3

Saka Na


Report

NILAKASAN ni Vodka ang pagpedal sa bisikleta niya para makaalis ng bahay nila. Patag naman ang daan kaya pabor ito sa kanya. Bahala na kung saan makapunta. Pero, isa lang ang sigurado dito, pupunta siya kay Raisins. Alam niyang ito lang ang maaaring makaintindi, ang kanyang kababata.
Natatanaw na nga niya ang isang maliit na kubo ngunit sinabayan iyon nang pagpatak ng ulan kaya mas dumoble ang kanyang pagmamadali. Mabuti na lang at hindi siya gaanong nabasa.
“Tamang-tama Vodka, dito ka muna para may kalaro ako,” nakangiting bati ni Raisins sa batang babae nang mabungaran ito sa pinto.
“Oo, payag ako iyon naman talaga ang pinunta ko,” ani Vodka sa kaibigan.
Close talaga sila dahil magkakaibigan din ang kanilang mga magulang. Sabay din silang ipinanganak kaya siguro ganoon din sila kalapit sa isa’t isa. Kung anong hilig ng isa, ganoon din ang isa. Hindi naman hadlang ang halos dalawang kilometrong layo ng tinitirhan nila para hindi magkita parati.
“Nag-aaway na naman sina Mama at Papa,” pagkukuwento agad ni Vodka katulad ng mga naunang dahilan nito kung bakit napapadalas siya sa bahay ng kababata, madalas din itong malungkot.
“Akyat na lang tayo ng puno ng bayabas doon sa likod ng bahay,” pagyaya ni Raisins, nagkataong huminto naman na ang ulan.
“Sige, paunahan tayo! Ready, set, go!” hamon ni Vodka.
“Err… alam mo naman matatalo ako e, pero sige game!” pagsang-ayon nito.
Palibhasa’y bata pa, mabilis lang makalimot si Vodka. Humahalakhak nang muli ang kani-kanina’y malungkot nitong mukha. Palangiti din kasi si Raisins, ang laging nagpaalala sa kanya na mag-enjoy sa bawat araw na dumarating.
HINDI magkasundo sa maraming bagay ang mga magulang ni Vodka, laging nagtatalo, wala rin time sa kanya ang mga ito. Kahit pitong taong gulang pa lang siya, alam na niyang may mali sa pagsasama ng mga ito. Mahilig sa gimik ang Mama niya– ang pinagsisimulan lagi ng away.
“Wow talaga naman! Ang galing. Umaga na a, kauuwi mo lang?” boses iyon ni Norbert, ang Papa niya ni Vodka.
“Pagod ako… huwag mo akong simulan,” sagot ni Hummy na halatang wala sa mood.
“Saan ka natulog?” usisa ng lalaki sa mataas na boses ngunit hindi na sumagot ang babae, tumuloy lang itong kuwarto.
Hindi ito lingid sa kaalaman ng anak nila. Kanina pa ito gising, nakikinig lang pala. Gusto man nitong kausapin ang mga magulang, ngunit hindi kayang simulan ng tulad niyang pitong taong gulang pa lamang.
Ganoon palagi tuwing umaga kaya mas pinipiling bagtasin ang dalawang kilometro gamit ang bisikleta niya para puntahan ang kalaro.
“Ang aga mo Vodka! Tara, halika sabay na tayong mag-almusal,” masiglang bati ng kalaro niya.
“Okay, basta laro tayo pagkatapos ha,” malambing na sabi nito.
“Oo naman…”
SA bahay naman ng mga Alonzo, hindi pa rin tumitigil ang away mag-asawa.
“Simula ngayon, wala na akong pakialam sa ‘yo kung ‘yan ang gusto mo!” mataas pa rin ang boses ni Norbert.
“Wala ka naman talagang pakialam hindi ba?” pagmamatigas ni Hummy.
Simula nga ng araw na iyon, umuuwi lang sila kung kailan nila gusto, wala nang imikan na pinagtakhan na ni Vodka.
“Mama, okay ang ba kayo ni Papa?” hindi na niya natiis ang mag-usisa nang matiyempuhan ito sa kuwarto habang nagbabasa ng magazine. Himala ngang hindi ito masyadong lumalabas ng bahay.
“Yes, baby. Bakit mo pala naitanong?” sabi nitong umangat ng tingin pagkuwa’y bumalik din sa binabasa.
“Wala naman po.”
