0

Mga Liham ni Onyang#1


Report

Ika-unang araw ng Hunyo, 1975
Mahal kong Ayong,
Mula sa magdamag na pagluha, ako’y namulat. Ngayon ang aking Kasal, ngunit ikaw ang laman ng aking isipan. Pakiramdam ko’y ako’y papasalibingan sa halip na makikipag-isang dibdib sa kaniya.
Kay bigat ng aking mga paa, tila ayaw kong gumayak at isuot ang aking trahe de boda. Naglalabo ang aking paningin habang minamasdan ko ang aking saya.
Ano kaya’t ako’y tumakas at sa iyo’y makipagtanan?
Ngunit nasaan ka, Ayong?
Hindi ko man lamang nalaman kung saan ka pumaroon. Hinanap kita sa bawat sulok ng ating mga tagpuan.
Pilit hinahagip ng aking mga mata ang bawat tatawid sa aming tarangkahan. Inaantabayanan ko kung ikaw’y isa mga naglalakad sa maalikabok at mabatong daanan.
Aking Ayong, nasaan ka?
Dumating ang kotseng puti na maghahatid sa akin sa simbahan.
Lahat na yatang dahilan ay pumasok na sa aking isipan, huwag lamang akong masampa sa sasakyan. Pakiramdam ko’y tila ito karo na patungo sa aking himlayan.
Sa pag-usad ng kotse ay bumuhos ang malakas na ulan. Tila delubyo ang hangin na bumabayo sa salamin na aking...


kinasasandalan.
May bagyo ayon sa balita sa radyo, nakikisama ang panahon sa hinagpis ng aking kalooban.
Huminto ang puting kotse dahil sa ito’y nasiraan. Inilipat ako sa asul na jeepney ngunit nahinto din sa kalagitnaan. Sa huli’y pulang kotse ang naghatid sa akin sa pintuan ng aking sakdalan.
Aking Ayong, hindi maubos ang luhang naglalandas sa aking mga pisngi. Ang mga paa ko’y tila may hilang kadena sa bagal ng aking prusisyon.
Doon sa altar, naghihintay siya. Siya na batid kong kailanma’y di ko matututunang mahalin. Pagka’t siya…kailanma’y di magiging ikaw.
Pigil ang aking hikbi sa paghihintay kung sino man ang tututol. Ninais kong bigkasin ang iyong ngalan na tila iyon ang magdadala sa iyo sa aking kinaroroonan.
Dumating ang sumpaan, hanggang ang singsing ay isuot sa aking palasingsingan…
Hindi ka dumating..
Ako’y naging manonood na lamang sa aking sariling katawan. Namanhid ang aking pakiramdam at ang aking luha’y di na pumatak.
Umayon na lamang sa kung saan ako igiya…
Sa kung saan ako hatakin…
Sa kung saan ako dalhin…
Aking Ayong, bakit hindi ka dumating???..
Naghihintay,
Onyang


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.