0

Mga Liham ni Onyang#3


Report

Ika-labing anim ng Augusto, 1975
Mahal kong Ayong,
Isang buwan…
Isang buwan ng aming pagsasama.
Ayong, ako ba’y mahal mo pa?
Kinakain ako ng ngitngit sa tuwing mahuhuli ko ang kanyang mga titig. Ikaw, Ayong, ang pilit kong iniisip.
Bakit siya ang kasama ko sa halip na ikaw?
Ikaw sana ang aking kaulayaw sa maghapon at magdamag.
Ayong…
Ayong!!!
Naiiba ang aking pakiramdam nitong mga araw na lumipas. Nakakaramdam ako ng takot at kaba…may panahon at oras na tila tambol sa lakas ang pintig ng aking puso.
Aking Ayong…ang aming pagniniig kaya’y nagbunga na???
Anong puri pa ang aking maibibigay sa iyong pagbalik gayong kinuha na nya ang lahat sa akin…
Ngunit sa puso ko parin ay ikaw, Ayong. Kailanman ay ikaw parin.
Nakuha nya ang aking katawan…
Ngunit puso’t kaluluwa ko ay sa iyo’t iyo lamang.
Hindi ko mawari kung ako’y matutuwa sa pagka’t ayon kay Inang, marahil ako daw ay naglilihi na.
May mga pagkain na akong hinahanap, matamis at maaasim na prutas…
Hindi ko ninais na palitan ka sa buhay ko, Ayong…ngunit bakit siya ang nais kong...


nakikita sa mga araw na lumipas???
Kung ako man ay magkakasupling, ikaw ang pinangarap kong maging ama ng aking mga anak..
Aking Mahal..
Ayoko ng aking nararamdaman. Tila ba ako’y lumilingay na sa kanyang pakikitungo sa akin. Sana’y naging masama na lamang ang kanyang pag-uugali upang mas madali akong mamuhi sa kanya.
Ayong, huwag ka sanang magdadamdam…ngunit may oras o sa kisap mata’y ikaw ang nakikita ko sa kanyang wangis.
Pinipilig ko na lamang ang aking ulo’t siya’y susungitan upang pagtakpan ang aking nararamdaman at nakikita.
Ayokong mahalin siya, Ayong…Ayoko.
Kung saan ka man pumaroon, Mahal ko, sana’y magbalik ka na. Iparamdam mong muli sa akin ang iyong pagmamahal at ninanasa kong ako’y iyong hablutin sa aking kinalalagyan.
Ayoko na dito, Ayong…
Ayokong sumuko..
Ayokong mapalitan ka niya sa aking puso.
Sa darating na buwan ay aking kaarawan, sana’y loobin ng Panginoon ang aking mga dalangin sa bawa’t gabing akong hihimlay sa kanyang tabi.
Nais ko’y ikaw lamang…hanggang sa huli..
Kung nasaan ka man, Ayong, sana’y kahit sa panaginip at gunita’y alalahanin mo ako.
Naghihintay sa iyong pagbabalik,
Onyang


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.