Hindi na siya nag-usisa pa. Alam naman niyang magiging okay din ang lahat. Nagpapasalamat na lang siya dahil hindi naisipan ng mga magulang niya ang maghiwalay nang tuluyan. Sa puntong ito, naramdaman niyang mahal siya ng mga ito.
Natapos na niya ang elementarya. Ipinaghanda siya ng mga ito bagama’t alam niyang may awkward moments ang dalawa, ang mahalaga kumpleto sila.
Bakasyon na, hindi muna pumunta sa kaibigan si Vodka kaya naman labis siya nitong na-miss.
“Hindi ka yata naliligaw dito?” bungad ni Raisins sa telepono nang sagutin ang tawag sa kaibigan. Hindi pa nga siya agad nakilala dahil umiba na ang boses niya, dala nang pagbibinata.
“Raisins?”
“Yep…”
“Nasira kasi ang bisikleta ko at saka alam mo na hindi na yata kinaya ang bigat ko,” natatawa nitong sabi. “Alam mo naman limang taon na rin iyon sa akin at saka may nabago na e,” hirit pa niya. Gusto niyang sabihing hindi na angkop sa edad niya ang bisikletang pambata pero minabuting ‘wag na lang.
“Sige, hintayin mo ako riyan baka magawan ko nang paraan,” sabi nito bago ibinaba ang telepono.
Kulang isang oras na paghihintay nang makarinig si Vodka ng sipol sa labas ng bahay kaya minabuting labasin iyon.
“Hi, Vodka!” bati ng isang lalaking nakasakay sa bisikleta, makikitaan ng pagbabago sa itsura nito pati nga boses ay iba na.
Ganoon na ba kami katagal hindi nagkita? Napakabilis naman, naisip ni Vodka habang hinahagod ng tingin ang kaibigan. Maging siya nga ay naninibago sa sarili.
“Halika, pasok ka sa loob. Wala pa kaming nakahandang almusal, pasensiya na,” agad niyang paliwanag nang makapasok na ito sa bakuran. “Tulog pa kasi sila.” dagdag niya nang mapansing gumala ang paningin nito sa paligid tapos sa kanya.
Nagbukas agad ng tv si Raisins nang makaupo na sa sofa. Hindi na kasi siya iba sa Family Alonzo lalo pa’t close naman sila ni Vodka.
Samantala si Vodka naman, inabala ang sarili sa paghahanda ng almusal. Nang makarating ito sa pang-amoy ng Mama at Papa niya halos sabay pang lumabas ng silid na halos magkatabi lang. Hiwalay na kasi sila ng higaan na hindi naman isyu sa dalagita.
Matapos kumain, nagpresinta si Raisins na ayusin ang bisekleta ng kaibigan. Naayos naman ito pero nang magtangka si Vodka na sumakay dito, pinagtatawanan lang siya, dahil sa bigat niya hindi na umaandar ang gulong. Nangangahulugan, nagdadalaga na talaga ang dating batang paslit na kalaro niya noon.
“Magpapabili na nga lang ako ng bago,” pagsuko ni Vodka.
“Mabuti pa nga,” pagsang-ayon nito.
NAKABIHIS ang mag-asawang Pearly at Josh, dadalo sila sa kanilang Batch Reunion ng Porfirio R. Ponayo High School– pangalawang selebrasyon na mula nang magtapos sila rito.
“Ayos na ba ang suot ko Sweetheart?” konsulta ni Josh sa asawa. Hindi siya komportable sa suot na tuxedo.
“Oo naman,” anito habang abala sa harap ng salamin.
Bumukas naman ang pinto ng kuwarto nila, sumungaw doon ang ulo ni Raisins.
“Puwede po ba akong sumama?”
“Kung gusto mo bakit hindi? Mas maigi nga iyon para naman makilala ka nila, Anak,” sagot ng Papa niya.
Nakarating ang mag-anak saktong alas siyete y’ media nang gabi. Halos lahat naman na naroroon ay may kasamang anak. Isa na doon ang mag-asawang Norbert at Hummy.
“Nasaan po si Vodka?” usisa ni Raisins nang mapansing wala ang kaibigan saktong may kumalabit naman sa likuran niya kaya agad nilingon.
“Andito ka rin?” masiglang bati ni Vodka.
Hinila siya ng binatilyo sa gitna ng dance floor.
“Teka, hindi naman natin ito party a,” nagugulumihang tanong ni Vodka na ikinatawa naman ng isa. Ngumuso pa ito sa direksiyon ng mga kabataan na tulad din nila.
“Dance for...


