiti.
“Wala iyon. Hala, iuwi mo na siya. Painumin mo ng mainit na tubig na may asin para mabawasan ang pagkalasing niya.”
“Opo, mauna na po kami,” inalalayan kong maglakad si Anna papunta sa kotse ko.
Pilit na itinaas ni Anna ang ulo niya. Naniningkit ang mga matang itinuro niya ako.
“Lasing ka na, noh?!” Malakas niyang sabi. Pinilit siyang tumayo nang tuwid. Kinuha niya ang kamay kong nakahawak sa beywang niya at pilit niya iyong inilalagay sa balikat niya.
“Bakit lasing ka?” Inalalayan niya ako na para bang ako ang lasing sa aming dalawa.
Napasimangot ako. Dalawang tagay pa lang ang nainom niya pero lasing na lasing na siya. Kung makapilit as akin kanina, akala mo bihasa na siya sa mga inuman.
“Ikaw ang lasing,” inis kong sabi sa kanya. Hinarap ko na siya at saka ko siya binuhat.
“Hoy! Hindi ako lasing,” sigaw niya. “Nahihilo ako! Bakit umiikot ka?!” Sinapo niya ang ulo niya.
Hindi ko pinansin ang pinagsasabi niya. Patuloy pa rin akong naglakad hanggang sa makarating kami sa sasakyan ko. Inilagay ko muna siya sa passenger’s side bago ako sumakay sa driver’s seat.
Tiningnan ko si Anna. Nakapikit na ang mga mata nito. Nakatulog na yata.
Napapailing na binuhay ko ang makina ng sasakyan ko. Ang lakas ng loob niyang makipag-inuman, ‘yon pala hindi naman niya kaya. Pasaway talaga.
Nang makarating kami sa bahay ay binuhat ko kaagad si Anna. Pagpasok ko sa loob ay napatingin ako sa mahabang upuan. Doon ko sana ihihiga si Anna, kaso nakokonsensya naman akong doon siya patulugin.
Pero kung sa kwarto ko siya patutulugin baka sumuka pa siya doon. Sa huli ay lumapit ako sa upuan at doon inilapag si Anna. Kinuha ko ang unan at kumot niya at inayos ang pagkakahiga niya.
Bago ako pumasok sa kwarto ko ay sinigurado ko munang tulog na nga si Anna. Bahala na siya bukas kapag sumuka siya dyan sa sala. Tutal naman, siya ang may gusto na makipag-inuman.


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.