all ito Vodka, huwag kang mag-alala,” anito na di mawala ang lawak ng pagkakangiti hanggang pumailanlang ang isang makalumang tugtugin.
And they called it puppy love…
Nang maunawaan nila ang lyrics niyon, nag-init ang pisngi nila pareho.
SA mga nagsasayaw doon, may dalawang magkakilala ang nagtama ang tingin, mababasa sa mga ito ang isang tagong lihim kaya naman tumayo ang isa para umalis muna roon ngunit sinundan pala ito.
“Pearl, s-sandali!” tawag ng isang boses na nagpahinto ng paghakbang ng Mama ni Raisins. Nilingon nito ang may-ari niyon.
“N-Norbert, ikaw pala,” hindi ito makatingin nang diretso.
“Puwede ba kitang makausap?”
Hinawakan ito ni Norbert sa braso at nandoon pa rin ang pamilyar na hatid ng pagkakadikit ng balat nila. Malapit sila sa hallway kung saan naging memorable din sa dalawa.
Tumingin muna sa paligid si Pearly. Gustong masigurong sila lang ang tao roon at mukhang ganoon na nga.
“Bumalik ka na roon, wala na tayong dapat pag-usapan, pareho na tayong may sariling pamilya,” mahina niyang sabi.
“Gusto kong malaman ang totoo. Mahal mo pa ba ako?” nagsusumamong tanong ni Norbert. Hindi niya pa rin binibitawan ang pagkakahawak sa braso nito.
“Ano bang klaseng tanong ‘yan? Tama na! Iniwan mo ako noon Norbert! Si Josh ang naging sandalan ko sa mga panahong umalis ka patungong ibang bansa. Hinintay kita, kung alam mo lang!” sabi nito sa garalgal na boses kasunod ng mga luhang kaytagal nang pinipigil.
Mabilis siyang nayakap ng lalaki.
“Bumalik ako Pearl pero ikakasal ka na noon kay Josh. I’m broken that time at nang dumating sa buhay ko si Hummy, para makalimot pinakasalan ko rin siya pero hindi iyon nakatulong, lagi ka pa rin sumasagi sa isip ko,” umiiyak na pagtatapat nito.
Napakasaklap para sa kanya na hindi si Pearly ang nakatuluyan. Magkakaibigan silang tatlo dati, siya, si Pearly at Josh. Hindi naman niya akalaing magkakaganito pala.
Kumalas na si Pearly sa pagkakayakap niya.
“Mag-move on na tayo Norbert, natutunan ko nang mahalin si Josh, sana ganoon ka rin kay Hummy,” anito saka humakbang na at nagpunas ng luha. “Kung sakaling magkamabutihan man ang anak mo at anak ko, huwag natin silang hadlangan. I can see in their eyes, na nagsisimula nang umusbong ang pag-ibig sa pagitan nila just like us before,” makahulugang sabi pa ni Pearly at tuluyan nang humakbang pabalik sa party.
Nakatayo lang doon si Norbert habang inaalisa ang sinabi ng ex-girlfriend.
“Papa, hinahanap ka ni Mama, uuwi na raw.”
Dagling nawala ang iniisip ni Norbert nang marinig ang boses ng anak. Kumapit ito sa braso niya at masayang silang naglakad papunta kay Hummy.
NANG makauwi ng bahay, hindi dalawin ng antok si Norbert, naguguluhan pa rin siya ngunit nagpasiyang sumilip sa kuwarto ng asawa. Nakaawang ang pinto pero kumatok pa rin.
“Sino-” hindi na natuloy ni Hummy ang tanong sana niya dahil mahigpit na yakap mula sa asawa ang nagpagulat nang husto sa kanya. Plano na sana niyang matulog.
“I’m so sorry for the stupid things I’ve done…” Umiiyak ito.
“Hindi ko maintindihan,” clueless na sabi ni Hummy. Kung sa mga pagtatalo naman nila bilang mag-asawa ang dahilan ng paghingi nito ng tawad, ay matagal na niya itong napatawad. Alam din naman niya ang pagkukulang niya bilang misis nito. Naghahanap lang din siya ng tiyempo para makipagbati sana. Nagawa lang naman niyang gumimik at magbarkada dahil alam niya sa sariling kahit kasal sila ay hindi siya ang may-ari ng puso nito. Madalas tuwing tulog ang asawa, ibang pangalan ang binabanggit nito, alam niya ang totoo.
“Hayaan mo akong bumawi sa ‘yo,” sabi nito saka tumabi na sa kanya. Naisip ni Norbert na walang kasalanan si Hummy para pagdamutan ito ng atensiyon at pagmamahal.
“Oh Norbert, matagal ko itong hinintay,” naluluha nitong sambit saka sumiksik sa asawa.
“You deserved it my dear,” malambing na sabi nito habang hinahaplos ang buhok ng asawa.
NAPASARAP ang tulog ni Vodka, alas nuebe na ng umaga nang magising siya.
Namangha pa siya pagkalabas ng sala, napalitan na kasi ang kurtina sa bintana. Nang dumako naman sa dining table ganoon din. Naninibago si Vodka lalo nang abutan doon ang Mama niya.
“Mama, hindi ka umalis kagabi? I mean–” hindi na nakapagsalita ang dalagita nang makita ang bagong gising niyang Papa na galing sa mismong kuwarto kung saan ang master’s bedroom talaga para sa mag-asawa. Ibig sabihin nagtabi na ang dalawa sa pagtulog. Kung kailan man ito nagsimula, natutuwa nang lihim si Vodka.
“Good morning, Girls!” bati ni Norbert sa dalawa. Nakangiti ito lalo na kay Hummy na hapit ang suot na bestida. Naganap din kasi ang dapat maganap sa pagitan nila mula nang makatabi ito sa pagtulog.
“Norbert!” saway ni Hummy dahil malalagkit na tingin ng asawa.
Tumawa naman nang mahina si Vodka. Nararamdaman niyang okay na ang magulang niya.
“Mama… Papa, pupunta lang akong bodega.”
Kumaripas na siya ng takbo palabas ng bahay para bigyan ng moments ang mga ito.

PASUKAN na naman ng mga estudyante sa Porfirio R. Ponayo Highschool. Naroon na nga ang dalawang magkaibigan. Dahil baguhan doon, madalas silang pagtinginan.
“Napansin agad ‘yong charm natin, tingnan mo sila,” pabirong sabi ni Raisins habang naglalakad sila sa hallway. Gustung-gusto pa yata nito ganoon.
“Dinamay mo pa ako Rai, tiyak na naninibago lang din sila,” sabi ni Vodka.
Unang araw pa lang sa klase nalibot na nila ang buong school campus tapos sa kantina ang tambayan o kaya sa puno doon ng kamagong. Minsan sa likod ng classroom pag bakante ang oras nila.
“Ano kayang naisip ng magulang natin at ganito ang ipinangalan sa atin?” pagtatanong ni Raisins sa kawalan nila ng topic habang nagpapapak ng cornick. Nakaupo sila sa damuhan, isang hakbang ay pader na, ang nagsisilbing boundary ng kanilang eskuwelahan.
“Ang sabi ni Papa, noong dumating ako sa buhay nila, wala silang maisip na ipapangalan sa akin, ngunit nang matabig niya ang Vodka na paboritong inumin ni Mama, doon na niya nakuha ang pangalan ko,” natatawa niyang kuwento.
“Ako kasi pinaglihi sa tinapay na may pasas e,” nakangiwi nitong sabi. “Pero alam mo, anuman ang pangalan natin, siguradong may dahilan kung bakit tayo nandito sa mundo. Ako, na nagmamahal sa ‘yo, ikaw na kinikilig sa sinabi ko,” dugtong niya.
Natahimik naman si Vodka. Ano ba kasing kakornihan ang pinagsasabi ng kaibigan niya?
“Habulan na lang kaya tayo!” paghahamon niya kay Raisins.
“Matatalo ako!” reklamo nito.
Inubos na nila ang pinapapak saka tumingin sa langit na kulay bughaw.
“Alam mo bang may pangarap ako kasama ka?” Namula ang pisngi ni Vodka sa nabitawang salita.
Sinulyapan tuloy siya ni Raisins at namumula rin ito.
“Ako naman, pangarap kita.” Kinuha nito ang kamay ni Vodka saka muling nagsalita. ” Gagawing kong inspirasyon ang araw na ito para tupdin iyon sa tamang panahon.”
Humilig si Vodka sa balikat ng kababata. Hindi naman sila nagmamadali sa mga bagay na hindi pa angkop sa kanilang edad. Pag-aaral naman talaga dapat ang priority ng isang responsableng estudyante.

Wakas…


3 Comments

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.